Thursday, November 3, 2011

ANG AKING UNANG PAG-IBIG Part 3

Ang huli kong naalala nang gabing iyon ay ang pag-akay sa akin ni Adonis papunta sa aking kwarto. Matapos noon ay tuluyan na akong nakatulog.

Isang liwanag ang nagpasilaw sa akin pagmulat ko ng mga mata kinabukasan. Medyo nakakaramdam pa ako ng pagkahilo dulot ng aking paglalasing kagabi. Nang akmang patayo na ako mula sa pagkakahiga ay napansin ko na may katabi pala ako sa kama.
"Tinabihan pala ako ni Adonis." ang nasabi ko sa aking sarili. Medyo ikinatuwa ko naman ang ginawa niyang iyon ngunit hindi pa rin maalis sa aking isipan ang kinakaharap kong problema sa kanya.

Ilang saglit pa at nagising na rin si Adonis dahil sa aking paggalaw.
"Good Morning Victor, ayos ka na ba?" ang agad na tanong niya sa akin habang nagkukusot ng kanyang mga mata.
"Medyo masakit pa ang ulo ko pero ok na ako."
Bumangon siya mula sa pagkakahiga at umayos ng upo sa kama katabi ko. "Sobra kasi ang nainom mo kagabi. Ahm. Victor, may itatanong lang sana ako sa iyo kung mamarapatin mo?"
"Sige lang tungkol saan ba?"
"Sa iyo. Nakausap ko kasi yung taong naghatid sa iyo dito kagabi."

Napatingin ako sa kanya. Natatandaan ko naman na may lalaki nga na nakipag-usap sa akin kagabi, ang hindi ko lang maalala ay kung may naikwento ako sa kanya na magbubuko sa akin.
"Ano ang sinabi niya sa iyo?" ang agad kong tanong sa kanya.
"Nabanggit niya na may problema ka daw sa pag-ibig. Gusto ko lang sana malaman ang totoong dahilan ng paglalasing mo kagabi?"
 "Ah yun ba, wag mo nang intindihin iyon. Sa ngayon hindi na mahalaga kung ano pa ang nararamdaman ko."
"Ganoon ba? Sana huwag mong masamain ang pagtatanong ko sa iyo, gusto ko lang naman makatulong."
"Pasensya ka na kung di ko masabi sa iyo, masyado kasing komplikado eh. Pero nagpapasalamat ako sa kahandaan mong tumulong sa akin." ang sagot ko kay Adonis na nakatingin sa akin.
______
Matapos naming mag-almusal ay nag-umpisa na akong gumayak sa pagpasok sa trabaho.

"Magpahinga ka kaya muna." ang nag-aalalang pahayag ni Adonis sa akin habang inaayos ko ang aking mga dalahin sa isang bag.
"Salamat sa pag-aalala pero hindi ako pwede lumibang ngayon. Mayroon kasi akong dadaluhang importanteng meeting." ang sagot ko sa kanya.
"Sige, mamaya ipagluluto na lang kita ng hapunan. Sigurado ako na gutom ka niyan dahil sa pagod."
Isang ngiti lang ang isinukli ko sa kanya.
______
Oras ng breaktime at kasalukuyang nagkakape ako sa Starbucks na malapit sa pinapasukan ko nang lapitan ako ng isa kong katrabaho na si Marie. Parehas kami ng posisyon sa magkaibang department. Magandang siyang babae at sexy dahil sa maalaga ito sakanyang katawan. Kung straight lang ako ay pinagpantasyahan ko na siya at baka nakatuluyan ko pa.

"Daydreaming once again." ang pambungad na bati nito sa akin. Umupo siya sa silyang katapat ng sa akin.
"Lumilipad na naman yang isip mo." ang kanyang pagpapatuloy.
"Ewan ko Marie, naguguluhan na talaga ako sa nararamdaman ko." ang sagot ko sa kanya.

Kahit papaano ay nakakapag-open ako sa kanya ng aking mga problema. Sa lahat kasi ng katrabaho ko ay siya ang pinakaclose ko sa lahat. Matagal na ang aming pinagsamahan simula nang matanggap kami hanggang sa mapromte ng posisyon.

"Tungkol ba ito sa binatang nakatira sa inyo right?" ang tanong niya sa akin. Napabuntung-hininga ako.
"Sabi na, kung bakit kasi hindi mo pa paalisin yan sa inyo."
"Hindi ganoon kadali Marie. Maraming dapat isaalang-alang."
"Kasama ba doon ang nararamdaman mo sa kanya?"
"Parang ganoon na nga siguro."
"I understand kasi unang pag-ibig mo siya ngunit problema yan eh."
"Isa pa, hindi ko alam kung saan ko siya dadalhin. Hanggang ngayon wala pa akong ideya sa pagkatao niya."
"Yung pangalawa mong sinabi ay madaling gawan ng paraan, ngunit sa una ewan ko lang."

Hindi ako sumagot. Sang-ayon ako sa pahayag niya. Siguro nga dahil sa nararamdaman ko sa kanya ay naiisip kong hindi na siya paalisin na alam kong hindi tama.
"May naisip ka ba? ang tanong ko sa kanya na patungkol sa kanyang unang sinabi.
"Yes. I suggest na kuha ka ng private detective para na rin di maabala ang trabaho mo."
"Oo nga, bakit di ko naisip yun agad."
"and about that, may kakilala ang father ko. Sabi niya mahusay daw yun dahil nalalaman niya ang lahat kahit na tagong-tago ito. Ano kakausapin ko na ba."
"Pag-isipan ko muna." ang nasabi ko na lang. Ewan ko pero nagdalawang isip ako bigla sa alok niya sa akin.
"Victor naman, sana hindi mo na patagalin pa ano. Ikaw din ang mahihirapan niyan. At isa lang ang patutunguhan ng lahat."

Sa isip ko ay tama si Marie. Malaki ang posibilidad na maging talo ako sa huli. Babalik din ang alaala niya na magiging dahilan ng pag-alis niya sa puder ko.
"Sige papayag na ako. Tawagan mo na ang tanong sinasabi mo." ang aking napagdesisyunan.
______
"Mukhang masarap ah!" ang naibulalas ko nang makita ang mga nakahain pagkauwi ng bahay.
"Nandiyan ka na pala Victor. Siyempre naman ako ang nagluto eh. Tara kain na tayo." ang masaya niyang tugon.

Halos mag-umapaw ang galak sa aking puso sa mga nangyayari sa amin ni Adonis. Ang sarap sa pakiramdam ng may nag-aasikaso sa iyo. Tulad na lang ng pagluluto niya ng pagkain para sa akin. Nakakatanggal talaga ng pagod ang kanyang ginagawa.
"Salamat Adonis." ang sabi ko sa kanya habang kumakain kami.
Tinignan niya ako. "salamat saan?"
"Itong ginagawa mo. Alam mo bang naiba na ang aking panlasa. Nasanay na kasi ako sa mga instant na pagkain."
"Ganoon ba. Mabuti na lang dumating ako sa buhay mo." ang nakangiti niyang pagsagot na medyo ikinagulat ko. Hindi ko alam kung ano ang nais niyang iparating at nasabi niya ang ganoon sa akin.
"Hulog ka ng langit sa akin Adonis." ang nasabi ko na lang na dinaan sa biro.

Sa gabing iyon ay hindi na naman ako nakatulog nang maayos. Isa-isa kong inaalala ang mga nangyari ngayong araw. Mula sa usapan namin ni Marie hanggang sa hapunan namin ni Adonis. 
"Ang galing niya magluto. I guess na malaki ang kaugnayan sa katauhan niya ang talento sa pagluluto. Mukhang masasanay na ako nito sa kanya. Binigyan niya ng kulay ang aking buhay. Pero paano na kaya ako kapag dumating na ang araw na umalis siya, babalik na ulit sa normal ang aking buhay, mag-isa at malungkot." ang sabi ko sa aking sarili.
______
"Victor." ang paggising sa akin ni Adonis kinabukasan na may kasamang pagkalabit."
"Bakit ang aga naman yata?" ang nagtataka kong tanong habang kinukusot ko ang aking mga mata at naghihikab.
"Gusto ko kasing samahan mo ako na magjogging at mag-exercise"
"Ha! bakit naman?" ang tanong ko ulit.
"Boring kasi ang mag-isa. Saka mabuti rin iyon sa katawan."
"Ikaw na lang. Wala ako sa kondisyon ngayon."
"Sige na please."
Hindi ko na nagawang tumanggi pa dahil sa nakita kong pagsusumamo na mukha ni Adonis.

Sabay kaming lumabas ng bahay. Nag-unat muna ng mga braso at binti pagkatapos ay unumpisahan na ang pagjogging.
"Enjoy ba?" ang tanong niya sa akin.
Lumingon ako sa kanya. "Ok lang."
"Mabuti naman. Simula ngayon palagi na tayong magsasabay. Gagawin na nating routine ito tuwing umaga."
"Hindi ako mangangako pero susubukan ko. Alam mo naman ang trabaho ko."
"Gawin mo. Mas makakatulong kaya sa iyo ito para mas lalo kang lumakas. Kahit papaano ay mababawasan ang stress mo."
Napangiti ako sa sinabi niya at pumayag na din.
"Good!" ang sabi niya.

"Daan tayo sa court ha, ipapakilala ko sa iyo ang mga bago kong kaibigan doon." ang sabi niya sa akin habang patuloy kami sa pagjogging.
Napahinto ako sa aking narinig. Ewan ko ba kung matutuwa ako na nagkaroon na siya ng kaibigan sa aming lugar o maiinis dahil mahahati na ang kanyang atensyon sa akin. Wala na akong nagawa. Hindi naman pwedeng pigilan ko o pagbawalan na makisalamuha sa iba, baka kung ano pa ang isipin niya sa akin.

Papalapit pa lang kami sa court nang maaninag ko na ang ilang mga girls at pa-girls na tila hinihintay ang pagdaan ni Adonis doon. At nang makarating na ay agad naglapitan ang mga ito sa kanya. Ang ilan ay may dalang twalya at tubig.
"Sandali lang po mga kaibigan, ipapakilala ko sa inyo si Victor." ang sabi niya sa kanila.
"Matagal na namin siyang nakikita dito pero ngayon lang namin nalaman ang pangalan niya. Nice to meet you Victor." ang tugon naman ng isang babae doon. Kahit papaano ay namumukhaan ko siya marahil ay magkalapit lang ang aming mga tirahan. Sinukilan ko sila ng isang ngiti.

Maya-maya lang ay lumapit na din sa amin ang mga lalaking nakajersey na damit.
"Ano Adonis game na?" ang nanghahamong pahayag ng isa sa kanila. Alam kong basketball ang lalaruin nila dahil sa hawak nitong bola.
"Oo naman. Ah Victor sali ka" ang yaya niya sa akin.
"Sige kayo na lang." ang sagot ko sa kanila. Sa totoo lang kasi ay wala akong masyadong alam sa paglalaro ng basketball.

Habang naglalaro ay walang patid ang pagtili ng mga taong nanonood. Naiinis na ako sa aking katabi na para bang wala nang bukas kung makacheer. Halos mabasag na ang aking eardrums sa kanyang pagsigaw. Tinatakpan ko na lang ang aking tainga.

At sa aking panonood ay nakita ko ang galing niya sa paglalaro ng basketball. Sobra ang aking pagkamangha sa galing niya sa pagbuslo at pagdadala ng bola. Isama pa jan ang mga moves na nakikita ko sa kanya na napapanood ko sa TV.

Hindi ko naman maiwasang kiligin sa tuwing nililingon niya ako kapag nakakashoot ng bola na may kasamang pagkindat. Kaya napapatingin sa gawi ko ang mga taong naroroon. Agaw-eksena naman sa pagsigaw ng I Love You ang babaeng katabi ko sa pag-aakalang siya ang tinitignan ni Adonis.

Nang matapos ang laro ay sabay-sabay na naglapitan ang mga manonood sa kanya. At nag-umpisa ulit ang pagbabago ng aking mood nang makita ang pagyakap ng mga babae at paghalik sa kanyang pisngi na tila balewala lang sa kanya at sa tingin ko pa ay nagugustuhan din niya.

Dahil dito ay hindi ko na siya hinintay pa at naunang umuwi ng bahay. Nang makarating ay nagpahinga ako sa sofa. Hinubad ko ang suot na sando at pinunasan ang pawis dulot ng aking pagtakbo. 
"Selos na ba itong nararamdaman ko?" ang tanong ko sa aking sarili. "Mali ito, hindi pwede. Natural lang na pumayag siya na yakapin at halikan ng babae. Straight siya. Wala akong karapatan na mainis." ang pagkukumbinse ko pa ulit sa aking sarili.

Ilang minuto ang lumipas nang marinig ko ang pagbukas ng gate tanda ng pagdating ni Adonis. Agad ko nang inayos ang aking sarili, para maitago ang aking nararamdaman.
"Bakit hindi mo ako hinintay?" ang agad niyang tanong sa akin. Umupo siya sa tabi ko at hinubad ang kanyang pawisang suot.
"Ah eh medyo mainit na kasi, dahil magtatanghali na." ang alibi ko sa kanya.
"Talaga, hindi pa naman ganoon katindi ang sikat ng araw." ang kanyang tugon. Nahalata ko naman na parang hindi siya kumbinsido sa aking sagot.
"Ayoko kasing naarawan ako." ang dagdag kong palusot sa kanya.

Saglit siyang natahimik habang nagpupunas ng kanyang pawis. Ilang saglit pa ay tumayo na siya.
"Tara breakfast na tayo, baka malate ka na sa trabaho mo." ang sabi niya na di man lang lumingon sa akin at deretsong tinumbok ang kusina.

Itutuloy...

4 comments: