Monday, July 22, 2013

TRUE LOVE 3

(Andrew POV)

Hindi pa rin mapawi ang ngiti sa aking mukha habang nasa biyahe kami. Sa halos isang linggo kong paghanap ng solusyon sa aking problema ay lagi akong aborido, naiiyak at kinakabahan. Ngayon parang nabunutan na ako ng malaking tinik sa aking dibdib dahil sa wakas ay matatapos na ang napakalaki kong problema.

 Isang pribadong helicopter pala na medyo may kalakihan ang aming sinakyan na sa tingin ko ay pag-aari ng isang pamilya. Nasa likod ako katabi ang aking ina kasama ng isang babaeng nars na tumitingin sa kanya. Nasa harap naman si Dina at ang piloto.

"Ang swerte ko talaga Dante at nakilala kita."ang masaya kong sambit sa kanya.
"Anong Dante, Im Dina!" ang agad na tugon nito.

Napansin ko naman ang pigil na tawa ng nars.
"Ang bait mo talaga, ikaw pa ang nagbayad ng bill ni nanay sa ospital. Pero babayaran ko sa iyo yun."
"Ayos lang kung di mo na bayaran."
"Hindi pwede iyon. Paano na lang kapag nalaman ito ng mga magulang mo? Ayaw kong isipan nila na oportunista kami."
"Mabait sila kaya huwag ka nang mag-alala diyan."
"Tapos itong helicopter. Alam kong mahal din ang renta mo dito. Nahihiya nga ako sa iyo eh kaya babayaran ko talaga ang mga ito kahit paunti-unti."
"Hindi naman ako nagbayad para dito sa helicopter."
"Talaga, wow sa inyo pala ito. Matagal na kitang kilala pero ngayon ko lang nalaman na ganito pala kayo kayaman." ang aking sambit. 

Naghihintay ako ng pagtugon mula kay Dina. Ngunit hindi siya nagsasalita. Sa totoo lang ay nawiwirduhan ako sa mga kinikilos niya na di ko maintindihan.

Makalipas ng ilang oras ay nakarating na kami ng Maynila. Hindi ko naiwasang magbalik-tanaw sa mga nangyari sa akin noon sa siyudad na ito, mga malulungkot na karanasan tulad ng pagkamatay ni tatay.
Ngunit dito rin ako natutong magsumikap. High School pa lang nang magsimula akong dumiskarte para matustusan ang aking pag-aaral pati na rin ng mga gastusin sa bahay sa pamamagitan ng pangangalakal ng basura.

Pagkalapag ng helicopter ay agad na nilabas ang stretcher kung saan nakahiga si nanay at dineretsong pinasok sa isang ambulansya.

Dinala si nanay sa isang pribadong ospital. Halos hindi ako makapaniwala na dito siya ooperahan dahil pangmayaman ito. Sobra na tuloy akong nahihiya kay Dina. Kung susumahin ang lahat ng ginastos niya nung nasa Bicol pa kami ay napakalaki na nito. Napagdesisyunan kong kausapin na lang siya tungkol dito kapag nagkaroon ng pagkakataon.

Pagkapasok ng nasabing ospital ay pinasok siya agad sa emergency room upang masuri ng mga nars doon. Maya-maya lang ay may dumating na isang doktor.

Pinagmamasdan ko lang ang kanilang ginagawa habang sinusuri nila si nanay. Kung noong una ay kaba at takot ang nararamdam ko, ngayon ay saya na dahil may kasiguraduhan na ang kanyang kaligtasan.

Matapos ang kanilang ginagawa ay agad akong nilapitan ng doktor.
"Ikaw ba ang anak ng pasyente?" ang nakangiti niyang tanong sa akin.

Bago ko sagutin ang kanyang tanong ay may napansin ako sa kanyang itsura. Parang pamilyar kasi siya. Hindi ko lang alam kung saan ko siya nakita.
"Ah opo dok." 
"Im Dr. Luis." ang kanyang pagpapakilala sabay abot ng kanyang kamay na aking tinugon.
"Ako naman po si Andrew. So doc, kamusta na po ang lagay ni nanay. Kailan po siya maooperahan?" ang agad kong tanong sa kanya.
"We will start the operation tomorrow."
"Naku dok, maraming-maraming salamat po talaga. Napakabait po ninyo ng kaibigan ko. Pero gaya po ng sinabi ko sa kanya, babayaran ko rin po kayo sa kahit anong paraan."
"Huwag muna nating isipin yan iho. Ang importante ay gumaling ang nanay mo." ang nakangiti niyang pahayag. "Sige mauna na muna ako at may iba pa akong pasyente."

Nang makaalis ang doctor ay siyang pagbalik ni Dina.
"Saan ka ba nanggaling?" ang tanong ko sa kanya. Agad kasi siyang nawala nang makarating kami dito sa ospital.
"Ah...diyan lang." ang kanyang sagot.
"Saan nga?"
"Sa labas... oo diyan sa labas nagpahangin lang."
"Hmmm.... ok... Oo nga pala sabi ng doctor bukas na ooperahan si nanay."
"So mabuti naman kung ganoon. Makakaligtas na rin sa kapahamakan si Tita."
"Oo nga. Pero Dina, maraming-maraming salamat talaga. Napakalaki ng naitulong mo sa amin. Pero babayaran ko ang lahat ng ginastos mo sa amin mula sa bill namin sa ospital sa probinsya hanggang sa gagawing operasyon dito."
"Huwag mo nang isipin ang mga iyon. Saka yung tungkol sa operasyon, wala ka nang babayaran pa."
"Ang ibig mong sabihin libre nga iyon. Hindi ako naniniwala. Sinasabi mo lang yan para di na ako mag-alala pa dahil alam mong wala akong kakayahang magbayad. Basta, babayaran pa rin kita kahit paunti-unti."
"Sige bahala ka..."

Pansamantala muna naming iniwan si nanay para mananghalian. Napagpasiyahan naming kumain sa isang fastfood chain. Pagkatapos ay nagpatulong ako sa kanyang maghanap ng pansamantala naming matutuluyan.
"Andrew, pwede ka namang sa amin muna tumuloy hanggat nasa ospital pa si Tita. Saka mo na isipin yung tungkol sa titirahan niyo." ang suhestiyon ni Dina sa akin.
"Huwag na Dina, sobra-sobra na ang naitulong mo sa akin. May pera pa naman ako dito."
"Pero mauubos din yan Andrew. Paano na lang kung magaling na si Tita, e di mangungupahan kayo."

May punto nga si Dina sa bagay na yan. Kung sa pagkain lang ay aabot ito ng isang buwan. Pero kung isasama ang upa, magiging mabigat na ito para sa aming mag-ina.
"Tutal mahihinto na naman ako sa pag-aaral sa pasukan, maghahanap ako ng trabaho yung malaki-laki ang sweldo."

Paglingon ko sa kanya matapos sabihin iyon ay abala siya sa pagtext. Naisip ko naman na baka ang boyfriend niyang si Elmer iyon kaya hindi ko na binigyan pa ng pansin iyon.

Hapon na nang makahanap kami ng isang maliit na kwarto. Mabait naman ang may-ari sa presyong inalok ko sa kanya dahil hindi naman ako magtatagal.  Agad ko namang dinala ang aming mga gamit doon. Pagkatapos ay bumalik na ako ng ospital upang magbantay kay nanay.
___________
Kinabukasan, maaga pa lang ay dinala siya sa kwarto kung saan gaganapin  ang operasyon. Sa labas nito habang naghihintay ng resulta ay nananalangin ako na sana maging succesful ang operasyon. Kasama ko si Dina sa mga oras na iyon.

At makalipas ang halos isang oras ay lumabas na si Dr. Luis kasama ang iba pang nars na katulong niya sa pag-opera.
"Successful ang operation. Your mother is safe now."

Sa wakas lubos na ang aking kasiyahan. Nalampasan na rin naming mag-ina ang isang napakatinding pagsubok sa aming buhay.  Labis ang tuwang aking nararamdaman sa mga oras na iyon.
"Maraming salamat po talaga Dina at Dr. Luis. Napakabait po ninyo talaga."

Nagkatinginan naman sila ni Dina na parang may ibang iniisip. Pero hindi ko na iyon pinansin pa dahil mas nangingibabaw sa akin ang aking nararamdamang emosyon.

Ilang saglit pa ay nilipat na sa isang ward ang aking nanay. Nagrequest ako na sana sa murang ward na lang siya ilagay. Ayos lang naman sa akin kung may kasama kaming iba. Ngunit wala na akong nagawa pa nang inilagay siya sa isang pribadong kwarto.

Matapos iyon ay saglit akong lumabas at nagpunta sa simbahan ng Quiapo kung saan nagsisimba noon asi nanay tuwing Biyernes. Nanalangin ako at nagpasalamat sa Diyos sa ibinigay niyang pangalawang buhay para sa aking pinakamamahal na ina. Siyempre pinagdasal ko rin ang aking mga kaibigan na sumuporta at tumulong sa akin lalo na kina Dina at Dr. Luis.

Pagkalabas ko ng simbahan ay saglit kong pinagmasdan ang paligid. Wala pa ring pinagbago ang lugar. Naroon pa rin ang mga vendor ng mga sari-saring bagay tulad ng mga gamot at damit. At siyempre mawawala ba naman ang mga magkakatabing manghuhula.



Sa pagkakita ko sa kanila ay isang alaala ang nanumbalik sa aking isipan, ang araw na kung saan ay sama-sama kaming nagsimba ni nanay at ng taong sanhi ng pagkasawi ko sa pag-ibig.Naunang umuwi si nanay at naisipan kong ilibot siya sa lugar at doon niya nakita ang mga manghuhulang iyon.

"May naisip ako, pahula rin tayo. Tara!" ang pagyaya nito sa akin.
"Huwag na, hindi naman totoo ang mga yan." ang aking pagtanggi. Hindi kasi ako naniniwala sa mga hula.
"Wala namang mawawala sa atin diba?  kaya tara na."

Hinatak niya ako patungo sa isang manghuhula na kasalukuyang nag-aayos ng mga baraha.
"Magandang tanghali po manang. Mag papahula lang po kami ng kasama ko." ang malugod niyang pagbati sa matanda. 
"Sige maupo muna kayo diyan. Sino gusto mauna sa inyong dalawa?" ang tanong ng manghuhula.
Nagkatinginan kaming dalawa. "Ako na lang po muna." ang tila excited niyang pahayag.
"Sige ikaw muna, iho tutal gwapo ka naman." ang nakangiting sagot ng matanda.
"Kita mo Andrew pati si Manang naguwapuhan sa akin haha." ang tila pagyayabang naman niya.
Nginitian ko lang siya.
At sinimulan na ang panghuhula. Isa-isang nilapag ng matanda ang kanyang mga baraha sa mesa. Maya-maya lang ay tinignan na nito ang kasama kong hinuhulaan niya.
"May kasintahan ka na ba iho?" ang pambungad na tanong nito sa kanya.
Tinignan niya ako saglit bago sumagot. "Sa ngayon po ay wala pa Manang."
"Ganoon ba iho. Ayon kasi sa aking baraha ay magkakaroon ka ng kakaibang pag-ibig."
"Anong ibig niyo pong sabihin?"
"Pwede po bang pakilinaw niyo manang?" ang pagsingit ko na curious na sa sinasabi ng manghuhula.
"Ang pag-ibig na ito ang siya pa ring mananaig sa huli. Iyan lang ang masasabi ko."

Halatang nabitin siya sa sinabing hula sa kanya.
"Mayroon lang ako kaunting paalala sayo iho." ang pagpapatuloy ng matanda.
Ano naman po yun?" si Bryan ulit.
"May matitinding pagsubok ang darating sa buhay mo pati ng mahal mo."

Naging seryoso ang mukha ng dalawa sa narinig.
"Ngunit nakikita kong malalampasan mo iyon iho, at magiging maligaya pa rin kayo sa huli."
"Wow, buti naman kung ganoon." ang nakangiti na niyang pahayag. "Yung kasama ko naman po manang."

Muli ay isa-isang nipalag ng matanda ang baraha sa mesa.
"May minamahal ka na ba ngayon iho?" ang paunang tanong nito sa akin na hindi ko agad nasagot.

Samantalang napansin ko naman ang kasama kong naghihintay sa aking sasabihin na parang umaasa na siya ang sasabihin nitong iniibig ko.

"Wa...wala pa po Manang." ang simpleng kong sagot.
Halata ang pagkadismaya ng kasama ko sa aking sagot.
"Pero may nagugustuhan ka na ngayon di ba?" ang sunod na tanong ng manghuhula. "At hindi mo lang masabi sa kanya na mahal mo siya dahil may bumabagabag sayo."

Sapul sa akin ang sunod na sinabi ng manghuhula.

"Ayon sa aking baraha ang pag-ibig mo sa kanya ang  makapagbabago ng buhay mo iho."
"Ganoon po ba?  ang tanong ko.
"Meron pa. Darating ang matinding kalungkutan sa buhay mo."

Hindi ko nagustuhan ang sumunod na sinabi ng manghuhula.
"Pero huwag kang mag-alala iho, pag-ibig lang ang susi upang makamit ang kaligayahan."ang makahulugang pahayag pa nito.
"Pwede po bang ipaliwanag niyo?" ang tanong ko ulit.
"Iyon lang ang masasabi ko iho."



Naalala ko pa ang eksenang iyon na kung saan ay nagpahula kaming dalawa. Yung mga hula sa akin, sa palagay ko ay hindi lahat nagkatotoo. Siguro masasabi ko ang matinding kalungkutang tinutukoy niya ay ang nangyari kay nanay. Pero ang huli niyang hula na ang pag-ibig ang siyang magbibigay ng kaligayahan sa akin ay hindi totoo bagkus kabaliktaran pa nga ang nangyari.

Nasa kasagsagan ako ng paggunita sa nakaraan nang mahagip ng aking mata ang isang matandang manghuhula. Agad ko siyang namukhaan at hindi ako maaring magkamali na siya ang humula sa aming dalawa.

Hindi ko maintindihan ang aking sarili. Parang may nag-uudyok sa akin na lapitan siya para magpahula ulit. At sa pagtatalo ng mga bagay na ito sa aking isipan ay hindi ko namalayan na nasa harap ko na siya.

"Kanina ka pa nanatingin sa akin iho. Halika hulaan kita" ang paanyaya nito sa akin.
"Ah huwag na po manang, wala rin po akong pera ngayon." ang aking pagtanggi. Sa totoo lang ay may dala ako ngunit sapat lang ito sa aking pagkain at pamasahe pabalik ng ospital.
"Ayos lang iho, di mo na kailangang magbayad. Halika na."

Nabigla naman ako sa aking narinig kasabay ng pagtataka kung bakit sa kabila ng wala akong ibabayad ay gusto pa rin niya akong hulaan. Gayumpaman ay naisip ko na pagbigyan na lang siya tutal ay wala namang mawawala sa akin.

Pagbalik sa kanyang pwesto ay agad niyang inayos ang kanyang baraha at nilapag isa-isa sa maliit na mesa.
"Pag-ibig ang naging susi upang malampasan mo ang matinding pagsubok sa iyong buhay." ang pauna niyang sinabi.

Sa isip-isip ko, halos pareho lang iyon ng nauna niyang hula sa akin noon. Hinintay ko pa ang mga susunod niyang sasabihin.
"May magbabalik... ngunit mananaig pa rin ang unang pag-ibig dahil ito ang iyong tadhana at ang totoong pag-ibig."

Isang palaisipan bagamat hindi ko naman iyon gaano pinaniniwalaan na dahil sa prinsipyong binuo ko sa aking sarili.

Sa aking pagbibiyahe pabalik ng ospital ay iniisip ko ulit ang naging hula sa akin. Ang sabi niya na ang pag-ibig daw ang naging susi para malampasan ko ang matinding pagsubok sa buhay. Ibig sabihin na dahil dito ay nasolusyunan ang aking problema. Kung tungkol ito sa nangyari kay nanay, napakalabo nito dahil ang aking kaibigan naman ang tumulong sa akin. At ang tungkol naman sa may magbabalik daw... talagang naguluhan ako doon. Parang pinagsisihan ko pa tuloy na nagpahula ako dahil naguluhan talaga ang aking isipan.

Pagdating ko sa kwarto kung saan nakaconfine si nanay ay nadatnan ko si Dina.
"Andrew, dinalhan ko pala ng prutas si Tita."
"Nag-abala ka pa. Nakakahiya na talaga sayo."
"Iyan ka na naman. Pwede bang alisin mo na ang hiya na yan. Magkaibigan tayo."
"Hindi mo naman maiialis sa akin ang ganoon. Masyado kasing malaki ang utang na loob ko sayo. Kahit papaano ay gusto ko rin naman makabawi gaya ng pagbabayad ko sa naging gastusin dito."
"Andrew naman, hindi sa minamaliit ko ang kabuhayan niyo ni Tita, pero sana itigil mo na ang isipin na yan. Ang dapat mong pagtuunan ng pansin ay kung ano at paano kayo magsisimula oras na magaming na si Tita."
"Ok." ang aking nasabi bagamat hindi pa rin nito tuluyang nabago ang aking isip sa di malamang kadahilanan.

Nagpaalam ako sa kanya saglit na lalabas muna upang kausapin ko ang doktor na nagopera sa aking ina. At sa aking paglalakad ay nagtanong ako sa nakakasalubong kong mga babaeng nars kung saan siya makikita.
"Ah nars, saan po ba dito yung room ni Dr. Luis.?"
"Dr. Luis????" ang patanong na tugon ng isa sabay tingin sa kanyang kasama na tila hindi alam ang aking tinutukoy.
"Dr. Luis po  yung nag opera sa puso ng nanay ko." ang aking paglilinaw.
"Ah si Dr. Luis Sebastian po.. Doon po sa second floor tapos kaliwa kayo yung pangalawang pinto sa dulo malapit sa stairs Sir."
"Ganoon po ba, salamat.."

Nasa fifth floor ang ward ni nanay kaya gumamit na ako ng elevator pababa sa second floor. Sa pagbukas ng pinto nito ay kumaliwa ako gaya ng sinabi ng nars.
"Ayun yung pangalawang pinto." ang sabi ko sa aking sarili.

Habang papalapit ay saglit akong napatigil nang mapansin ko ang isang matangkad na lalaki na lumabas doon sa pintong iyon papuntang hagdan na tumatakbo na tila nagmamadali.

Sa puntong iyon ay bigla akong may naramdamang kakaiba na hindi ko mawari.

Itutuloy....

 

No comments:

Post a Comment