Monday, May 16, 2011

ANG AKING UNANG PAG-IBIG Part 1

Sa araw trabaho, sa gabi bahay, ito ang aking mga routine araw-araw. Sabi nga ng iba, napakasipag ko daw. Halos hindi ko na magawang makapagrelax tulad ng pamamasyal sa mga mall o makipag-bonding sa mga kaibigan dahil sa trabaho. Para sa akin kasi, mas mahalaga ang pera dahil dito lang ako nakakaangat.

Naalala ko 16 taong gulang ako pagkagraduate ng high school nang malaman ng aming angkan ang pagiging bakla ko dahil sa mga nakita nilang gay magazine sa aking kwarto. Itinakwil nila ako at pinalayas sa aming bahay. Nilalait at pinandidirihan na rin ako ng aking mga kaibigang lalaki, iniisip nila na baka kung anu-ano ang gawin ko sa kanila. Sobrang pinandidirihan nila ako. Salot lang daw ang mga kagaya ko sa lipunan. Sobrang masakit, dahil bumaba ng husto ang tingin nila sa akin. Agad nila akong hinusgahan. "Wala na bang karapatang mabuhay ang mga kagaya ko?" ang tanong ko sa aking sarili.

Dahil dito, nagsumikap ako. Gamit ang sarili kong mga naipon, lumuwas ako ng Maynila. Pinagpatuloy ko ang pag-aaral ng kolehiyo. Maswerte ako nang makapasa ako sa isang state university. Nangupahan ako sa isang dorm at nag working student sa fastfood chain, masuportahan lang ang aking pang araw-araw na gastusin. Nang makatapos ng kursong business management, agad akong nakahanap ng trabaho sa isang boutique. Dahil sa kasipagan, napromote ako bilang isang manager doon. Sunud-sunod na ang dumarating na swerte sa akin.

Ngayon, masasabi kong umasenso na ako sa buhay dahil sa tinatamasa kong kaginhawaan. Nakatira na ako sa isang exclusive na subdivision sa Makati. Lahat ng bagay na gustuhin ko ay nabibili ko na. Kahit papaano ay naipakita ko na kahit ganito ang aking pagkatao, may kakayahan naman akong iangat ang aking sarili. Pinatunayan ko na hindi hadlang na maging isang bakla para magtagumpay. Naging mapili na rin ako ng mga taong sasamahan ko marahil pagkatrauma sa mga nangyari sa akin.

Tungkol naman sa pag-ibig, deretsahan kong sasabihin na sa edad kong 25, hindi pa ako nakakaranas na makipagrelasyon. Dalawa lang naman ang dahilan, una, mas priority ko ang aking career at pangalawa, naisip kong imposible na may lalaking magmahal sa isang tulad ko.

Isang gabi habang nagmamaneho ako pauwi sa aking tirahan nang maramdaman ko ang tawag ng kalikasan, kaya ihininto ko muna ang aking sasakyan sa gilid ng kalsada, lumabas at gumawi sa parteng damuhan para ilabas ito. Itinataas ko na ang suot kong slacks nang may maaninag ako malapit sa may malaking puno. Dahil sa kadiliman ng gabi at malalagong mga damo ay hindi ko agad natukoy kung ano ito kaya naisip kong lapitan ito.

Halos magulat ako sa aking nakita, isang lalaki na walang malay pala ito. Duguan ang kanyang ulo at katawan. Halos mataranta naman ako sa aking nakita kaya agad ko siyang binuhat at pinasok sa loob ng kotse para dalhin sa isang ospital. Pagkarating, agad ko siyang dinala sa emergency room, doon siya sinaklolohan at binigyan ng paunang lunas ng mga doktor.

Isang oras na akong nakaupo habang naghihintay nang lumabas ang doktor sa loob. Agad kong kinumusta ang kalagayan ng lalaki.

"May damage ang kanyang ulo, marahil ay malakas ang pagkabagok nito. Pero dont worry, ligtas na siya, hindi naman grabe ang naging pinsala sa kanyang ulo at wala na siyang ibang sugat sa katawan maliban sa mga pasa sa braso at mukha." ang sabi ng doktor sa akin nang tanungin ko ang kalagayan ng lalaki.

Ilang oras pa ang lumipas nang ilabas na ang lalaki at dinala sa isang kwarto. Agad ko siyang pinuntahan. Pagkapasok ko, una kong ang kanyang ulo na may bandage. Habang nagmamasid ako sa kanyang itsura, doon ko napansin na binata pala ito na nasa tantsa ko ay nasa 20 pataas ang edad. Kahit puro pasa ang mukha ay kita ang kanyang kagwapuhan. Napansin ko rin ang kagandahan ng kanyang pangangatawan, may maputing balat at matangkad ng kaunti sa akin.

Plano ko na sanang ireport ito sa mga pulis ngunit naisip ko na hintayin ko munang magkamalay siya, dahil siguradong alam niya ang buong nangyari sa kanya. Pero isang linggo na ang lumipas nang hindi siya pa siya nagkakamalay. Sabi ng doktor na natural lang daw ito sa taong may tama ang ulo. Gabi-gabi pagkatapos ng aking trabaho ay dinadalaw ko siya sa ospital.

Hanggang sa isang gabi saktong 15 araw mula nang makita ko siya sa daan, naalimpungatan ako mula sa pagkakaiglip sa gilid ng kamang pinaghihigaan niya. Nang iangat ko ang aking ulo, nakita ko siya na nakadilat.

"Mabuti naman at nagkamalay ka na" ang medyo natutuwa kong sabi sa kanya.
"Nasaan ako at sino ka?" ang agad niyang tanong sa akin.
"Ah, eh ako nga pala si Victor, nandito ka ngayon sa ospital, ako ang nagdala sa iyo dito" ang pagsagot ko sa kanyang katanungan. Ngunit napansin ko na parang naguguluhan siya kaya nagtanong pa ako sa kanya.
"Nakita kasi kitang walang malay sa daan. May natatandaan ka ba sa mga nangyari sa iyo?"
"W..wa...wala ako matandaan." ang sagot niyang pailing-iling.
"Sigurado ka?" at tumango lang siya bilang pagsagot.
"Ganun ba e, ikaw ano naman ang pangalan mo?" ang sunod kong tanong sa kanya. Magagamit kasi iyon kapag nagreport na ako sa mga pulis.
Natagalan siya bago makasagot na waring naguguluhan o nag-iisip. Makalipas ang ilang saglit sumagot na siya na ikinabigla ko. "Pangalan ko, hindi ko maalala"

Doon na ako nabahala sa kanyang kalagayan kaya agad kong tinawag ang doktor para suriin siya. Pagkatapos noon ay pinaliwanag niya sa akin ang totoong kondisyon ng binata. Nalaman ko na nagka-amnesia pala siya dahil sa nangyari sa kanyang ulo. Ayon pa sa doktor, depende na lang sa pasyente ang bilis ng pagbabalik ng kanyang alaala.

No choice na ako. Sa pagkakataong ito responsibilidad ko ang alagaan siya. Wala na siyang makakasama dahil, hindi niya naaalala ang kanyang mga kamag-anak. Makalipas ang isang buwan ay iniuwi ko siya sa aking tirahan.

Sa ilang araw na pagtira niya sa aking bahay, napapansin ko ang pagkailang at pagkatulala niya. Kahit dalawa lang kami sa bahay ay hindi kami gaano nagpapansinan maliban na na lang kapag kakain kami. Nagpakaformal ako sa harap niya, tinatago ko ang aking totoong pagkatao, iniisip kong baka lalo siyang mailang sa akin. Dahil sa trabaho ko, kumuha ako ng personal nurse na mag-aalaga sa kanya sa araw. Binilihan ko rin siya ng kanyang mga personal na pangangailangan tulad ng damit.

Ganito ang naging set-up namin sa halos dalawang linggo pero biglang nag-iba ang ihip ng hangin isang gabi. Habang busy sa pag- iinternet sa aking laptop sa kwarto ko ay kumatok siya. Pinagbuksan ko naman siya at pinatuloy.

"Ahm, pasensiya na, baka naistorbo kita mukhang busy ka kasi e" ang medyo nahihiya niyang sabi nang makaupo siya sa kama.
"Ok lang, natutuwa pa nga ako dahil sa wakas e kinausap mo na rin ako. Teka bakit ka nga pala nandito, may kailangan ka ba?" tanong ko sa kanya. Maya-maya tumayo siya at lumapit sa kinauupuan ko.
"Gusto ko lang magpasalamat sa ginawa mo sa akin kahit alam mong hindi mo ako kaanu-ano."
"Humarap ako sa kanya at sumagot." Wala yun, sa ngayon ako muna ang may responsibilidad na mag-alaga sa iyo. Pangako ko na tutulungan kitang maibalik ang alaala mo."

Halos matulala ako sa naging reaksyon niya. Parang nahipnotismo ako sa kanyang pagngiti. Mas lalo siyang nagiging gwapo, makinis na mukha, mapupungay na mata, pantay-pantay na ngipin at mapupulang labi. "Napakaswerte naman ng girlfriend o asawa nito kung meron man" ang nasabi ko sa sarili.

"Hello, may problema ba sa mukha ko" sabi niya na nakapagbalik ng ulirat ko sabay tingin niya sa salamin malapit sa amin.
"Ah eh wala naman, may naalala lang ako" ang pagpapalusot ko. "Baka may kailangan ka pa, sabihin mo lang"
"Yun lang ang pakay ko dito. Sige lalabas na ako para makapagpahinga" sagot niya.

Hinatid ko siya hanggang makalabas ng pinto. Sinundan ko siya ng tingin hanggang sa makapasok na siya sa kanyang kwarto na katabi lang ng sa akin. Bago siya pumasok tumingin ulit siya at ngumiti ng ubod ng tamis.

Sa kwarto, agad akong humiga sa kama. Nag-iisip kung bakit ganito ang pakiramdam ko sa kanya. Hanggang sa mapagtanto ko sa aking sarili na gusto ko siya.

5 comments:

  1. wow! bagong story nanaman! :)) nice!

    daredevil.. un nman pong pantasya.. pls.. :))

    ReplyDelete
  2. wow sundan agad pls... at ung isa pa, MAHAL kita PART 11 na ...

    jeo ksa

    ReplyDelete
  3. wait ... parang nabasa ko na tong series na to ... i'm quite sure about that ...
    and parang di yata natapos itong series na ito ... or di ko na nabasa yung mga sumunod ... basta familiar ako sa kwentong ito!!
    ang susunod ... siya na mismo magpapangalan kay mystery guy ... hahaha
    still nice to have another story here!!

    ReplyDelete
  4. parehas tau android prang nabasa q n ito

    ReplyDelete
  5. Today is May 20, 2011 in USA. And it is May 21, 2011 in Pinas. Where is Paraiso ni Efren as you promised?

    ReplyDelete