(Andrew POV)
Sa unang gabi namin ni nanay sa bahay ni Bryan ay hindi ako dalawin ng antok. Halos lahat ng posisyon sa kamang hinihigaan namin ni nanay ay ginawa ko na ngunit hindi pa rin ako makatulog. Ewan ko ba, parang namamahay yata ako o hindi lang ako sanay matulog sa isang magarang bahay tulad nito. Dahil dito ay nagpasya akong bumangon muna. Bago ako tumayo ay tinignan ko muna ang oras sa aking cellphone at inayos ang kumot ng aking inang mahimbing na natutulog.
Pagkababa ko ng hagdan ay agad akong dumako sa kusina. Dumampot ako ng baso sa lagayan at binuksan ang ref para kumuha ng tubig. Umiinom ako nang biglang kong mapansin ang liwanag na nagmumula sa isang bintana sa sala kaya agad kong tinignan ito.
At sa pagdungaw ko sa bintana ay nakita ko ang isang nakatalikod na lalaki na nakahubad pang-itaas habang nakaupo sa gilid ng pool at nakasawsaw ang paa sa tubig. Marahil ay umiinom siya dahil sa nakita kong isang bote ng wine sa kanyang gilid.
Lumabas ako at nilapitan siya.
"Bryan...." ang pagtawag ko ng pansin sa kanya na dahilan upang lumingon siya sa akin.
"Oh Andrew ikaw pala... Bakit hindi ka pa natutulog?" ang agad niyang tanong sa akin.
"Hindi pa kasi ako inaantok."
"Ah... Hindi ka ba komportable sa hinihigaan niyong kama ni nanay?"
"Hindi iyon ang dahilan. Ewan ko ba, naninibago lang siguro ako."
"Masasanay ka rin niyan." ang nakangiti niyang pahayag. "Tara upo ka. Samahan mo na lang ako dito." ang alok niya sa akin.
Pagkaupo ko pa lang sa bandang kanan niya ay bigla akong natigilan. Malakas na tibok ng puso na parang kinakabahan ang agad na naging reaksyon ko sa ayos ni Bryan. Dahil nga sa nakahubad ito pang-itaas ay nakita kong muli ang katawan nito. Ang liwanag na nagmumula sa isang maliit na ilaw ang nagsilbing tulong sa akin upang masilayan ko muli ang kabuuan nito. Gaya nga ng naging obserbasyon ko noon sa muli naming pagkikita ay masasabi ko ulit na wala pa rin itong pinagbago.
Hindi ko maintindihan ang aking sarili, kung bakit ganito pa rin ang epekto niya sa akin hanggang ngayon. Sa kabila nang haba ng panahon na magkahiwalay kami ay naroon pa rin ang lakas ng kanyang dating at appeal sa akin.
"Andrew?" ang pagtawag niya sa aking pangalan. Namalayan ko na lang na hawak na pala niya ang aking baba.
Inilayo ko naman ng bahagya ang aking ulo dahilan upang bumitaw siya.
"Ilag na ilag ka yata. May problema ba?" ang nagtataka niyang tanong sa ginawa kong aksyon.
Hindi ako nakasagot, parang nablanko kasi ang utak ko. Maya-maya lang ay nakita ko ang kanyang pagngiti.
"May idea na ako. And I am very happy for that."
Naisip kong nahalata na niya ang mga kinikilos ko.
"Anong pinagsasabi mo diyan?" ang aking naitanong sabay distansya sa kanya.
Inilipat niya ng kaunti ang mukha niya sa akin.
"Kilala na kita Andrew. At ang mga actions mong iyan, nakita ko na yan sayo noon."
"Kung anuman yang iniisip mo... mali iyon."
"Talaga. E bakit namumula yang mukha mo? Umamin ka na kasi, na nagpapantasya ka na naman sa akin."
"Hindi ah." ang may kaba kong pagtanggi sabay inom ng natitirang tubig sa hawak kong baso.
"Ang cute! Kakatuwa ka pa rin. Namiss ko yan. Mabuti na lang naghubad ako ng damit atleast nalaman kong attracted ka pa rin sa katawan ko kaya dadalasan ko na itong gagawin."
"Ewan ko sayo Bryan, sige babalik na ako sa kwarto."
Akmang patayo na ako nang bigla niyang hinawakan ang aking kamay.
"Sandali, iiwas ka na naman. Kung aalis ka ibig sabihin guilty ka, na totoo talagang pinagnanasaan mo ako."
Sa sinabi niyang iyon ay wala na akong magawa kundi manatili doon at samahan siya.
Matapos iyon ay wala kaming imikan. Tanging ang pagsulyap namin sa isat-isa ang aming ginagawa. Hanggang sa siya na ang bumasag ng aming katahimikan.
"Madalas akong nandito na umiinom sa gabi para makapagrelax. Maliban sa work-out at swimming ay isa na rin ito sa aking habit. At alam mo ba na sa tuwing ginagawa ko ito ay ikaw lang ang aking iniisip. Ni hindi ko nga nagawang ngumiti."
Napatingin ako sa kanya at ganoon din siya sa akin.
"Dinadaan ko sa pag-inom ang lungkot na nararamdaman ko sayo. Pero iba na ngayon. Sa wakas, nagawa ko na ulit na ngumiti at tumawa. Natupad na ang kahilingan kong makasama ko ulit ang taong mahal ko."
Bagamat alam ko naman na minamahal pa rin ako ni Bryan ay ikinabigla ko pa rin ang kanyang sinabi. May prinsipyo na akong binuo sa aking sarili pero sa kabila nito ay tinablan pa rin ako sa aking narinig. Hinayaan ko lang siyang magpatuloy.
Bago siya magsalita ay naglagay muna siya ng wine sa baso at ininom.
"Nung mga panahon na wala ka ay sinadya ko ulit ang Quiapo para magpahula. Swerte namang nakita ko ulit ang matandang naghula sa ating dalawa. Alam mo ba na inulit lang niya ang sinabi niyang hula sa akin noon pero may mga idinagdag siya. Sabi niya na kung magiging tama ang mga gagawin ko ay magbabalik ulit ang aking pag-ibig na magbibigay ng lubos na kasiyahan sa akin. Doon ako mas lalong nabuhayan ng loob, hindi ako sumuko sa paghahanap sayo, umaasa pa ring magkakabalikan tayo."
"Bumalik ka talaga doon ah, at talagang naniniwala ka na sa hula." ang nasabi ko sa kanyang mga nilahad.
"Hindi naman masamang magtiwala di ba, and besides wala naman mawawala sa akin."
"Oo tama ka. Alam mo ba ako rin ay bumalik din sa kanya, pero hindi tulad mo na sinadya. Magsisimba lang sana ako noon para ipagdasal si nanay nang bigla niya akong tawagin. Hindi na niya ako matandaan pero ganoon pa rin ang hula niya sa akin. Gaya mo ay may dinagdag din siya na.... may magbabalik daw pero mananaig pa rin ang unang pag-ibig."
"Ganoon ba? ang naging tugon niya. Napansin ko naman ang biglaang pagbabago ng kanyang mood. At sa kanyang pagpapatuloy ay nakuha ko ang sagot.
"Ibig sabihin ng hula sayo na ang tinutukoy niyang magbabalik at ang unang pag-ibig ay magkaibang tao. Parang hindi ko yata matatanggap yan."
May tono ng pag-aalala sa kanyang boses habang sinasabi niya iyon. Kahit alam ko na ang kanyang iniisip ay hindi ko na lang binigyan pa ng pansin iyon.
"Hayaan mo na yun."
"Pero hindi ko pa rin babalewalain iyon ano."
Nanatili pa ring nakakunot ang noo nito tanda ng pagkaseryoso pa rin sa kanyang mukha, naisip ko na binigyan niya talaga ng kahulugan ang bagay na iyon.
"Hula lang yan ano ka ba, tayo pa rin ang gumagawa ng sarili nating landas." ang pampalubag ko na lang ng kanyang kalooban. Bigla naman akong nakaisip ng kung anong kapiluyan. Sinabuyan ko siya ng tubig sa mukha galing sa pool gamit ang akng mga kamay.
"Oooopsss!!!!" ang nagulat niyang reaksyon.
"Sorry," ang medyo natatawa ko nang pahayag.
At doon na nagsimulang mapalitan ng saya ang seryosong usapan namin. Gumanti na siya sa ginawa ko ang resulta, pareho kaming nalaglag sa pool at nabasang dalawa.
___________
Hindi ko na naabutan si Bryan paggising ko kinabukasan. Tanging si nanay na lang na abala sa paglilinis ang aking nakita.
"Sabi sa akin ni Bryan na inabot kayo ng madaling-araw kaya hindi na kita ginising anak." ang bungad niya sa akin habang nagwawalis.
"Ganoon po ba?" ang aking tanong. Tumungo ako sa mesa para kumain. Binuksan ko ang mga nakatakip na pagkain.
"Siyanga pala, ang bilin pala sa akin ni Bryan na kunin mo na ngayon sa school ang iyong registation card."
"Opo nay." Hindi na ako nagtaka pa kung bakit ganoong kabilis niyang naayos ang aking pagtransfer.
Matapos kumain ay naghanda na ako para sa pagpunta sa school. Nasa kuwarto ako habang nagbibihis nang may matanggap akong text.
"Kinuha ko ang number mo knina habang 2log ka. Dlhin mo pla ung mga documents mo na nakapatong sa drawer. May ksama na rin diyang pra allowance mo. I love you..."
Napangiti ako sa aking nabasa na nanggaling pala kay Bryan.
Pagkatapos ay umalis na ako ng bahay. Nasa labas pa lang ako ng gate nang makatanggap ulit ako ng text galing sa kanya.
"I forgot na di mo pa pla kabisado ang place na yn. Sori kung di kita mahahatid ngayon."
"Sakay ka ng tricycle na dadaan jan then baba ka sa kanto. Doon ka na makakahanap ng taxi papunta sa university. Ingat ka ha I love you...."
Muli ay napangiti ako. Sinunod ko ang kanyang mga sinabi sa text.
Makalipas ang halos kalahating oras na biyahe ay narating ko na rin ang dating unibersidad na dati kong pinasukan. Sa nakabukas nitong gate kita agad ang kabuuan nito. Napakaraming alaala ang agad na nagbalik sa aking isipan mula nung unang araw ng pagpasok ko dito bilang scholar, ang pagkakilala namin ni Dina at ng aking mga kaklase, at higit sa lahat ang pagtatagpo ng landas namin ng tinaguriang Campus Trio na nagpabago sa takbo ng aking buhay.
Pinapasok kaagad ako ng guard nang ipakita ko ang dala kong mga dokumento. Hindi muna ako dumeretso sa registrar dahil naisip kong maglibot muna sa buong lugar.
Sa kabila ng pagkawala ko ng mahigit dalawang taon ay wala pa ring pinagbago ang lugar maliban sa mga bagong estudyante na nag-aaral dito. Dumaan ako sa library kung saan ako nagduty noon bilang scholar. At isang alaala ang nagbalik sa aking isipan... ang isang eksena namin ni Bryan.
"Nice
ang sipag ah" ang sabi ng boses na narinig ni Andrew. Medyo nabigla
siya sa pagsulpot ng isang mukha na nakatapat sa kanya. Tumigil muna
siya sa kanyang ginagawa at nilingon ang taong nagsalita
"Good
afternoon po, ano po ang kailangan niyo?" ang magalang na tugon ni
Andrew. Pero sa kaloob-looban niya ay naiinis pa rin siya para dito
nang maalala niya ang ginawa ng grupo nila sa court noon.
"Magresearch lang ako para sa assignment namin."
"Ok po. Gamitin niyo na alng ang card catalog para sa paghahanap po ng inyong reference."
Nagpatuloy
na si Andrew sa pag-aayos ng mga libro ngunit napansin niya na hindi
pa rin ito umaalis sa kanyang pwesto. Nilingon niya ulit ito.
"Ano pa po ang kailangan niyo?" ang tanong niya.
Kahit
pa na narinig niya ang tanong na ito ni Andrew ay patuloy lang siya sa
pagtitig sa kanya. Hindi nakaligtas sa kanya ang itsura ni Andrew na sa
hindi niya malaman na dahilan ay nagugustuhan niya ang kanyang nakikita.
Ang magaganda nitong mga mata na may mahahabang pilik mata, ang
matangos na ilong at mapupulang mga labi.
"Bakit
ganyan ka kung makatingin?"ang sunod na tanong ni Andrew nang mapansing
nakatitig pa rin ito sa kanya. Agad na nagbalik ang ulirat nito.
"Ah wala lang."
"Wala
daw" ang bulong niya sa kanyang sarili. "Baka naman pagtitripan mo
ako. Hindi na bago sa akin ang mga ganito dahil madalas ko na tong
napapanood sa tv."
"At teka lang sa pagkakaalam ko ay gagantihan
mo ako sa ginawa ko sa inyo sa court." ang kanyang pagpapatuloy nang
maalala niya ang usap-usapan sa buong campus tungkol sa kaniya.
Hindi pa rin nagsasalita si Bryan nakatingin lang sa kanya.
"Naghihintay lang ako Bryan." ang matapang niyang pahayag na napansin Bryan.
"Ano yung pinagsasasabi mo?" ang tanong nito sa kanya.
"Nagmamaang-
maangan ka pa. Kunwari nice ka sa akin. Alam ko naman na asar ka pa rin
hanggang ngayon. Kung anuman yang secret agenda mo hindi yan
magtatagumpay."
"Hays nagsasayang lang ako ng oras dito marami pa
akong gagawin. Mas mabuti pang kausapin ko na lang sarili ko kaysa sa
mga taong may kayabangan."
"Magmumukha ka namang baliw niyan."
"Nang-iinis
ka ba?" ang medyo napalakas na tono ng boses ni Andrew na naging
dahilan para magtinginan ang mga tao sa kanila. At nahiya siya nang
mapansin niyang ang kanilang mga malisyosong mga tingin.
"Ikaw pa ang ganyan ah. Dapat nga ako pa nga ang mainis sa iyo dahil sa ginawa mo sa akin nung isang linggo."
"Hindi
ka pa pala nakakapagmove-on sa nangyaring iyon. At tulad ng sabi ko
kanina na kung gagantihan mo na ako ay hindi kita uurungan."
"Wow tapang ah."
"Pinaglalaban
ko lang ang sa tingin ko ay tama. Kaya kung wala ka talagang gagawin
dito pwede ba umalis ka na, marami pa akong ginagawa."
"I like your attitude dude." ang nasabi nito na sinamahan pa ng ngiti at kindat na hindi nakaligtas kay Andrew.
"Sige tapusin mo na yan. See you later" ang huling sinabi ni Bryan. Bago siya lumabas ay humarap siya sa kanya.
"See
you later daw. Nagpapacute ba siya? Sinasabi ko na nga ba wala naman
talagang gagawin ang taong iyon dito hays." ang nasabi na lang ni
Andrew sa kanyang sarili sa ginawa nito.
Naisip kong dumaan din sa isa pang lugar na tumatak din sa aking isipan... ang tambayan ng tinaguriang campus trio. At pagdating sa kinaroroonan nito ay nakita kong isa na itong classroom. Hindi na ako magtataka pa kung mapalitan iyon ng iba dahil obvious graduate na ang trio.
Pagkatapos ng paglilibot ay ginawa ko na ang aking pakay. Sa pakikipag-usap ko sa mga tao sa opisina ay doon ko nalaman wala na palang kaugnayan ang pamilya Sebastian sa unibersidad. Bagamat graduate na si Bryan at hindi na sponsor dito ang kanyang mama ay may impluwensya pa rin siya dito. Iyon ang dahilan kung bakit makakapag-aral ulit ako dito sa pasukan.
Hindi ko agad nakuha ang aking registration card dahil may mga pinaasikaso pa sa aking enrolment. Gayunpaman ay mabilis ko namang natapos iyon at matapos ang halos isang oras ay nakuha ko na rin ang ito. Habang naglalakad palabas ng unibersidad ay binasa ko ang aking schedule ng klase.
Apat na beses ang pasok ko sa isang linggo at mayroon akong anim na subjects. Dapat apat lang sana ito pero hindi na credit ang dalawa dahil sa magkaiba ang bilang ng units kaya uulitin ko ito. Ayos lang naman sa akin iyon, ang mahalaga ay makakatapos na ako ng pag-aaral.
Nakatanggap ulit ako ng text galing kay Bryan na nagtatanong natapos na ako. Bago ako magreply sa kanya ay nagpa load muna ako. At nang magkaroon ay nag text na ako sa kanya.
"Yup. nkuha ko na ang regi card ko. Nag-aabang na ako ng taxi pauwi."
At nagreply naman siya ulit.
"Good. Sige ingat ka sa pag-uwi mahal ko :D"
Kung may relasyon pa kaming dalawa ay lubos kong ikatutuwa ang mga mensahe niya sa akin mula kanina. Napapangiti pa rin ako marahil may epekto pa rin ito sa akin. Pero iba na ang sitwasyon ngayon, bagamat wala na kaming ugnayang dalawa kasama na ang pangako ko sa aking sarili ay hindi ko na binibigyan pa ng kahulugan iyon. Sinasanay ko na lang ang aking sarili sa kanyang mga pagpapahiwatig ng nararamdaman niya sa akin.
Naglalakad-lakad ako habang nag-aabang ng masasakyang taxi. Medyo mahirap maghanap dahil sa mga nakakasabayan kong mga pauwi ring estudyante. Maya-maya lang ay may isang kotse ang bumusina sa likod na medyo kinagulat ko.
"Ikaw pala Dina." ang nasabi ko nang lumabas ang isang tao sa loob nito.
"Hi friend. Sabi ko na nga ba at ikaw yan. Teka ano pala ang ginagawa mo dito?"
"Pauwi na ako. Galing ako kanina diyan sa university, inasikaso ko yung enrolment ko. Ito nga ok kakakuha ko lang ng regi ko."
"Ok. Tamang-tama. Ihahatid ka na namin ni Elmer at ipapakilala ko na rin siya sayo tara dali!"
Pagkasabi niya nito ay agad niyang hinila ang aking kamay papasok ng kotse.
Sa loob ay pinakilala ako ni Dina sa kanya.
"Ah babe, siya yung kinukwento kong bestfriend nung college, si Andrew."
Humarap sa akin ang lalaking may hawak ng manibela.
"Andrew, Im Elmer, boyfriend ni Dina. Nice to meet you." Nakipagkamay siya sa akin.
Nakita ko na siya sa mga pinadalang larawan sa akin ni Dina noon pero hindi ko pa rin naiwasang pagmasdan ang kanyang itsura. Gwapo at kahit nakaupo ay alam kong may katangkaran at physically fit ito. Sa totoo lang hindi ako makapaniwala na ang isang taong tulad niya ay magkakagusto kay Dina.
"Natahimik yata ang kaibigan mo Dina." ang pagpuna ni Elmer sa akin.
"Ah pasensya na." ang paghingi ko ng paumanhin.
"Ok lang. So lets go babe."
"Yes babe tara na!"
Kahit sa likod ako ng nakaupo ay nakikita ko ang ginagawa ng dalawa sa harap. Kapansin-pansin ang kanilang paglalambingan na parang ngayon lang nagkita.
Nang makauwi sa bahay ay niyaya ko silang dalawa na pumasok muna sa loob na kanila namang pinaunlakan. Kasalukuyang nagwawalis sa labas si nanay nang dumating kami.
"Narito na po ako nay."
"Oh anak ano nangyari sa lakad mo?"
"Ok na po ang lahat. Siyanga po pala, kasama ko sina Dina at ang boyfriend niyang si Elmer." ang pagpapakilala ko sa kanila.
Tinignan ni nanay si Elmer na nakaakbay kay Dina.
"Siya pala ang boyfriend mo. Aba kay gandang lalaki naman pala nito ang swerte mo ha."
"Opo Tita. Siya po si Elmer."
"Oh siya, doon na tayo sa loob at ipaghahanda ko kayo ng meryenda."
Magkatabi sa mahabang sofa sa sala sina Dina at Elmer. Habang hinihintay ang meryenda ay pinagpatuloy namin ang kwentuhan.
"Kailan kaya tayo titirang dalawa sa ganitong klaseng bahay?" ang tanong ni Dina sa kanya habang nakasandal ang ulo sa matipunong balikat nito.
"Malapit na babe. Kaunting tiis na lang haha..." ang natatawang tugon ni Elmer.
Nagkatitigan silang dalawa, at base sa aking nakikita sa kanilang mga nagniningning na mga mata ay masasabing mahal talaga nila ang isat-isa.
"Uy friend, kanina mo pa kami pinagmamasdan ha... Naku naiinggit ka ba sa amin?" ang tanong ni Dina sabay smack sa lips ni Elmer.
Ikinabigla ko naman ang tanong niyang iyon. Umiling ako bilang sagot.
"Alam mo Dina, sa totoo lang di pa rin ako makapaniwala sa relasyong niyong dalawa." ang deretsahan kong pahayag.
Si Elmer ang naman ang sumagot. "Naikwento na rin sa akin ni Dina ang mga nangyari sayo noon kaya I understand kung bakit mo nasasabi yan."
Tumingin muna siya saglit kay Dina bago magpatuloy. "Alam ko ring pinag-iingat mo siya sa akin at laging binibigyan ng paalala. Again I understand dahil kaibigan mo siya."
Medyo napahiya naman ako sa aking narinig, ang inisip ko na lang ay mabuti na rin na alam niya iyon para sa kapakanan ni Dina.
"I love your friend very much...siya na ang aking True Love at para mabawasan yang pagdududa mo ay may aaminin ako sayo."
Nagkaroon ako ng interes sa susunod niyang sasabihin kaya hiniyaan ko siyang magpatuloy.
"Im also gay like you... sinasabi ko ito dahil gusto kong malaman mo na totoo ang nararamdaman ko kay Dina."
Kahit papaano ay may pagdududa pa rin ako sa kanyang pag-amin dahil hindi naman halata sa kilos at itsura niya ang ganoon.
"Ano ka ba Andrew, buksan mo na ang mga mata mo sa realidad. Uso na ngayon ang mga tinatawag na discreet. Adan ang panlabas na anyo ngunit ang puso ay Eba. Sa TV nga lang ang dami nang mga lalaking paminta or nagpapanggap na straight sila." ang pagsingit naman ni Dina.
"Tama ka..." ang aking pagsang-ayon. Naisip ko kasing gawing halimbawa ang aking sarili sa mga taong tinutukoy ni Dina. Bakla rin ako pero hindi ko trip kumilos at magbihis ng mga pangbabaeng damit.
"Buti naman at naliwanagan ka. So... this time I hope na magkabalikan na kayo ni Papa Bryan."
"Kayong dalawa ang pinag-uusapan natin ah. Bakit biglang napasok dito si Bryan?" ang agad kong tanong sa kanila.
"Its because he is related to our topic."
Nakuha ko na ang ibig sabihin ni Dina.
"So ang gusto mong palabasin na si Bryan ay isang gay din?"
"Ang shunga mo naman, ngayon ka pa nagtanong ng ganyan grabe. College days pa lang natin alam na ng buong campus na may gusto siya sayo!"
"Sorry naman diyan... alam ko yun ano. Ang iniisip ko lang naman kasi na magkaiba sila ni Elmer."
"Ano naman ang pinagkaiba nila?"
Nag-isip ako saglit bago sumagot.
"Sa sitwasyon pa lang ay magkaiba na sila. Buo ang pagmamahal sayo ni Elmer, samantalang si Bryan ay hindi. May anak na siya kay Sarah ayon kay Troy. Ibig sabihin attracted pa rin siya sa babae dahil nagawa niyang makipagsiping dito."
"Pero ikaw ang pinili niya at sinasabing mahal niya."
"Hes right." ang pagsingit ni Elmer. "Actually I met Bryan twice. At sa aming first encounter ay nakita ko sa kanya na isa siyang mabuting tao. Nung ipakilala ako ni Dina sa kanya bilang kanyang boyfriend, kita ko sa mga mata niya ang lungkot. Nagulat nga ako nang sabihin niya na naiinggit siya sa amin at inaming katulad ko rin siya."
"Ewan ko ba... Naguguluhan pa rin ako."
"Dahil kay Sarah? Naiintindihan kita friend. Pero ito na lang ang masasabi ko sayo ngayon at pag-isipan mo itong mabuti. Anuman ang nangyari kay Papa Bryan ngayon, hindi pa rin nagbago ang nararamdaman niya sayo. Isipin mo na lang ang mga ginawa niya sayong pagtulong tulad ng sa kaso ng nanay mo, tandaan mo friend na hindi iyon gagawin ng ibang taong hindi mo naman kaanu-ano nang walang dahilan. You are lucky with him dahil handa niyang gawin ang lahat para sayo."
"Nung malaman kong siya ang nagbigay ng tulong kay nanay at nagtapat na mahal pa rin niya ako ay inisip ko na ang bagay na yan."
"Iyon naman pala, baka siguro naman ngayon ay bigyan mo ulit siya ng second chance. At ngayong magkasama na kayo sa iisang bubong, ay may pagkakataon na kayong magkalinawan."
Sa puntong iyon ay napaisip na ako sa aking narinig kay Dina. Sapat na ang mga nakitang kong efforts niya kung pagbibigyan ko siya at marahil ay mas magiging masaya ako. Pero may pumipigil pa rin, ang pangako ko sa aking sarili. Inaalala ko pa rin si Sarah, ang kanyang anak pati na rin ng kanyang ina. Kung ipaglalaban ko siya gaya ng suggestion ni Dina, tiyak na talo pa rin ako sa huli.
Natigil ang aming seryosong usapan sa pagpasok ni nanay dala ang aming meryenda.
__________
Lumipas ang mga araw na naging maayos ang takbo ng aming buhay. Iniisip ko nga na para na kaming isang pamilya. Ngunit sa kabila ng aming masasayang pag-uusap ay naroon pa rin sa aking isip ang mga bagay tungkol kay Bryan. Dahil sa nakatira nga kami sa kanyang bahay ay mas nakilala ko pa siya. Doon ko nakita ang iba pa niyang katangian. Alam kong mas nagpupursige siya na magkabalikan kami.
At sumapit na nga ang panahon ng pasukan. Maaga akong gumising. Pagbaba ko ay nakita ko si Bryan na nakahubad pang-itaas na natatakpan ng apron habang abala sa pagpapatong ng kanyang mga nilutong agahan sa mesa samantalang si nanay ay nakaupo lang.
"Oh anak tamang-tama, aakyat na sana ako para gisingin ka. Nagpresinta na si Bryan na ipagluto ka." ang sabi ni nanay sa akin.
"Good Morning Andrew. Tama si nanay. So, tara kumain na tayo." ang masiglang bati sa akin ni Bryan.
"Masarap ba Andrew?" ang tanong sa akin ni Bryan matapos kong tikman ang lahat ng kanyang mga niluto.
"Oo masarap. Marunong ka na palang magluto ah."
"Mga simpleng prito lang naman at madaling matutunan. By the way, ihahatid kita ngayon sa school mo."
"Ok."
__________
"Kapag nagtext o tumawag ako sayo ay sagutin mo agad ha. Agad mong ipaalam sa akin in case na may mangyari sayo doon. Isumbong mo sa akin ang sinumang mangbubully o mang-aaway sayo ha." ang bilin sa akin ni Bryan habang nagmamaneho ng kanyang kotse.
"Yes boss." ang nakangiti kong tugon.
Napansin naman ni Bryan ang paraan ng pagsagot ko.
"Oh anong nakakatawa?" ang tanong niya sa akin.
"May naalala lang ako sa sinabi mo. Kung makapagsalita ka, parang hindi ka nangbully noon ha. Tigasin at siga ka pa nga ng campus noon."
"Thats true. But my bad image in the past has changed because of one person I love, at ikaw iyon Andrew."
Sa pagkakataong iyon ay inulit na naman niya ang madalas niyang sinasabi, ang kanyang nararamdaman.
"Alam ko na yun kaya hindi mo na kailangan pang ulitin." ang sabi ko sa kanya.
"Paano naman kasi, ayaw mo pa ring aminin sa akin na mahal mo pa rin ako."
"Yan ka na naman... Bilisan na nga natin baka ma late ako." ang nasabi ko na lang sa kanyang mga banat. Hindi naman sa iniiwasan ko ang tungkol sa isyu na iyon. Hindi pa talaga ako makapagdesisyon dahil hanggang ngayon ay naguguluhan pa rin ako.
"Ok." ang kanyang simpleng tugon at itinuon na ang kanyang atensyon sa pagmamaneho.
Makalipas ang ilang minuto ay nakarating na kami sa unibersidad.
"Ingat ka. Mag-aral ng mabuti ha at yung mga sinabi ko pa kanina wag mong kalimutan." ang sabi niya sa akin bago ako lumabas ng kotse. Tumango ako bilang pagsang-ayon.
Hinintay ko munang umabante ang kotse ni Bryan at nang maglaho na ito sa aking paningin ay pumasok na ako sa loob ng gate kasabay ng iba pang mga estudyante.
Ilang minuto ang lumipas nang marating ko ang classroom ng una kong klase. Pagkapasok ay umupo ako sa bandang likuran. Habang hinihintay ang aming prof ay pinagmamasdan ko ang aking mga maiingay na kaklaseng nagdadaldalan na obvious naman dahil nasa block section sila. Nanatili na lang akong tahimik na nakatingin sa bintana.
Maya-maya lang ay may narinig akong tunog ng silyang tumunog tanda nang may umupo sa aking tabi.
"Hi!" ang sabi niya na dahilan upang mapatingin ako sa kanya.
Isang lalaki pala ang tumabi sa akin. Nagtataka man sa kanyang biglaang approach ay hindi ko naiwasang pagmasdan ang kanyang itsura. Bagamat bakas ang pawis sa kanyang mukha at uniporme ay kitang-kita ang gandang lalaki nito. Kahit nakaupo ay alam kong matangkad ito. Amoy ko rin ang kanyang pabango.
"Hi!" ang nakangiti ko ring pagbati sa kanya.
"Irregular student ka rin right?" ang kanyang tanong sa akin.
"Ah...oo"
Parehas pala tayo." ang nakangiti niyang pahayag. "By the way Im Henry." ang kanya namang pagpapakilala sabay lahad ng kamay.
"Ako naman si Andrew." ang aking tugon at nakipagkamay sa kanya.
"I already know your name." ang sunod niyang sinabi na ipinagtaka ko.
Itutuloy....
thanks sa update. sana po tuloy-tuloy na to. salamat.
ReplyDeletebharu
thank you sa update kay tagal ko tong hinintay.....
ReplyDeletesugarangitawagmosakin
Another guy henry huhuhuhuhu..
ReplyDeleteHEHE SA WAKAS UPDATE NA RIN TAGAL DIN AKO ANG AANTAY NITO HEHEHEH SALAMAT.. MORE UPDATE PA BOSS.....
ReplyDeletesalamat author at pinagpatuloy mo na ang pagupdate nito.... antay ako ng antay kaya ng update kahit sinabi mong itigil mo muna. sana tuloy tuloy na. don't be distracted by "unkind" critics kuno.
ReplyDeleteWelcome back daredevil...natuwa ako at nagbalik ka na..tagal ko hinintay ang UD mo...pero bawing bawi namn dahil mahaba sya ngayon...sana tuloy tuloy na ang UD mo.
ReplyDeletetinutukan ko talaga ang stories mo especially ang campus trio at true love.. still waiting sa updates.. super ganda po talaga Mr. Author... looking forward to your updates.. thumbs up ang stories....
ReplyDeleteicycolt