Thursday, October 28, 2010

HALIK NG PAG-IBIG Part 17

Kahit nakakaramdam ako ng pananabik, hindi ko pa rin inaalis ang kumot na bumabalot sa buo kong katawan at nagkunwaring tulog baka kung anu-ano na naman ang sasabihin niya na magpapasakit ulit sa kalooban ko.

"Alam ko Dave, gising ka pa at naririnig mo ako. Pwede bang mag-usap tayo" si Jake na malumanay ang boses.
Hindi ko magawang magsalita dahil sa luha kong di na yata tumigil sa pagtulo.
"Kung ayaw mo akong harapin ok lang sa akin naiitindihan kita dahil siguro hindi ka pa handa. Alam ko naman na hanggang ngayon ay nasasaktan ka pa rin sa mga nangyari. Kung sakaling magbabago ang isip mo na kausapin ako nandito lang ako. Sige pahinga ka na" si Jake ulit na may tono nang kalungkutan at pagkadismaya.

Nang marinig ko ang pagsara ng pintuan, inangat ko na ang kumot ko saka umupo sa kama pahid ang luha. Sa totoo lang gustung-gusto ko na siyang yakapin at halikan nang mga sandaling iyon pero nanaig sa akin ang takot na baka lalo niya akong kamuhian at pangamba, dahil may girlfriend siya. Kinabukasan, nagising ako sa isang tawag sa cellphone ko.

"Dave, may maganda akong balita sa iyo, pwede na kayong umupa sa dati naming bahay sa New Manila, umalis na ang dating nakatira doon." masayang sabi ni Erika.
"Talaga friend, salamat. Makakapag move-on na siguro ako nito. Kailan pwede lumipat?" sabi ko.
"Mamayang uwian, pupunta ako diyan sa inyo, sabihan mo na rin ang itay mo ha" si Erika.
"Ok"
"Sige bye muna malalate na ako." si Erika.

Nang bumaba ako para maligo, nakita ko silang lahat maliban sa aking itay na nauna na palang umalis papuntang canteen namin, kumakain ng agahan.

"Dave anak, halika sabay ka na sa aming kumain" yaya ni Tita nang makita akong nakatayo.
"Salamat po Tita, pero busog pa ako saka nagmamadali ako ngayon. pagtanggi ko. Nang paalis na sana ako papuntang banyo para maligo, biglang tayo ni Jake sa upuan niya saka inakbayan akong pabalik sa mesa.
"Dave, alam kong gutom ka, kain ka muna kahit kaunti, ako ang nagluto niyan." si Jake na pinaghahainan ako ng sinangag at itlog.

Kita ko sa mga mata nina Tito at Tita ang pagkabigla. Nang tignan ko si Jake, nakangiti ito pero nakikita ko pa rin sa mata niya ang kalungkutan. Hindi na ako nakatanggi. Habang kumakain, halos mamayani ang katahimikan sa aming apat. Ni isa ayaw magsalita. Nararamdaman kong patingin-tingin sa akin si Jake pero iniiwasan ko talaga siyang tignan.

Nakatapos na ako lahat-lahat at handa na sa pagpasok. Lumabas na ako ng bahay nang biglang may humatak sa braso ko papasok ng kotse. Si Jake pala ito. Ewan ko ba, naging sunud-sunuran na ako sa lalaking ito. Habang nagmamaneho, katulad kaninang agahan, tahimik pa rin kami. Siya na rin ang nagbasag nito nang mapansin akong sa bintana lang ako nakatingin.

"Dave, hindi ka ba masaya at bumalik na ako?" ang bigla niyang tanong sa akin. Hindi ko alam kung ano ang isasagot ko sa tanong niya. Sasabihin ko na sanang "Oo, miss na miss na kita" pero nanaig parin sa akin ang takot at pangamba kaya ang nasagot ko ay...
"Buti naman bumalik ka na, nag-aalala na sa iyo ang mga magulang mo" casual kong sagot na medyo kinakabahan. Kita ko sa mukha niya ang disappointment sa sagot ko.

Nang huminto na kami sa gate ng school, mabilis akong bumaba. Agad siyang sumunod sa akin at umakbay ito. Dahil mahuhuli na ako, hinayaan ko na lang siya hanggang maghiwalay kami sa lobby. Nakangiti siyang kumaway sa akin na parang nagsasabing "see you later" at naglakad na siya papunta sa room nila. Habang umaakyat ng main stairs di ko madeny sa sariling kinikilig, pero agad itong napalitan ng pangamba nang may mapuna akong tao sa emergency stairs sa gilid ng building na naging sanhi ng pananakit ng kalooban ko, si Cathy at may kausap na lalaki. Pero kapansin-pansin na parang seryoso ang pinag-uusapan nila. Dahil na rin sa aking talento ang pagiging tsismoso, lumapit ako nang kaunti para marinig ang pinag-uusapan nang biglang magwalk-out itong si Cathy. Napahinto siya nang makita makasalubong niya akong papalapit sana, at nagulat ako nang tinignan ko ang lalaking kausap niya na sumusunod sa kaniya.

Itutuloy.....................

No comments:

Post a Comment