"Aha! ang saya mo yata ngayon" ang pagpuna sa akin ni Marie nang dalhin niya ang isang dokumento sa opisina.
"Halata ba?" ang tanong ko sa kanya.
"Oo naman. Ngayon lang ulit kita nakitang ganyan kasaya eh. So pwede ko bang malaman kung ano iyon?"
"Ikaw talaga Marie, umandar na naman yang pagkatsismosa mo"
"Grabe ka naman, curious lang ako ano."
"Sige na nga kuwento ko na."
Inilahad ko sa kanya ang mga nangyari nung umagang iyon.
"Weee." ang kanyang reaksyon sabay tusok sa aking tagiliran. Halatang kinilig siya sa aking kwento.
"Ano ba Marie?" ang sabi kong nakikiliti na sa ginagawa niya.
At huminto na siya sa kanyang ginagawa. "Tama nga ang hinala ko Victor."
"Na ano?"
"Basta, hindi ko sasabihin. Ikaw ang kasama niya sa bahay kaya dapat ikaw rin ang unang makaalam nun."
"Ewan ko sa iyo, bahala ka nga kung ayaw mo."
______
Pag-uwi ko kinagabihan ay nakita ko si Adonis na abalang nanonood ng TV. Nakahubad siya ng pang-itaas na damit. Agad naman akong sumalampak ng upo sa sofa.
"Kamusta ang work?" ang tanong niya sa akin. Sa hindi ko inaasahan ay tumabi siya ng upo sa akin.
"Ayos lang. Medyo napagod lang sa dami ng inasikasong papeles." ang sagot ko sa kanya habang hinihimas ko ang aking sentido.
"Masyado ka kasing masipag eh.Tara kain na tayo." ang alok niya sa akin.
Habang kumakain, "Mamaya bago matulog mag-inuman tayo Victor."
Tumingin ako sa kanya. "Ano naman ang naisipan mo at bakit mo ko niyaya?"
"Just for fun lang para makapagbonding naman tayo. Ilang beses ka na umiinom sa labas eh. Gusto ko tayong dalawa naman."
"Ganoon? Sige pagbibigyan kita." ang pagpayag ko.
Nang matapos ay siya na ang nagboluntaryong lumabas para bumili ng aming iinumin. Pag-uwi niya ay may dala siyang isang case ng beer.
"Bakit ang dami naman? Mauubos ba natin yan?" ang tanong ko sa kanya.
"Basta. Minsan lang naman ito kung may matira man eh di bukas ubusin."
"Saan ka pala kumuha ng pambili nito?"
"Nanalo ang team na sinalihan ko kanina. Pustahan kasi iyon."
"Ganoon ba. Ang galing mo naman kasi maglaro."
"Hindi naman."
"Nung minsang pinanood kita, talagang napabilib ako sa mga moves mo at ang galing mo sa pagshoot ng bola. Kaya halos maluwa ang mga mata ng mga babaeng tagahanga mo doon."ang aking pahayag. Naalala ko naman ang mga nangyari sa huli kong pahayag.
Hindi siya sumagot. Binuksan niya ang tig-isang bote at inabot sa akin yun isa. Nakakadalawang bote na kami nang magsimula ang kakaiba naming usapan.
"Kaya mo pa ba Adonis?" ang tanong ko sa kanya.
"Kung ikaw nga nakakailang bote eh ako pa kaya."
"Minsan naisip ko na isa kang chef, varsity player ng basketball, at ngayon lasenggo." ang natatawa kong sambit.
"Ewan ko Victor. Pero sa ngayon hindi ko muna binibigyang pansin ang aking nakaraan." ang pahayag niyang kumuha ng aking atensyon.
"Bakit mo naman nasabi yan? Ayaw mo bang magbalik ang alaala mo?:
"Hindi naman sa ayaw, pero nag-eenjoy kasi ako sa buhay ko ngayon e. Pakiramdam ko ay payapa ang isip ko at walang pinoproblema."
"Sa sinabi mong yan parang gusto mo nang mamalagi sa akin habang buhay." ang biro ko. At hindi ko inaasahan ang sumunod niyang sagot.
"Oo Victor. Masaya kasi ako dito sa mga ginagawa kong pagsisilbi sa iyo."
Hindi ko alam kung ano ang ibig niyang ipakahulugan sa pahayag niyang iyon. Lubos talaga akong nabigla.
"Pero hindi mo ba iniisip ang mga taong matahil ay naghahanap na sa iyo. Sigurado akong namimiss ka na nila."
"Isinantabi ko muna ang bagay na iyan. Sa totoo lang may takot din akong nararamdaman na baka nasa peligro ang buhay ko. Samantalang dito ay safe ako."
Nakuha ko namnan ang kanyang punto. Siguro nga dahil sa nangyari sa kanyang buhay ay nagkaroon siya ng trauma.
"Ikaw naman Victor, magkwento ka naman ng tungkol sa iyo." ang sabi niya sa akin.
"Ano naman ang gusto mong malaman tungkol sa akin?" ang tanong ko sabay lagok sa bote.
"Ang tungkol sa buhay mo, sa pamilya mo."
Pamilya, isang salita na pilit ko nang inaalis sa aking isipan dulot ng masasakit na alaala na nangyari sa akin. Hindi ko napigilang maluha sa mga oras na iyon.
At naramdaman ko na lang ang pagtabi ni Adonis sa aking kinauupuan at hinahagod ang aking likuran.
"Alam mo Adonis minsan nga naisip ko rin na magka-amnesia tulad mo para makalimutan ko ang aking nakaraan. Sa tuwing maalaala ko kasi ay bumabalik sa akin ang lahat ng sakit."
Hindi siya sumagot. At nagpatuloy siya sa paghaplos ng aking ulo na tila nakikisimpatya sa aking nararamdaman.
"Ang tinatamasa kong kaginhawaan ngayon ay dahil sa aking pagpupursige at determinasyong iangat ang sarili mula sa pagmamaliit sa akin ng pamilya ko. Itinakwil ako ng aking mga magulang bilang anak."
Nagsimula na akong humagulgol. Marahil dahil sa tama ng beer ay nagkaroon na ako ng lakas ng loob na mag-open sa kanya ng aking mga tinatago.
"Patawarin mo ako Victor sa pagtatanong ko. Masyado na yata akong namersonal sa iyo."
"Ok lang Adonis. Kahit papaano ay gumaan ang loob ko."
"Mabuti naman kung ganoon. Pero may itatanong lang sana ako kung mamarapatin mo."
Pinahid ko ang aking mga luha. "Sige ano ba yun?"
"Sa sinabi mo kanina, na pagtatakwil sa iyo ng pamilya mo. Gusto ko lang malaman ang dahilan nito. Naisip ko kasi na hindi basta itatakwil ng magulang ang kanilang mga anak nang ganoon lang."
Tila nahimasmasan ako bigla sa tanong niyang iyon sa akin. Kung sasagutin ko siya ay mabubuko na ang totoo kong pagkatao. Baka magbago bilga ang turing niya sa akin at lumayo. Kahit papaano ay masasaktan ako dahil sa nararamdaman ko sa kanya.
"Hindi ko alam Victor kung kakayanin mo at matatanggap ang isasagot ko sa iyo."
"Bakit naman? Hindi ka pa nga nagkukuwento ay ganoon na agad ang iniisip mo sa akin."
"Medyo komplikado kasi eh."
"Kaya nag-aalinlangan kang sabihin sa akin. Bakit hindi mo kaya subukan?"
Nakikita ko sa kanya ang kagustuhang alamin ang sagot. Bagamat nagdadalawang-isip ay mas pinilit ko na ang sariling sabihin sa kanya ang lahat. Bahala na sa magiging reaksyon niya kung nauman iyon. Ang tanging magagawa ko na lang ay tanggapin ang mangyayari pagkatapos nito.
"Gaya nga ng nabanggit ko kanina, na itinakwil ako ng aming angkan. Halos lahat sila ay pinagtabuyan nila ako dahilsa pagiging kakaiba ko. Bata pa lang ako alam ko na sa sarili ko na isa akong..." ang aking pagsisimula. Tinignan ko muna si Adonis at nakita kong nakatingin siya sa akin.
"Bakla ako Adonis. Bata pa lang ako nang maramdaman ang pagiging iba sa mga pinsan kong lalaki. Dahil sa takot sa kanila lalo na sa mga magulang ko ay pilit ko itong pinigilan. Kung sinu-sinong babae sa aming lugar ay nirereto sa akin ng aking ama ngunit ni isa sa kanila ay wala akong gusto. Simula noon ay naging mabigat na ang loob niya sa akin. At isang araw pag-uwi ko galing eskwelahan ay sinalubong niya ako ng bugbog. Nakita pala niya ang mga tinatagong kong gay magazines sa aking kwarto. Nahilig kasi akong mangolekta nito dahil sa atraksyon ko sa mga larawan ng lalaking naroon. Ilang araw ko ring tiniis ang kanyang pagbugbog sa akin pati ang aking ina na sana magiging kakampi ko ay galit rin sa akin. Bilang nag-iisang anak kasi ay ako lang ang magdadala ng apleyido ng pamilya at magbibigay ng apo sa kanila. Hanggang sa pinalayas na ako sa amin. Doon pinangako ko sa aking sarili na kahit ganito ako ay kakayanin kong bumangon."
Nang matapos ako ay tinakpan ko ang aking mukha ng mga palad at tuluyang humagulgol. At sa kasagsagan ng aking pag-iyak ay naramdaman ko ang pagbalot ng kanyang malatrosong mga braso sa aking katawan. Hindi ko alam ang iniisip niya sa aking inilahad.
"Sige iiyak mo lang yan." ang sabi niya sa akin.
"Ngayong alam mo na ang lahat, nasa iyo na ang desisyon kung aalis ka."
"Masyadong mababaw ang dahilan na iyon para maisip ko ang ganyang bagay Victor."
Napatingin ako sa kanya pagkabigla sa aking narinig. Nagkatitigan kami.
"Victor, wala akong pakialam kung isa kang bakla. Sa totoo lang ay saludo ako sa mga pinakita mo dahil nakayanan mo at nalampasan ang mga pagsubok sa iyong buhay. Isa pa ay hindi ka naman gumawa ng bagay na maaaring maging kahihiyan mo dahil sa iyong pagkatao."
At doon mas lalo akong umiyak. Kahit papaano ay nakagaan sa aking pakiramdam ang aking paglalahad at siyempre naging masaya ako sa pagtanggap niya sa akin.
"Salamat Adonis." ang aking nasabi sa kanya. Hindi ko na napigilan ang aking sarili na yakapin din siya.
Ilang minuto ring nagtagal ang aming pagkakayakapan hanggang sa ako ang unang kumalas.
"Tulog na tayo, maaga pa ang pasok ko bukas." ang nakangiti kong pahayag.
"Sigurado ka bang ok ka na." ang tanong niyang medyo nag-aalala sa akin.
"Oo naman, sobrang gaan na ng kalooban ko at masaya na rin dahil sa pagtanggap mo sa akin."
"Sige, umakyat ka na sa kwarto mo at ako na ang balahang magligpit nitong mga pinag-inuman natin."
"Salamat."
______
Napapangiti akong nakahiga sa aking kama habang iniisip ko ang naging usapan namin ni Adonis. Sobrang naging maganda ang naging resulta nito sa akin. Ngunit agad napawi nito nang maalala ang isa ko pang problema.
"Ngayong alam na niya ang totoo kong pagkatao, bagamat sinabi niyang hindi siya lalayo sa akin ay iniisip ko ang posibilidad na baka makaramdam na siya ng pagkailang sa akin sa mga susunod na araw. Pwede rin namang idistansiya niya ang kanyang sarili sa akin. Wala naman akong magagawa kung mangyari iyon." ang sabi ko sa aking sarili.
Hanggang sa makaramdam ako ng antok at makatulog.
Itutuloy...
YES!! May update na din!! Ahahaha!!!
ReplyDeleteWow naman!! Nakakakilig naman sila :> sana nga hindi na nya maalala eh :))
Yung Campus Trio po?? kelan po ung update?? Excited na po kasi ako sa next chapter eh =))
paganda n ng paganda and storya ah!.... next na po (hehehhee)
ReplyDeletesana hindi na abutin ng matagal ang pag-update nito,,,,feel na feel ko kasi ang bawat emotion ng story,,,,nakakakilig,,,hayyyy,,,
ReplyDeleteBeucharist
Yes naman ang ganda ung next na po sana...
ReplyDeleteplease update the story :)
ReplyDelete