Tuesday, November 2, 2010

TUKSO Part 8

Naglakbay kami ni Mike papuntang Tagaytay. Pakiramdam ko ako na ang pinakamasayang tao sa mundo dahil naranasan ko na ang mahalin ng totoo. Habang nagbibiyahe, di ko maiwasang mapangiti. Napansin ito ni Mike.

"Babe, sana lagi kang ganyan, ang sarap mo kasing tignan, lumalabas ang pagkacute mo" si Mike habang nagmamaneho.
"Bolero, saka wag mo nga akong matawag-tawag na babe, naiilang ako" sagot ko.
"Nag-umpisa ka na naman, ano gusto mo ang buo mong pangalang pangmatanda ang itawag ko sa iyo hehehehe" si Mike na natatawa.
"Ang yabang mo naman palibhasa maganda ang pinangalan sa iyo" sabi ko sabay hampas sa kanya sa braso.
"Hindi lang maganda ang name, cute pa diba tulad ko tsk" sagot niya na nagpapogi sign pa at kumindat.
"Ay, patingin naman ng tiyan mo baka kinabagan ka na saka yung ulo mo baka lumaki na yan dahil sa dami ng hangin" biro ko sa kanya. May karapatan naman talagang magmalaki ang mokong na ito. Natatawa lang siya.



Pagkaraan ng mahigit 5 oras na biyahe, nakarating na kami sa aming destinasyon. Wala pa ring nagbago sa lugar na iyon maliban na lang na mas marami ang tao ngayon.


"Maraming tao ngayon ah, tara sunod ka sa akin" sabi niya sabay hawak sa braso ko. Kahit nagtataka sumunod na ako sa kanya. Dinala lang pala niya ako sa isang lugar na kung saan walang tao para makapagsolo kami. Umupo ulit kami sa damuhan habang pinagmamasdan ang kagandahan ng paligid.
"Babe, salamat at tinanggap mo na ulit ako" si Mike na humawak sa kamay ko.
"Sana lang hindi ako nagkamali sa desisyon ko na magpatukso sa iyo" sagot ko.
"Huwag mo naman agad akong husgahan, hayaan mong ipakita ko sa iyo ang totoo kong pagmamahal." si Mike na hinawakan ang pisngi ko.Napatitig na lang ako sa kanya. Maya-maya nilapit niya ang mukha sa akin at naramdaman ko na lang na dinampi niya ang mga labi niya sa akin.


Sa kauna-unahang pagkakataon, naranasan ko na rin ang mahalikan na hindi pa nangyari sa lahat ng mga nakarelasyon ko. Masaya ako dahil galing pa ito sa taong una kong minahal. Siya ang unang kumalas.


"Alam kong di ka pa nahahalikan, kaya ako ang nagbigay sa iyo ng first kiss" si Mike na nakangiti sa akin. Nahita naman ako sa mga sinabi niya.

"Umpisa pa lang iyan ng pagpapakita ko sa iyo ng aking pag-ibig. Babe, unat mo ulit ang binti mo" si Mike.


Tulad ng dati humiga pa rin si Mike sa damuhan na ang ulo ay nakapatong sa aking mga binti. Hinaplos-haplos ko naman ang buhok niya atdi maiwasang pagmasdan ang mukha niya habang nakapikit. Maamo ito at hindi talagang nakakasawang tignan. Perpekto talaga kahit pa medyo nagkakaedad na. Nasa kasagsagan ako ng pagtitig sa kanya nang bigla akong nagulat dahil sa pagdilat ng mata niya.


"Baka naman malusaw na ang mukha ko sa sobrang titig mo" si Mike na nakangiti lang.

"Hindi ako nakatingin sa iyo ano" nauutal kong sagot sa kanya.
"Bakit nagsisinungaling ka pa, sige lang tignan mo ako nahihiya ka pa" si Mike na umayos ng higa at pumikit ulit.

Inabot na kami ng dilim sa ganoon posisyon. Siya na rin ang tumayo at niyaya akong tumuloy muna sa isa niyang kaibigan malapit lang dito.



"Ngayon ko lang nalaman na may kakilala ka pala dito" sabi ko sa kanya habang nasa loob kami ng kotse.
"Oo, isa siya sa mga matalik kong kaibigan." sagot niya habang nagmamaneho.
"Ah, gaano na kayo katagal magkakilala? ang natanong ko.
"Magkababata kami, nagkalayo lang kami ng landas nang lumipat sila dito." sagot niya.
"Ibig sabihin, kilalang-kilala niyo na ang isat-isa." sunod kong tanong.
"Siyempre naman, alam ko nga ang lahat ng mga pinagdaanan niya sa buhay" sagot niya.
"Bakit naman sila nalipat dito?" ang nacurious kong pag-follow up.
"Sa America sila lumipat nung una sa tulong ng mayaman nilang kamag-anak. Sa pagkakaalam ko, inilayo siya ng mga magulang niya dahil nagmahal siya sa kapwa lalaki."
"Ano, tama ba ang narinig ko kapwa lalaki?"
"Oo, 3 taon na ang nakakaraan, umibig siya sa kanyang boss. Mula nang tanggapin siya nito sa kanyang kumpanya, doon na umusbong ang pagmamahal niya dito. Bilib na bilib kasi siya sa boss niya dahil sa napakatalino nito at hardworking. Nagawa niyang paunlarin ang kompanya sa bata niyang edad. Mabait daw ito sa kanya kaya naging sila. Nang malaman ito ng mga magulang niya, agad silang pinaghiwalay at nangibang bansa. Sobrang lungkot niya dahil hindi siya nakapag-paalam sa boss niya. Hanggang ngayon mahal pa rin niya ito kaya siya bumalik dito ngayong taon. Kung sakaling magkita ulit sila, hindi na niya hahayaang mawalay pa ulit ito sa kanya.

"Ah ganun pala iyon" naalala ko tuloy ang ginawang pagtatakwil sa akin ng aking pamilya. Ito ang ginawa kong inspirasyon para magsumikap. Nagpapasalamat ako sa Diyos dahil nagbunga ang aking mga paghihirap.
Makalipas na ang halos isang oras na biyahe, nakarating na kami sa bahay ng sinasabi niyang kaibigan. 


"Ito na ang bahay niya, alam mo ba na ang boss niya dati ang naging inspirasyon niya para magsumikap din. Bilib ako sa kanya" si Mike habang nakaakbay sa akin na naglalakad papasok ng gate. Nagsimula na siyang kumatok. Isang matandang babae na nasa 40 pataas na ang edad ang nagbukas nito.



"Ah Sir Mike, kumusta bigla kang napadalaw, sigurado akong matutuwa ang amo ko sa iyo. Hindi ka pa rin nagbabago gwapo ka pa rin. Sino naman yang kasama mo, aba kay gwapo rin nito?" sabi ng matandang babae.


"Ah si Ricardo nga pala yaya. Ric, si Yaya Rosie nga pala" si Mike. Nakipagkamay ako sa kanya.
"Halika pasok, maupo muna kayo sa sala. Tatawagin ko lang si sir nasa taas kasi siya e. Paghahandaan ko na rin kayo ng hapunan." si yaya Rosie.

"Sige po yaya." si Mike.



Mahigit limang minuto na rin kaming nakaupo ni Mike nang marinig kong may nag-uusap sa may kusina.


"O mabuti sir bumaba na kayo, kanina pa kayo hinihintay ni Sir Mike at may kasama siya." boses ni Yaya Rosie.
"Sige, puntahan ko na sila" narinig kong sagot ng kanyang amo. Bigla naman akong kinabahan sa narinig kong boses. Parang pamilyar kasi sa akin iyon. Maya-maya humarap na sa amin ang sinasabing kaibigan ni Mike.
Laking gulat ko nang makita ko kung sino ito.Isang taong kilalang-kilala ko.

"Hindi ito maaari" ang nasabi ko sa sarili ko.

Itutuloy.......

No comments:

Post a Comment