Saturday, July 27, 2013

TRUE LOVE 4

(Andrew POV)

Sa kabila ng kakaiba kong pakiramdam ay nagpatuloy pa rin ako sa paglalakad papunta sa clinic ni Dr. Luis. Nasa tapat na ako ng pinto nang biglang bumukas ito.

"Oh iho. Anong ginagawa mo dito, may problema ba sa nanay mo?" ang kanyang tanong sa akin.
"Wala naman pong problema kay nanay, pero gusto ko lang po kayong makausap tungkol sa kanya." ang aking sagot sa kanya. Nais ko kasing personal na magpasalamat ulit sa kanya at syempre mapag-usapan na rin kung paano ko mababayaran ang lahat ng naging gastusin namin dito tulad ng sinasabi ko kay Dina.

Sumilay ang ngiti sa mukha ng doctor. At sa nakita kong iyon ay naisip ko ulit na pamilyar talaga ang kanyang mukha sa akin at hanggang ngayon ay hindi ko pa rin maalala kung saan ko siya nakita.

"Gusto man kitang pagbigyan na makausap ngunit hindi pa pwede ngayon dahil may scheduled check-up ako ngayon. Siguro bukas na lang?"
Doon ko napansin ang dala niyang bag. "Ah sige po doc makakapaghintay naman ako."
"O siya mauna na ako sayo, see you tomorrow."

Agad akong bumalik sa kwarto ni nanay.
"Oh Andrew, ang bilis mo naman yata, nakausap mo na ba si Dr. Luis?"
"Bukasna lang daw may pupuntahan pa siyang pasyente ngayong araw." ang aking sagot sabay upo sa isang upuan sa kaliwang bahagi ng kama kung saan nakaratay si nanay. "Teka, paano mo nalaman na sa kanya ang punta ko?"

Napatingin sa akin si Dina na animoy nagulat. "Ah... ano... sinundan kita."
"Ha... bakit naman?"
"May sasabihin sana ako sayo."
"Ganoon ba? Narito na ako ngayon kaya pwede mo na sabihin kung ano man yan."
"Teka... ano ba yun nakalimutan ko na sandali lang."
"Alam mo Dina, ang weird mo talaga nitong mga nakaraang araw. May problema ka ba?" ang di ko naiwasang itanong dulot ng aking pagtataka sa kanyang mga kinikilos.
"Wala ah. Marami lang gumugulo sa isip ko ngayon."
"Ano naman iyon? Tell me kaibigan mo ako."
"Ah eh... si Elmer... oo siya nga... Nagkatampuhan kasi kaming dalawa."
"Ayun.... sinasabi ko na nga ba, as expected na mangyayari yan. Hindi ka kasi nakikinig sa akin."
"Teka Andrew hindi ganoon yun."
"May modus operandi na yang boyfriend mo, nambababae na yan. Ilang araw na kayong hindi nagkikita di ba? Lalaki siya kaya hahanap talaga yan ng babae."
"Di totoo yan, loyal si Elmer sa akin."
"Talagang pinagtatanggol mo pa siya ha. Sige bahala ka. Basta ako hindi nagkulang ng paalala sayo."
Hindi na siya umimik pa sa aking sinabi.
_________
Kinabukasan bago ako bumalik ng ospital ay naisipan kong sumaglit muna sa lugar kung saan ako ipinganak, nagkaisip at lumaki, ang Tondo.

Habang nasa biyahe ay ginugunita ko sa aking isipan ang ilang mga alaala ko at ng aking pamilya sa lugar na iyon. Doon kami nagsimulang bumangon at magsumikap ni nanay mula sa pagkakawala ng aking ama.

Halos hindi ko na nakilala pa ang lugar ng akoy makarating. Wala na ang bakas ng nakaraan. Mula sa mga magkakatabing barungbarong na gawa lang sa kahoy na matuturing na squatters area, Ngayon ay mga townhouses na ang nakatayo ngayon. Halatang mga may kaya ang naninirahan ngayon sa lugar na ito.  Sa paligid naman nito ay mga mga puno at halaman na. 

Naisip kong libutin saglit ang lugar, nagbabakasakali na may mga kakilala pa akong nakatira pa rito hanggang ngayon.
At sa kasagsagan ng aking pag-iikot ay nakaramdam ako ng gutom. Sakto namang may nakita akong bakery kaya bumalik ako doon upang bumili ng makakaing tinapay at softdrinks bilang panulak. Naupo ako sa isang mahabang upuan na gawa sa kahoy. Maaga pa sa mga oras na ito kaya maraming tao ang bumibili sa bakery na iyon.

Abala pa rin ako sa aking kinakain nang may isang lalaki ang tumabi ng upo sa akin na may bola at umiinom din ng softdrinks. Naka jersey ito kaya malamang na katatapos lang nitong maglaro ng basketball.

Abala pa rin ako sa aking pagkain nang mapansin kong parang nakatingin sa akin ang lalaking iyon. Nilingon ko siya at nakumpirma ang aking hinala. Saglit kaming nagtitigan at nakita ko na pang kinikilatis niya ako.

"Ikaw ba si Andrew?" ang agad na tanong niya sa akin nang magsalubong ang aming tingin.

Nahiwagaan naman ako sa kanya kung bakit alam niya ang aking pangalan.
"Paano mo nalaman ang pangalan ko?"
"Sabi na eh. Ikaw nga yan." ang kaniyang sambit sabay palakpak ng isang beses na tila natuwa sa pagtama ng kanyang tanong.

Isang nagtatakang tingin ang pinukol ko sa kanya bagamat namumukhaan ko siya.
"Hindi mo ba ako matandaaan ako si Lui."

Doon ko na siya naalala.
"Lui! Ikaw pala yan. Grabe ang laki ng pinagbago mo." ang pagpuna ko sa kanyang itsura. Kung noong mga bata pa kami ay magsingpayat kami, ngayon mas matangkad na siya at kita ang kanyang mga muscle sa katawan.

Si Lui ang aking pinakaunang naging kaibigan at kababata nung mga panahon na naninirahan kami dito. Magkapit-bahay lang ang aming mga pamilya. Magkaklase kami mula kinder hanggang high school. Minsan ay nakakasama ko siya sa aking pangangalakal.

"Ikaw rin naman ah." ang kanyang tugon sa akin. "Anong ginagawa mo pala dito?"
"Dumalaw lang ako. Tinignan ang pagbabago ng ating lugar simula ng paalisin kami dito. Ikaw, dito na ulit kayo nakatira?" ang tanong ko sa kanya. Pagkagraduate niya kasi ay lumipat sila ng bahay dahil sa trabaho ng kanyang tatay.
"Ah oo. Napagdesisyunan din kasi ni tatay na bumalik kami dito.
"So wala na palang trabaho si ninong?" Inaanak ako sa binyag ng kanyang ama.
"Oo. Kaya ako na ang nagtatrabaho sa aming pamilya. Ikaw, may trabaho ka na rin ba? Saan?"
"Wala pa. Nag-aaral pa rin ako hanggang ngayon."
"Talaga? Bakit ka naman huminto?"
"Actually, isang taon na lang naman graduate na rin ako. Kaso parang hindi ako makakapasok ngayong pasukan dahil sa kondisyon ni nanay.
"Anong nangyari sa kanya?"
"Inatake siya sa puso. Pero awa ng Diyos maayos na siya ngayon."
"Mabuti naman kung ganoon."

Marami pa kaming napag-usapan ni Lui. Kinuwento niya ang mga nangyari sa kanya simula nang umalis silang pamilya. Doon ko nalaman na graduate pala siya ng HRM na course at ang trabaho niya ngayon ay sa isang restaurant. Pang gabi ang kanyang schedule at ang libangan niya sa araw ay ang maglaro ng basketball. Malapit lang pala sa lugar na ito ang kanilang tirahan.

Ako naman ay nilahad ko sa kanya ang mga nangyari sa akin maliban sa aking lovelife. Kahit ako rin kasi ay ayoko nang pag-usapan pa iyon.

Napasarap ang aming kuwentuhan na inabot ng halos isang oras. Gustuhin ko mang magtagal pa roon at samahan siya sa kanila para makita sina ninong at ninang ay sinabi ko lang sa kanya na sa susunod na lang dahil sa sitwasyon ni nanay.

Pero bago kami maghiwalay ay nagpalitan kami ng aming mga cellphone numbers upang magkaroon ng komunikasyong dalawa.
__________
Bago ako bumalik sa kwarto ni nanay ay sinadya ko ulit si Dr. Luis gaya ng napag-usapan namin kahapon.

Sinilip ko siya sa salamin ng pinto at nakita ko siya na abala sa pagsusulat.

"Magandang tanghali po doc" ang magalang na pagbati ko sa kanya na sinabayan ko ng pagkatok.
"Ikaw pala, come in"

Pinaupo niya ako  sa isang silya katapat ng kanyang mesa.
"Anong sadya mo sa akin iho?"
"Narito po ulit ako upang personal na magpasalamat."
"Nasabi mo na sa akin yan nung isang araw."
"Hindi rin iyon ang dahilan ng pinunta ko rito. Gusto ko po sanang malaman kung paano ako makakabawi sa inyo. Sa totoo lang kahit pa na sabihin niyo ng kaibigan kong si Dina na hindi ko na kayo babayaran ay nahihiya pa rin ako."
"Sinabi na rin sa akin ni Dante ang tungkol diyan sa nais mong mangyari kaya nagka idea na ako na yan nga ang pakay mo sa akin ngayon."
"Pasensya na po kung nagiging makulit ako. Pakiramdam ko po kasi sa aking sarili na wala akong silbi. Hindi ko matanggap sa aking sarili na wala akong nagawa para sa aking ina na siyang nag-aruga sa akin samantalang siya ay nagsisikap sa paghahanap-buhay para sa akin."
"Naiintindihan ko kung ano ang nararamdaman mo iho."
"Kaya po sana hayaan niyo akong mabayaran ko kayo kahit paunti-unti maibalik ko lang ang kabutihan na ginawa niyo sa aming mag-ina."
"Bilib ako sa prinsipyo mo iho. So kung yan talaga ang gusto mo sige papayag na ako."
"Salamat po doc. Paggaling po ni nanay ay agad akong hahanap ng paraan para kumita. Maghahanap rin ako ng trabaho."
"Ok."
"Siya nga po pala, kung meron po kayong kailangan sa akin, kung ma maitutulong ako ay gagawin ko po. Lahat po ng gusto niyo ay aking susundin na rin."

Nakangiting tumango sa aking ang doktor. 
"Sandali pala... di ba nag-aaral ka pa?" ang bigla niyang itinanong sa akin.

Halos dalawang linggo na lang pala ang natitira at magpapasukan na. At dahil sa nangyari kay nanay ay malabo na akong makakahabol sa pagpasok.
"Opo doc. Pero sa sitwasyon namin ngayon ay mahihinto na naman ako." hindi ko maitago ang kalungkutan sa aking sinabi dahil sa totoo lang ay nanghihinayang ako. Sayang naman dahil isang taon na lang ay magtatapos na ako at tiyak na mas maganda sana ang aking kinabukasan.
"I see."
__________
Tatlong araw ang lumipas, naroon pa rin ako sa ospital para magbantay kay  nanay  na hanggang ngayon ay hindi pa rin nagigising. Bagamat walang malay ay kinakausap ko siya.
"Nay, alam niyo po ba na napakasaya ko ngayon, dahil magaling ka na at magsasama pa tayo ng matagal. Hindi pa rin tayo pinababayaan ng Diyos. Ang laki talaga ng aking pasasalamat sa kanya sa pagtupad ng aking panalangin. Excited na po ako sa inyongh paggising nay!"

Hinawakan ko ang kanyang kanang kamay.
"Tatanawin ko talagang isang napakalaking utang na loob sa mga taong tumulong sa atin nay. Pero hindi po ako mapalagay nang hindi ako nakakabawi sa kanila. Kaya po gagawa ako ng paraan para maibalik kahit papaano ang kanilang kabutihan sa atin. Sa ngayon po ang naiisip ko pa lang ay bayaran sila ng paunti-unti. At kung sakaling kakailanganin nila ako ay tutulong din ako sa kanila. Gagawin ko ang lahat ng kanilang gusto o ipagagawa."

Naputol lang ang aking pagsasalita sa isang tawag sa aking cellphone. At sa kauna-unahang pagkakataon simula ng atakihin sa puso si nanay ay ngayon lang ulit siya tumawag.
"Hello Troy, Anong nangyari sayo bakit ngayon ka lang tumawag?" ang agad kong itinanong sa kanya. Hindi naman ako galit o nagtatampo sa kanya.
"Pasensya ka na Andrew, busy lang kasi ako sa aming negosyo. Marami rin kaming inaasikaso ni Maribel." ang kanyang tugon sa akin.

Naiintindihan ko naman ang kanyang dahilan. Siya lang kasi sa kanilang pamilya ang magmamana ng kanilang negosyo. At siyempre may iba na siyang priority ngayon, ang kanyang asawa.

"Alam kong maayos na ang kalagayan niya kaya masaya ako para sa inyong dalawa." ang sunod niyang sinabi na ipinagtaka ko.
"Alam mo ang nangyari kay nanay? Paano mo nalaman?"
"Ah... Si Dante. Sinabi niya sa akin ang lahat."
"Talaga? So may communication pala kayong dalawa." ang aking nasambit. Ang weird naman na nagagawa ni Dina na macontact si Troy samantalang ako na halos hindi ko siya matawagan nung sinubukan kong humingi ng tulong sa kanya.
"Bale... kahapon ko lang siya nakausap. Kinuwento niya sa akin lahat-lahat."
"Ah ok..."
"So pano Andrew, tatawagan na lang kita ulit. Kung magkaroon ako ng time ay dadalawin ko kayo diyan sa Manila."
"Sige Troy, ikamusta mo na lang ako kay Maribel. Sige ingat kayo diyan."

Isang oras ang lumipas nang makatanggap ulit ako ng tawag mula sa isa kong kaibigan sa probinsya.
"Andrew kamusta na kayo diyan? Pinuntahan ka namin sa inyo at ang sabi ng mga kapit-bahay niyo dito na lumuwas kayo ng Maynila."
"Pasensya na Arthur. kung di ko kayo naabisuhan. Biglaan kasi."
"Naiintindihan ka namin tol. Ano na pala ang nangyari kay Tita?"
"Ligtas na. Hinihintay ko na lang na magising siya."
"Mabuti naman kung ganoon."

Nahimigan ko sa kanyang boses na masaya siya para sa akin.
"Pinag-uusapan pala namin dito kung babalik pa ba kayo at kung mag-aaral ka pa dito sa darating na pasukan."
"Sa totoo lang nalulungkot ako sa bagay na yan. Malabong diyan pa ako mag-aral sa pasukan o baka mahinto na naman ako. Parang dito na kasi ulit kami maninirahan sa Maynila."
"Ganoon ba. Talagang nakakalungkot nga yan. So totoo pala siguro yung binalita sa amin nina Bea at Andy."
"Ha? Anong balita?"

"May nagsabi sa kanila, mga kaklase natin na nung nagpaenroll daw sila ay may may isang lalaki daw silang nakita na nagpunta sa office sa school para ayusin ang mga records mo."
"Talaga!" gulat na gulat talaga ako sa aking narinig.
"Hindi mo ba alam? Sabi pa nga daw ng registrar na nakausap nila na kakilala mo yung tao at siya na ang pinaasikaso mo ng iyong pag transfer sa Manila dahil abala ka sa pag-aalaga kay Tita."
"Wala akong alam sa bagay na yan. Teka, ano naman ang itsura ng taong sinasabi niyo?" ang aking tanong sa kanila. Nagbabakasakali na makakuha ako ng clue kung sinoman iyon.

"Hello friend si Rica ito!" Marahil ay naka loudspeaker ang phone ni Arthur at inagaw niya iyon sa kanya.
"Oh bakit Rica?"
"Kunwari ka pa diyan friend. Nagpapaechos ka lang. Alam naman namin dito na kilala mo siya ano. Kahapon bumalik siya dito, tinuro siya samin ni Bea ng mga kaklase natin. At nakausap namin siya."
"Ano ba kayo, hindi ko talaga alam ang bagay na yan. Sa totoo lang nagulat din ako sa balita niyo." ang aking pahayag.

Halos mabingi naman ako sa biglaan nilang pagtili.
"Kakilala mo daw siya Andrew. Grabe! hindi mo sinabi na may friend ka palang... Ayiiii!!! Sobrang hot!"
"Sige tawagan ko na lang ulit kayo."ang sabi ko sa kanila. Pinutol ko na ang kanilang iba pang sasabihin.

Lubusang naguluhan ang aking isipan kaya minabuti kong tawagan si Dina kung may kinalaman siya tungkol sa bagay na ito.

Itutuloy...













No comments:

Post a Comment