Wednesday, July 27, 2011

CAMPUS TRIO Part 1

"Bale 52 pesos lahat" ang pagsusuma ng may-ari ng mga kalakal na binenta ni Andrew sa kanyang junkshop. Pagkatapos noon ay binigay na sa kanya ang perang kinita niya sa umagang iyon.

Sa halos araw-araw na ginawa ng Diyos ay palaging ganito ang routine ni Andrew. Dose anyos pa lang simula nang mamatay ang kanyang ama ay kumakayod na siya para lang may pambaon sa pagpasok sa school. 

Hindi na rin regular na nakakapaghanap-buhay ang kanyang ina dahil sa karamdaman nito. Bago siya pumasok ay nag-iikot muna siya sa mga karatig bahay dala ang isang de tulak na kariton para mangolekta ng mga bagay na maaaring ibenta tulad ng dyaryo, bote, plastik karton at lata.

Sa isang maliit na bahay lang sa Tondo nakatira silang mag-ina. Maaaring masabing salat sa buhay ang sinumang makakita ng itsura ng kanilang tirahan dahil sa may kalumaan na ang karamihan sa mga kasangkapan dito. 

"Nay kain na po tayo" ang sabi niya sa kanyang ina pagkarating nito sa kanilang bahay dala ang pagkaing binili niya na magiging almusal nilang mag-ina. Dumeretso siya sa kanilang mesa at nilagay sa isang plato ang binili niyang mainit-init na pansit. 
"Sige mauna ka na anak, bilisan mo at baka ma late ka sa school. Naku unang araw pa naman ng pasukan." ang sagot naman ng ina na nakahiga pa rin sa kama nilang kahoy.
"Opo nay. Medyo maaga pa naman kaya sabay na tayo habang mainit pa ito." ang nakangiting turan ni Andrew sabay lapit sa kanyang ina upang alalayang tumayo.
"Sabi ko naman sa iyo anak na itigil mo na yang pangangalakal. Magkakaroon ka na rin naman ng allowance sa scholarship mo." ang kanyang ina habang naglalakad papunta sa hapag kainan.
"Nay naman. Sayang din ang kikitain ko at isa pa makakatulong din ito para may panggastos tayo sa bahay" si Andrew. Nilapitan nito ang ina at inalalayan sa paglalakad papunta sa hapag.

Nagsimula na silang kumain at nang matapos ay nagmadali siyang gumayak para sa pagpasok.

"Ito pala ang uniporme mo anak. Galing ito sa anak ni Mrs. Reyes na kakagraduate lang. Mabuti na lang at kahit papaano ay naibsan ang gastos natin." ang sabi ng kanyang ina habang inaabot ang nasabing uniporme kay Andrew. Nung mga panahon na malakas pa ang kanyang ina ay doon ito namamasukan bilang plantsadora at labandera.
"Salamat po" ang nakangiti niyang pagtugon. Hindi mahalaga sa kanya kung bago man ang kanyang mga gamit. Ang mahalaga ay may magagamit siya sa kanyang pagpasok.

Ngayong araw ang opisiyal na pagbubukas ng klase at ito rin ang unang araw ni Andrew na mag-aaral ng kolehiyo. Maswerte siya dahil nakapasok siya sa isang sikat at pribadong unibersidad sa Metro Manila bilang isang full scholar. Matalino siyang bata at dahil valedictorian siya sa pinagtapusan niyang higshschool ay madali niyang nakuha ang nasabing scholarship mula rin mismo sa kanyang papasukan. 

Pasado alas diyes na nang umaga nang makarating siya sa unibersidad. Saglit siyang huminto sa gate at nilibot ng kanyang mga mata upang masilayan ang kabuuan ng unibersidad. Medyo nakaramdam siya ng magkahalong hiya at kaba dahil sa mga nakikita niya sa paligid. Pakiramdam niya ay bumaba ang kanyang pagkatao kumpara sa mga estudyanteng nakikita niya na halatang namang may kaya at mayayaman, sa itsura at porma pa lang ng mga ito pati na rin sa mga hawak nilang mga latest gadgets.

Habang naglalakad ay patuloy pa rin siya sa pagmamasid sa lugar. Naiilang pa rin siya sa kanyang mga nakakasalubong na estudyante na napapansing nakatingin sa kanya. Sinimulan na niyang hanapin ang kanyang classroom na nakalagay sa kanyang registration card. Medyo nahirapan siya dahil sa hindi pa siya pamilyar sa lugar. Matapos ang halos sampung minuto ay nakita na rin niya ito.

Pumasok siya sa loob at umupo sa isang bakanteng upuan sa likuran. Habang naghihintay para sa pagdating ng kanilang propesor ay pinagmamasdan niya ang kanyang magiging mga kaklase. Tulad niya ay tahimik rin ang mga ito dahil sa hindi pa sila magkakakilala.
 
Biglang nabasag ang katahimikang bumabalot sa loob ng kanilang silid sa malalakas na paghiyaw ng mga estudyante sa labas. Agad silang sumilip sa bintana at ang iba naman ay lumabas sa corridor upang alamin ang dahilan ng mga paghiyaw na iyon.

"Nandito na sila!" ang malakas na pagsigaw ng isang babae. Halatang kinikilig ito base sa tono ng kanyang boses.
"Ang Campus Trio!" ang sabi naman ng iba.
"Bigyan niyo sila ng daan"
"Campus Trio, ano iyon?" ang nagtatakang tanong ni Andrew sa kanyang sarili nang marinig iyon.

Nagdesisyon siyang mag-abang sa labas para alamin kung sino ba yung mga sinasabi nilang Campus Trio. At sa ilang saglit lang ay mas lalong lumakas ang pagtili at paghiyaw ng mga tao tanda na papalapit na sa lugar nila ang nasabing grupo. Hanggang sa dumating na sila.

Tatlong lalaki ang sabay-sabay na naglalakad na naka shades ang kanyang nakita na  sa tantya niya ay nasa fourth year na. Hindi lang yan kapansin-pansin din ang kanilang kaibahan sa ibang mga estudyante roon. Kahit nasa likod lang siya ng mga estudyanteng nag-aabang ay kita pa rin niya ang mga ito dahil sa kanilang tangkad. Napuna rin niya kaagad ang kaibahan ng kanilang mga itsura. Ang style at kulay ng kanilang buhok na moderno ang dating, ang kanilang tindig at magandang pangangatawan.
"Kaya pala ganito na lang kung makatili ang mga babae dito." ang nasabi na lang niya sa kanyang sarili.

Hindi nakaligtas sa kanya ang isa sa kanila na nasa gitna. Unang kita palang niya dito ay agad niyang naisip na may kasungitan ito dahil hindi man lang niya nilingon ang mga nakapaligid sa kanya at batiin man lang kung ikukumpara sa dalawa niyang kasama na paminsan minsang ngumingiti sa kanila.

"Ang guguwapo di ba?" ang sabi sa kanya ng isang lalaki na katabi niyang nakatayo. Tinignan niya ito at napagtanto agad ang sekswalidad nito dahil sa kanyang ayos. Alam naman ni Andrew na pareho lang sila nito ngunit hindi niya trip na magbihis at umarte bilang babae.
"Alam mo bang sila ang pinakasikat dito kaya binansagan silang campus trio. Malakas ang impluwensiya nila dito sa university" ang kanyang pagpapatuloy.
"Ganoon ba?"
"Oo. Ah by the way pala Im Dante pero tawagin mo na lang ako Dina. Magkaklase tayo." ang pagpapakilala niya kay Andrew.
"Oo. Im Andrew" ang sagot naman niya. At nagkamayan silang dalawa. Kahit papaano ay natuwa siya dahil agad siyang nagkaroon ng kakilala sa kanilang section.
Nang makalagpas na ang nasabing campus trio ay bumalik na sina Andrew sa loob ng silid.

"Dito ka na maupo" ang alok sa kanya ni Dina nang akmang paupo na siya sa bandang likuran. Agad naman siyang sumunod para na rin kahit papaano ay may makakausap siya.

"Hays kung araw-araw ko ba naman sila makikita talagang hindi ako mag absent nito." ang naibulalas ni Dina. " Alam mo ba Andrew, sila ang dahilan kung bakit ako pumasok dito."
"Ganoon ba?" ang tugon ni Andrew dito habang naglalabas ng isang notebook at ballpen.
"Yung kapatid ko kasi, dito rin nagtapos at palagi niyang kinukwento sa akin ang tungkol sa kanila. Totoo nga ang sabi niya, na ang guguwapo nila" ang kanyang pagpapatuloy na may halong kilig. Natatawa at napapailing lang si Andrew sa mga sinabi niya.

"Eh ikaw bakit dito ka nag-aral?" ang sunod na tanong sa kanya ni Dina.
"Ako, actually hindi naman dapat ako makakapasok dito kung di ako scholar." ang sagot nito sa kanya.
"Wow, matalino ka pala. Eh di magtatrabaho ka rin pala dito sa school bilang student assistant." ang medyo may pagkamangha niyang pahayag.
"Oo. Ganun nga ang patakaran nila. Sa susunod na linggo nga, magsisimula na ang duty ko sa library."
"Buti naman at nagkaroon agad ako ng matalinong kaklase para may mapagtanungan naman ako minsan. O kaya naman may makopyahan ako pag may exams haha."
Napangiti si Andrew sa narinig.

Nahinto ang aming pag-uusap sa pagdating ng aming propesor.

Tulad ng nakagawian tuwing unang araw ng klase ay puro pagpapakilala lang sa sarili ang kanilang ginawa. At sa araw ring iyon ay nagbigay ng introduction sa bawat subjec tang kanilang mga professors.
______
Sumapit ang oras ng kanilang breaktime. Nasa canteen ngayon si Andrew upang bumili ng makakain. Ngunit laking gulat niya ng makita ang mga presyo ng mga pagkain na mabibili roon.
"Dapat pala nagbabaon na ako nito" ang sabi ni Andrew sa kanyang sarili. 

Sa mga oras na iyon ay napagdesisyunan ni Andrew na lumabas na lang ng school para humanap ng isang bakery na makakabili ng tinapay. Nasa pinto na siya palabas ng makasalubong niya si Dina.

"Saan ka pupunta Andrew?"
"Lalabas lang ako para bumili ng tinapay."
"Bakit doon ka pa bibili meron naman dito."
"Kulang kasi ang pera ko." ang nahihiyang sagot ni Andrew.
"Yun lang pala. Tara." ang yaya niya dito sabay hila sa braso nito.

Hindi na magawang tumutol pa ni Andrew sa mga biniling pagkain sa kanya ni Dina. Dahil sa nahihiya siya ay binigay na lang niya dito ang pambili sana niya ng tinapay. Nung una ay ayaw pa nitong tanggapin ang pera.

"Saan ka pala nakatira?" ang tanong ni Dina kay Andrew habang sila ay kumakain. 
"Taga Tondo ako."
"Ah malapit-lapit lang pala dito."
"Mga isang sakay lang tapos kaunting lakad." 
"Ah Ako naman sa Quezon City. Sayang hindi tayo magsasabay sa biyahe."
"Hayaan mo araw-araw naman tayong magkakasama" ang sagot ni Andrew sa kanya.

Marami pa silang napag-usapan sa oras na iyon. At doon nalaman ni Andrew ang estado ng pamumuhay ni Dina. Mayaman ang kanilang pamilya. Manager sa isang bangko ang daddy nito.

Tulad ni Dina ay kinuwento rin niya dito ang kanilang buhay. At talagang nabilib ito sa kanyang mga nalaman.
"Maswerte ang mom mo na nagkaroon siya ng anak na gaya mo, bukod sa may itsura na, masipag matalino at determinadong umasenso."

Tama na sana ang lahat ng papuring narinig ni Andrew sa kausap pero nahaluan pa ng isa na para sa kanya ay hindi kapani-paniwala.
"Bakit may mali ba sa sinabi ko?" ang tanong nito nang mapansin si Andrew na pailing-iling.
"Inalis mo na sana yung salitang may "itsura."
"Bakit totoo naman ah? Look tama lang ang tangkad mo tapos maganda naman ang tindig mo. Yung katawan tama lang. May mapupungay kang mga mata at may matangos na ilong."

Natatawa lang si Andrew sa kanyang mga narinig.
"Ewan ko sayo. Mabuti pa at bilisan na lang natin kumain." ang nasabi na lang niya dito.
__________

Matapos ang klase ay sabay na naglakad sina Andrew at Dina palabas ng school.  Malapit na sila sa gate nang mapansin ni Andrew ang umpukan ng mga estudyante sa may basketball court.
"Teka lang Dina, parang ang daming tao roon oh" si Andrew sabay turo sa gawi ng umpukan.
"Oo, tara tignan muna natin." ang yaya ni Dina kay Andrew. Alam na agad nito kung sino ang pinag-uumpukan nila.

Nang makalapit sila sa court ay doon nalaman ni Andrew ang dahilan. Kasalukuyan palang naglalaro ng basketball ang ilang mga lalaking estudyante kabilang na ang sinasabing campus trio.

Nagulat si Andrew sa biglaang pagtili ni Dina.
"Grabe Andrew, ang hot talaga nila!" si Dina na hindi na napigilan ang sobrang paghanga sa kanila. Samantalang si Andrew ay nanonood lang.

Agad na humanga si Andrew sa galing sa paglalaro ng basketball ng Campus Trio. Parang mga beterano na kung gumalaw ang mga ito, tila mga manlalaro ng basketball sa NBA na napapanood niya sa TV.  Sa pagshoot, pag dunk at pagdribble ng bola. Sa bawat puntos na nagagawa nila ay panay ang pagcheer ng mga manonood. Talaga nga namang sikat sila sa buong campus.
Pagkalipas ng ilang minuto ay nagpahinga ang mga naglalaro. Umupo sila sa isang mahabang bench.

Maya-maya'y isang sitwasyon ang nakapukaw sa atensyon ni Andrew. Habang nagpapahinga ay may lumapit na dalawang babae sa isa sa campus trio at nag-alok ng isang inumin sa kanya. Napansin niya ang pag snob lang niya sa kanila.
 
Agad na nakaramdam ng dalawa ng hiya matapos silang tratuhin ng ganoon ni Bryan na para bang hindi sila nito nakikita at patuloy lang sa pagpunas ng pawis. At ang sumunod na eksena ang tuluyang nakapagpabigla sa kanya.

"Hindi niyo ba nakikita, ito oh may inumin na ako. Hindi ko na kailangan niyan alis na!" ang pagsinghal nito sa kanila na tuluyang nagpahiya sa dalawang babae. 
Pinagtitinginan na sila ng ibang mga taong naroroon. Nang lingunin niya ulit ang grupo ay nakita niya na nakangisi lang ang isa mga ito. Samantalang deadma lang ang kanyang katabi. Doon nagsimulang umusbong ang inis niya sa kanila.

"Tama ba naman ang ginawa nila sa dalawang babae. Kalalaking tao pumapatol sa babae. Lalo na yung nasa gitna." ang kanyang komento sa kasamang si Dina na tumutukoy sa taong namahiya sa mga babae.
"Ganyan talaga si Bryan. Kaya masanay ka na sa kanya." si Dina.
"Napakasama nama nng ugali nya Hindi naman pwede yung ganoon ano."
"Hinaan mo boses mo baka marinig ka nila."
"Wala akong pakialam. Sino ba siya sa inaakala niya kung makaasta siya akala mo sa kanya itong school." ang tuloy-tuloy pa rin niyang pananalita at walang pakialam sa mga tumitingin nang tao sa kanya.
"Tumigil ka na kaya tignan mo oh tumayo na sila. Lagot baka narinig ka na nila" si Dina na kinakalabit na si Andrew.

Hindi nga nagkamali si Dina sa kanyang akala. Napatingin sa kanya ang ibang mga babaeng estudyate doon na halos lahat ay masasama ang tingin sa kanya.

"Oh bakit sakin kayo nagagalit. Dapat doon sa kanila!" si Andrew na tinuro pa talaga ang kinaroroonan ng campus trio."Bilang mga babae di ba kagaspangan  ng ugali ang ginawa niya sa kapwa niyo."

At sa sinabing iyon ni Andrew ay tumayo na ang isa sa tiro at nilapitan si Andrew. Agad naman sumunod ang dalawa niyang kasama.
"Ano yung sinasabi mo tungkol sa akin ha?" ang sabi niya kay Andrew na nasa harapan na niya. Lalaking lalaki ang boses nito. 

Kita sa mga taong nasa paligid lalo na kay Dina ang kaba ngunit si Andrew ay nananatiling lang na kalmado. Inisip niyang hindi siya dapat kabahan dahil sa wala naman siyang kasalanan sa kanila. Nginisian lang niya ito.

"Mukhang hindi natakot sa iyo tol" ang sabi ng kasama niyang lalaki nasa kanan ni Bryan.
"Boy., narinig namin ang mga sinabi mo kanina. Siguro bago ka lang dito sa school ano. Hindi sila ang may-ari pero ang pamilya ni Bryan ang major sponsor dito." ang pahayag naman ng nasa kaliwa niya.
Tumingalang nakatingin si Andrew sa kanila. Hanggang tenga lang kasi ni Bryan ang taas niya. "Dapat bang katakutan ang taong ito? At isa pa hindi boy ang pangalan ko. Eh ano ngayon kung siya ang sponsor dito, pwede na ba kayong maghari-harian dito? Ang gawing katawa-tawa at mamahiya ng inyong kapwa?"

Napahinto na lang siya sa sunod na ginawa ni Bryan sa kanya. Bigla siyang kinuwelyuhan nito.
"Ngayon pa lang kita nakita dito. I guess freshman ka pa lang pero ganyan ka na agad umasta sa mga nakakatanda sayo. Sino ka ba sa akala mo para pakialaman ang mga ginagawa ko?" si Bryan na nanlilisik ang mga matang nakatitig sa kanya.

"Ooooops. Easy lang tol. Hayaan mo na lang siya. Tara na magsisimula na ang game." ang awat ng isa sa mga kasama niyang lalaking nasa kanan.

Agad naman siyang binitawan at tinulak ni Bryan at umalis pabalik sa court.

"Tara na Dina. Ang yabang talaga ng Bryan na yan." Si Andrew na hindi man lang nasindak sa ginawa ni Bryan sa kanya. Inayos nia ang nagusot na uniporme.

"Hindi pa tayo tapos." ang nasabi na lang niya sa kanyang sarili habang naglalakad sila palabas ng gate.

Itutuloy...

7 comments:

  1. wow parang f4 lang.... hehehe kakakilig naman, kaabang-abang ang susunod na eksina...

    good job Daredevil....

    ReplyDelete
  2. sana Daredevil tuloy-tuloy lang po ang update!!!!

    ReplyDelete
  3. ok to ah.. may pagka- Boys over Flower lang ang dating ah.. hehehe,, im starting to love it..

    God bless.. -- Roan ^^,

    ReplyDelete
  4. Wow meron na naman ako aabangan..hehehe..Tuloy tuloy lang ang update!.

    Mukhang interesting si bryan.hehehe!Sa tingin ko siya yung makakauna kay Andrew.

    PS. Check nyo rin po yung blog ko: http://imbipositive.blogspot.com/

    ReplyDelete
  5. Wow first chapter pa lang maaksyon na.ang galing naman daredevil. Keep it up. Ingatz. God bless...

    ReplyDelete
  6. parang f4 nga lang.. haha.. i-aanticipate ko na toh.. :)

    ReplyDelete
  7. hahaha sana mabilis lang ang mga kasunod.. kakaexcite..^^

    ReplyDelete