May narinig akong boses ng isang tao na nagsasalita sa loob, sa palagay ko may kausap siya sa telepono. Medyo kinabahan ako dahil parang kilala ko ang pinanggagalingan ng boses na ito. Nagpasiya akong lumapit pa nang kaunti para pakinggan ito, at doon ko napagtanto kung kanino ito nanggaling. Hindi ako pwedeng magkamali.
Bigla akong nakaramdam ng pagkamiss sa kanya. Parang gusto ko na siyang lapitan at yakapin ng mga oras na iyon. Siguro dahil sa matagal niyang pagkawala ng halos 5 taon. Iniisip ko kung ano na ang itsura niya ngayon at nagtataka rin kung bakit siya naging businessman sa halip na maging teacher na kinuha nilang kurso ng kuya ko pati na rin ang dahilan ng kanyang pagbabalik.
Kahit naeexcite ako sa muli naming pagkikita, mas nanaig pa rin sa akin ang galit dahil sa hindi ko nakalimutang ginawa niya sa akin. Hindi ko na hahayaang mangyari ulit sa saktan niya ulit ang damdamin ko. Ipapakita ko sa kanya na iba na ako ngayon, hindi lang sa pisikal na itsura pati na rin sa pag-uugali. Hindi na rin ako magpapadala sa bugso ng damdamin. Nandito ako para magtrabaho.
Inayos ko muna ang aking sarili bago siya harapin. Ngayon pa lang naiisip ko ang magiging reaksyon niya kapag nakita ang bagong Rico sa harap niya. Nang matapos siya sa pakikipag-usap sa telepono ay saka akong lumapit sa kanya. Tumayo ako sa harap ng mesa niya.
"Good Morning po sir" ang nakangiti kong pagbati sa kanya. Halos magulat din ako sa kanyang itsura ngayon. Mas lalo siyang gumwapo. Kahit naka long sleeve din at kurbata, halata pa rin ang ganda ng katawan niya sa pagkakabakat pa lang ng suot niya. Makinis pa rin ang kanyang mukha kahit medyo nagmature na siya.
"Good mor..." ang itutugon niya pero naputol nang makita niya ako. Kita ko sa mga mata niya ang pagkabigla rin sa aking bagong itsura. Ilang segundo rin niya akong tinignan mula ulo hanggang paa saka nagsalita muli.
"Ah eh Good morning, please take your sit" pagpapatuloy niya sabay turo sa akin ng isang upuan sa may mesa paharap sa kanya.
Pagkaupo, inilabas ko na ang aking dalang resume at inabot sa kanya. Pilit kong maging pormal at isinantabi ang nararamdaman ko sa kanya. Nagtaka ako dahil hindi man lang niya ito binasa. Ipinasok lang niya ito sa kanyang drawer.
"Hindi mo muna kailangang magtrabaho at huwag mo nang problemahin pang bayaran ang utang sa ginastos sa ospital. Iyong pera na pinahiram sa inyo ni mama, sa akin nanggaling iyon. Nag- alala rin ako sa nanay mo kaya nung humingi ng tulong sa akin ang kuya mo, hindi na ko nagdalawang-isip pa." si Kuya Carlo na nakatingin sa akin.
Medyo nabigla naman ako sa mga sinabi niya. Ibig sabihin siya ang nagpapunta sa akin dito sa pamamagitan ni Tita Mely. Matagal na pala siyang nakabalik. Hindi
"Personal decision ko po iyon Sir. Hindi lang naman po kayo ang pinagkakautangan namin. Saka kailangan ko rin po ang pera pambili ng mga gamot ni nanay lalo nat hindi na siya pwedeng magtrabaho. Si kuya naman. hindi pa siya kaagad makakapagbigay ng pera dahil mag-uumpisa pa lang siya sa pagtuturo sa Maynila. Kung magpapadala man, sakto lang iyon para sa gastusin sa bahay." ang mahaba kong paliwanag sa kanya.
Hinwakan niya ang kamay ko. "Rico, alam mo bilib ako sa pinapakita mo ngayon, matured ka na talaga mag-isip. Tama nga si mama pati ang kuya mo. Naiintindihan ko ang mga saloobin mo.Nanghihinayang lang naman ako dahil hihinto ka sa pag-aaral. Sayang naman, isang taon na lang at gagraduate ka na. Hayaan mo sanang tulungan ko kayo. Ako na ang magpoprovide ng mga medical needs ng nanay mo pati na ang mga gastusin sa pag-aaral mo sa pasukan."
Bumitaw ako sa pagkakahawak niya at sumagot. "Huwag na kayong mag-abala pa sa amin. Ayaw ko rin po na tumanaw ng utang na loob sa iyo."
"Iniisip mo pa rin ba ang pride mo, tumatanggi ka sa mga tulong ko. Bakit ganyan ka sa akin ha?" ang napataas na tonong pagtatanong niya sa akin.
"Gusto mong malaman ang totoo, sige sasabihin ko po sa inyo. Hanggang ngayon, hindi ko pa rin makalimutan ang ginawa mo sa akin sa party noon. Sobrang nasaktan ako doon alam mo ba. Bigla ka na lang nagbago sa akin" ang deretsahan kong sabi sa kanya, pilit pinipigilang lumuha.
Tumayo siya sa kanyang kinauupuan, lumapit sa akin at humawak ulit sa mga kamay ko. "Naiintindihan kita Rico, inaamin ko na kasalanan ko ang lahat, Ito ako ngayon hindi pa rin nagbabago. Pero sana pakinggan mo naman ang mga paliwanag ko."
"Tama na po, tigilan na natin ito at kalimutan na ang nakaraan. Nandito po ako ngayon para mag-apply ng trabaho. Gusto ko po ang perang pinaghihirapan kaysa sa bigay lang ng iba." ang nakayuko kong tugon sa kanya.
Tumayo na siya at bumalik sa kanyang upuan. Huminga siya ng malalim saka nagsalita. "Kung iyan ang gusto mo sige, I will hire you as my personal assistant. Pwede ka nang magsimula bukas."
"Maraming salamat po sir sa pagtanggap. Hayaan niyo po na paghuhusayan ko po"
Pilit siyang ngumiti siya sa akin. "Ok you may go now, see you at 9am tomorrow."
Agad akong umuwi ng bahay para ibalita kay nanay na nagkaroon na ako ng trabaho.
Nang makarating, lumapit ako sa kanya na nakahiga sa kama. Nagmano ako sa kanya. "Nanay may trabaho na po ako magsisimula na ako bukas"
"Sa kompanya ni Carlo ba yan iho" ang sagot ni nanay.
"Napatingin naman ako kay nanay. "Paano po ninyo nalaman?"
"Nagpunta dito kanina ang Tita Mely mo, pinagtapat na niya sa akin ang lahat. Alam mo napakabait talaga ni Carlo kahit nung bata pa siya."
"Tama na nga yan nay, uminom na ba kayo ng gamot. Sabi ng doktor na kailangan nasa oras ang pag-inom." ang pag-iiba ko ng usapan.
"Oo anak, hindi ko naman yon makakalimutan." ang sagot ni nanay.
"Sige nay, sisimulan ko na ang mga gawaing-bahay. Bibili na rin ako ng pagkain natin." sabi ko sa kanya. Buong araw lang akong nasa bahay para bantayan si nanay.
Halos hindi ako makatulog nang gabing iyon. Iniisip ko ang mga nangyari kanina. Inaamin ko sa sarili na mahal ko pa rin si Kuya Carlo. Pero kailangan kong tanggapin na hanggang pantasya na mahalin niya rin ako. May sarili na siyang buhay ngayon. May asawa na siguro siya ngayon marahil yung babae na nakita ko sa party noon.
Kinabukasan, maaga akong gumising. Agad kong sinimulan ang aking mga daily routines at inasikaso si nanay. Nang matapos, agad na akong naghanda sa pagpasok sa trabaho. Nagsuot ako ng isang short sleeve white polo, itim na pantalon at bagong shine na leather shoes na fit sa akin. Siyempre gusto kong maging kaaya-aya akong tignan sa mata ng ibang tao. Nagmadali akong umalis ng bahay. Ayaw ko namang malate ako sa unang araw. Saktong 9am ako nakarating. Buti na lang wala pa si Kuya Carlo. Sinamahan ako ng babaeng nakausap ko sa telepono sa magiging mesa ko. Malapit lang pala ito sa pinto ng kanyang opisina. Nalaman ko rin sa kanya na ang kompanyang ito ay gumagawa ng mga damit at sapatos.
"Sir ito po ang magiging mesa niyo"
"Ok salamat.....???" ang pagpapasalamat ko nang bigla siyang nagsalita.
"Suzie po" ang nakangiti niyang sabi.
Ah ok, salamat Suzie"
"Sige po bababa na ako. Good luck po sa first day of work" ang pagpapaalam niya.
Umupo na ako sa aking pwesto at naghintay sa pagdating ni Kuya Carlo. Saktong 10am na nang makita ko siyang parating. Grabe talaga, lahat yata ng features ng isang magandang lalaki ay pinagkaloob na sa kanya. Pero isinantabi ko ang paghanga at nagpakaformal na humarap sa kanya. Tumayo ako at nginitiang bumati sa kanya. "Good Morning po Sir"
"Good Morning din, sumunod ka sa akin sa loob" ang tugon niya. Pagkapasok umupo kaagad siya at humarap sa akin.
"Ipapaalam ko lang ang magiging trabaho mo ikaw ang magiging personal assistant ko. Kaya ang lahat ng mga iuutos ko sa iyo ay gagawin mo. Kapag may mga bisitang darating, ikaw muna ang kakausap sa kanila bago dumeretso sa akin kasama na ang mga tawag sa telepono. Ika rin ang magsasabi sa akin ng mga schedules sa akin sa araw-araw. Sasama ka sa lahat ng mga lakad ko. Ikaw lang ang mag-aabot sa akin ng lahat ng mga dokumentong dapat kong basahin o pirmahan. Kapag wala ako, ikaw ang tatao sa akin dito sa opisina. Naiintindihan mo ba?"
"Yes sir, naiintindihan ko po" ang sagot ko.
"Ok you may go"
Bumalik na ako sa aking mesa. Sinimulan ko nang pag-aralan ang mga files ng kompanya na nasa computer. Makalipas ang ilang minuto nakita ko siyang lumabas ng office na parang nagmamadali. Lumapit siya sa akin.
"Kapag may naghanap sa akin, sabihin mo nagpunta lang ako sa isang meeting ok" utos niya.
"Yes sir" ang nakangiti kong tugon.
Habang busy sa pagbabasa ng mga files, bigla naman akong nakaramdam ng gutom. Nang tignan ko ang oras, lunchbreak na nang hindi ko namamalayan. Ang bilis pala ng oras kapag abala. Hininto ko muna ang ginagawa.. Dahil sa wala pa naman akong gaanong kilala doon, nagpasiya akong kumain na lang sa labas nang mag-isa. Habang naglalakad ako sa lobby palabas ng building, biglang may kumalabit sa likod ko.
No comments:
Post a Comment