Friday, September 30, 2011

CAMPUS TRIO Part 9

"Anong oras tayo babalik ng Manila?" ang tanong ni Andrew kay Bryan na kasalukuyang nagpupunas ng basa nitong katawan. Kakatapos lang ng kanilang swimming.
"Ang kulit mo naman Andrew. Sabi ko naman sa iyo na hindi pa tayo uuwi." ang sagot ni Bryan sa kanya.
"Ano pa ba ang gagawin natin ngayon?"
"Mamamasyal tayo. Lilibutin natin ang buong Baguio."

Gusto mang tumutol ni Andrew ay hindi na niya itong nagawa pa. Una hindi naman siya mananalo kay Bryan at pangalawa ay parang nagugustuhan na niya ang ginagawa nito sa hindi malamang dahilan. Sa nakikita niya ay wala pa namang ginagawa sa kanyang masama yung tao.

Matapos maligo ay naghanda na sila para sa pag-alis. Simpleng semi-fit na white t-shirt at pants ang sinuot ni Bryan. At dahil sa walang damit si Andrew ay pinahiram muna siya nito ng susuotin.

"Pagpasensyahan mo na kung medyo maluwag sa iyo."
"Ok lang." ang nasabi na lang ni Andrew. Sinuot niya ang inabot nitong blue na shirt at walking shorts na may kasamang belt. Sa loob niya ay may tuwa siyang nararamdaman dahil sa nakapagsuot siya sa unang pagkakataon ng ganoong klaseng damit.
"Magpataba ka kasi para naman magkalaman ka kahit papaano."
"Ang yabang naman nitong magsalita. Sige na ikaw na ang macho."
"Sinabi mo pa." ang sagot ni Bryan sabay flex ng kanyang muscles sa braso.

Napapangiti na lang si Andrew sa ginawang iyon ni Bryan.
_______
Gamit ang kotse ni Bryan ay una nilang pinuntahan ay ang Mines View Park, ang pinaka popular ng lalawigan. Nang marating nila ang lugar ay hindi naitago ni Andrew ang sobrang saya dahil sa unang pagkakataon ay nakita niya ng personal ang isang tanawin na sa larawan lang niya nakikita.

"Mabuti naman at nagustuhan mo" ang sabi ni Bryan kay Andrew nang mapansin nito ang todong pagngiti ng kasama.
"Oo, ngayon lang kasi ako nakapunta dito." ang sagot ni Andrew. "Dati sa mga pictures ko lang nakikita ito."
"Mabuti naman at nagustuhan mo. Kita mo na, Mabuti na lang at sumama ka sa akin kung hindi... wala kang makikitang ganitong tanawin."
"Oo na. Thanks ha." 
"So ngayon may utang ka sa akin ha."
Napatingin naman si Andrew sa kanya. "Anong utang?"
"Pinasaya kita ngayon kaya bilang ganti mo sa ginawa ko ay dapat pasayahin mo rin ako."
"Ganun ba? E paano magiging utang iyon, ikaw ang nagkusang mamasyal dito?"
"Ah basta may utang ka sa akin. Ngayon pa lang mag-isip ka na kung paano mo ako pasasayahin."
"Hmmm..."
"Wala ka maisip?" si Bryan na inakbayan si Andrew ng kanang braso nito. "May idea ako."
"Ano naman yun?"
"Mamaya pag-uwi natin ng resthouse dun sa kwarto ko." ang pabulong nitong pahayag. "Alam mo na siguro yun." ang pagpatuloy nito sabay himas niya sa balikat nito gamit ang nakaabay pa ring braso.

Saglit na natahimik si Andrew para isipin ang sinabi nito.
"Hoy ang halay mo naman!!!" ang nasabi na lang niya sabay tanggal ng braso nito.
"Bakit? Pinagpapantasyahan mo ang katawan ko di ba kaya kung ako sa iyo I will grab the opportunity. Dont worry hindi naman ako magagalit eh."
"Assuming ka masyado Bryan. Hindi talaga kita pinagpapantasyahan!"
"Ah basta maghihintay ako Andrew."
"Hay ewan ko sa iyo." sagot nito sabay alis. Hinabol naman siya ng nakangiti pa ring si Bryan.

Halos isang oras silang naglibot sa buong park. Magdidilim na nang magpasya silang umuwi. Bago nila lisanin ang lugar ay bumili sila ng ilang souvenir at pasalubong tulad ng walis, basket, peanut brittle, kumot at sweater.

"Sandali lang balik muna tayo" si Bryan habang naglalakad sila palabas ng parke.
"Bakit na naman gabi na oh. Ang dami pa ng bitbit natin." ang reklamong tugon ni Andrew.
"Basta tara na bilis."

Wala nang nagawa pa si Andrew dahil sa paghila nito sa kanyang braso. Binalikan nila ang isang tindahan doon ng mga silver na alahas.

"Bigyan mo ako ng dalawa nito Miss." Ang sabi ni bryan sa tindera.
"Iyan lang pala ang bibilhin." ang pabulong na sabi ni Andrew sa kanyang sarili.
"Miss bigyan mo rin ako ng pendant na letter A at B." ang dagdag na binili ni Bryan.
Sa isip ni Andrew,  "Aba mukhang may pagbibigyan siya ah." 
"Maganda ba Andrew." ang tanong niya matapos bayaran ang mga binili.
"Pwede na." ang matipid niyang tugon. Ngunit ang totoo ay nagandahan talaga siya sa binili nito. Naisip niyang  magaling pala si Bryan sa pagpili ng mga ganoong bagay. Hindi lang halata sa personalidad nito.
______
"Alin ba ang sa iyo dito ang dami kasi nito eh?" ang tanong ni Andrew sa nagmamanehong si Bryan.
"Wala."
"Ano sabi mo ha wala?"
"Oo. Sayo lahat yan Andrew, regalo ko."
"Ows di nga." ang tila di makapaniwalang tanong ni Andrew. "Ibibigay mo to, impossible yata yun, baka mamaya pala pabayaran mo lahat ito sa akin."
"Dont worry. hindi utang yan. Alam ko namang wala kang kakahayan na magbayad."
"Ang yabang naman nito. Sige ikaw na ang mayaman."
"Oo, mayaman at gwapo." ang nakangiting pahayag ni Bryan na may kasamang pagkindat.

Sa di malamang dahilan ay nakaramdam ng kilig si Andrew. Wala siyang tutol sa huling pahayag nito dahil sa totoo talaga iyon. He got the looks of a perfect man ika nga kaya may karapatan siyang magyabang.

"See napapangiti ka dyan dahil totoo di ba tsk." ang nakangising si Bryan.
"Oo na." ang nasabi at pag-amin na rin ni Andrew."
"Swerte mo talaga kung sakaling maging...." si Bryan na saglit huminto.
"Ano?"
"Hmmm.... tayo."
"Hays. Tayo ka dyan." si Andrew. Hindi nya maintindihan, parang hindi na siya naiinis pa sa mga ginagawa nito na tila inaakit siya.
"Hehehe... So Gutom ka na ba, tara kain muna tayo sa SM bago bumalik sa bahay."

Pagkarating sa mall ay dumeretso sila sa isang kilalang fastfood chain.
"Ano gusto mo?"
"Chicken na lang sa akin."
"Yun lang ba? Sige humanap ka na ng mauupuan natin."

Hindi naman siya nahirapan sa paghahanap ng mesa dahil sa kaunti lang ang kumakain sa mga oras na iyon. Habang naghihintay ay nagbalik-tanaw siya sa naging pakikitungo sa kanya ni Bryan. Naisip niya na wala pang ginagawang hindi maganda sa kanya ito. At masasabi niya na mabait din pala itong tao tulad ni Troy.
"Teka nga bakit ganoon yung naiisip ko." ang napapailing na sabi ni Andrew sa sarili. Pakitang-tao lang yan sa susunod may hidden agenda siya sayo Andrew. Huwag agad magtiwala. Paghandaan mo ang gagawin niyang resbak sayo!" ang pangungumbinse niya sa kanyang sarili.

Maya-maya lang ay dumating na si Bryan dala ang kanilang order.
"Ang dami naman, mauubos ba natin lahat yan." si Andrew na nabigla sa mga pagkaing dala nto.
Umupo si Bryan sa tapat ni Andrew. "Hindi natin. Ikaw. Oh ito, ubusin mo lahat yan para tumaba ka."

Binigay ni bryan sa kanya ang Chicken na may tatlong extra rice, large fries, dalawang cheeseburger, isang spaghetti at large softdrinks. Samantalang ang natira kay Bryan ay isang hamburger lang with ice cream.
"Hindi ko mauubos to."
"Dapat mo ngang ubusin yan para tumaba ka. Para naman madagdagan yang timbang mo.
Sa tingin ko mas magaan ka pa kasi kaysa sa mga binubuhat ko sa gym. Ni hindi nga ako pagpapawisan kung sakaling buhatin kita."
"Ang yabang mo talaga."
"Totoo naman di ba? Tignan mo nga yang katawan mo wala man lang kalaman-laman."
"Meron kaya, hindi naman ako ganoon kapayata ano." ang pangangatwiran ni Andrew.
"Ewan ko sa iyo Andrew. Sige na ubusin mo na yan."

Habang kumakain si Andrew ay napansin niya ang ginagawang pagtitig ni Bryan sa kanya.
"Bakit ka nakatingin sa akin?" ang medyo naiilang na tanong ni Andrew sa kanya.
"Wala lang." ang nakangiti nitong sagot. Ngunit iba talaga ang nasa isip niya.
"Wala daw. Kainin mo na kaya yang pagkain mo." si Andrew nang mapansing hindi pa nababawasan ang pagkain ng kausap.
"Ok lang ako. Sige kumain ka lang. In case na kulangin ka ibibigay ko na itong inorder ko sa iyo."
"Ano sabi mo? anong palagay mo sa akin matakaw?"
"Ikaw ang nagsabi niyan hindi ako" ang nakangisi nitong tugon. "Pero seriously, gusto ko talagang kumain ka ng marami."

Matapos kumain ay umuwi na ang dalawa.
"Nag-enjoy ka ba ngayong araw?" ang tanong ng nagmamanehong si Bryan.
"Ahm. Oo, pero hindi ko pa rin kasi maiwasang mag-alala kay nanay."
"Mahal mo talaga nanay mo ano."
"Oo naman, simula nang mamatay si tatay, siya na ang nag-alaga sa akin.Kahit marami na siyang nararamdaman sa katawan niya at nanghihina, patuloy pa rin siya sa paghahanap-buhay para lang may makain kami. Kaya ako talagang sinikap kong makuha ang scholarship nang sa gayon makapagtapos ako ng pag-aaral."
"Ganoon ba."
"Siyempre bukod sa pag-aaral, tinutulungan ko na rin si nanay sa paghahanap-buhay."
"Sa edad mong yan nagtatrabaho ka na rin?"
"Oo, sa umaga bago pumasok ay nangangalakal ako."
"Anong nangangalakal?"
"Ay mayaman ka nga pala kaya hindi mo alam." ang nasabi ni Andrew sabay ngiti ng pilit. "Nangongolekta ako ng mga dyaryo, bote at iba pang gamit na maaaring ibenta sa junkshop."

Napansin na lang ni Bryan ang pagiging seryoso ni Andrew. Lingid sa kaalaman ng kausap ay nakakaramdam na siya ng awa sa kanya. Sa panig naman ni Andrew, hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit ganoong kadali ang mag open ng kanyang buhay sa isang taong tulad ni Bryan na hindi pa niya lubusang kilala.

"Bakit natahimik ka dyan?" ang tanong ni Andrew sa kanya.
"May naisip lang ako. Nacurious kasi ako sa trabaho mo."
"Ows di nga." si Andrew na di makapaniwala sa sagot ni Bryan.
"Oo, parang gusto kong subukan kung ano man yang ginagawa mo."
"Nice naman, ang galing mo namang magbiro ah. Imposible naman na isang mayamang tulad mo ang susubok sa hanapbuhay ng isang mahirap."
"Hindi ito joke Andrew."
"Talaga lang ah.
"Oo. this weekend sasama ako sa iyo."
"Bahala ka nga dyan. Ngayon pa lang naiisip ko na susuko ka kaagad"
"Im not the type of person na susuko agad Andrew. Nakikita mo ba ito?" si Bryan na nagflex ng muscles sa kausap.

Natawa na lang si Andrew sa kanya.
______
Kinabukasan ay maaga silang bumiyahe pabalik ng Maynila. At dahil sa haba ng oras ng biyahe ay di na naman sila nakapasok sa araw na iyon.

"Tatlong araw na akong absent. Marami na akong namiss na lesson at tests." ang nababahalang pahayag ni Andrew.
"Iyon lang ba ang pinoproblema mo." Hayaan mo ako ang bahala." si Bryan sabay kindat sa kanya.
"Siya daw bahala. Sige nga sabihin mo kung ano ang gagawin mo."
"Basta. Secret muna."
"Ewan ko sa iyo.

Makalipas ng ilang minuto ay nakaiglip si Andrew. Si Bryan naman habang nagmamaneho ay panay ang sulyap sa kanya. Muli ay napapangiti siya sa kanyang nakikita.
"Andrew ang cute mo talaga." ang gigil na pahayag ng kanyang isip. "Hayaan mo simula ngayon palagi mo na akong makakasama.
Hinubad niya ang suot na jacket upang ikumot kay Andrew. Lihim niyang hinalikan ang noo nito.
______
"Gising na Andrew nandito na tayo." ang pangangalabit ni Bryan sa kanya.
Pupungas-pungas na pinagmasdan ni Andrew ang paligid.
"Nandito na pala tayo sa amin. Teka paano mo nalaman ang tirahan ko?"
"Ah basta. Tara kunin na natin ang mga pasalubong sa compartment." si Bryan na lumabas ng kotse.

Tulad ni Troy habang naglalakad sila ni Bryan ay nakikita ni Andrew ang pagtitig ng mga kapitbahay niya sa kanyang kasama. At ang mas kapansin-pansin ay mas marami ang pagtili at kilig ang kanyang naririnig sa kanya kung ikukumpara kay Troy.

"Oh bakit ayaw mo pang kumatok?" ang tanong ni Bryan nang mapansing nakatayo lang si Andrew sa tapat ng pintuan ng kanyang tirahan.
"Nababahala ako na baka pagalitan ako ni nanay."
"Yun lang pala. Sige ako na ang kakatok."

Akmang kakatok siya nang pigilan ito ni Andrew. "Huwag na. Ako na lang."

Nang buksan ang pinto ay  napansin niya ang ina na nag-aayos ng higaan.
"Nandito na po ako. Nay patawarin niyo po ako kung di ako nagpaalam." ang agad na sinabi ni Andrew sabay lapit sa ina at lumuhod ito.
"Ok lang iyon anak. Naiinggit nga ako sa iyo dahil nakarating ka na sa Baguio."
"Hindi kayo galit nay. At paano niyo nalaman na dun ako nagpunta?" ang di makapaniwalang reaksyon ni Andrew sa pahayag ng ina.
"Bakit ako magagalit. Kampante naman akong nasa maayos ka. Nagpunta dito ang isa mong kaibigan kahapon, hinahanap ka at sinabi kong di ka pa umuuwi. Ayun nabanggit niya sa akin na nasa Baguio ka pala.
"Ganoon po ba." Naisip na ni Andrew na si Troy ang tinutukoy nito.
"Ay teka anak. Siya ba yung kasama mo?" ang tanong ng kanyang nanay nang mapansin si Bryan na nakatayo sa labas.
"Ah oo nga po. Siya po pala si..." ang pagpapakilala sana niya kay Bryan na di natuloy sa biglaang pagpasok nito.
"Bryan po. Ako ang bestfriend ng anak niyo." ang nakayuko niyang pagpapakilala. Tulad ni Troy ay halos sumayad na ang ulo nito sa kisame ng kanilang bahay dahil sa tangkad nito.
"Naku iho ang tangkad mo naman. Upo ka muna. Pasensya ka na at mababa lang ang kisame namin."
"Ayos lang po nay. Siya nga po pala ito pala yung mga pasalubong namin ni Andrew sa inyo."
"Nay agad?" ang bulong ni Andrew nang marinig ang pagtawag nito sa kanyang ina.
"Naku ang dami naman nito salamat iho." ang pahayag ng ina ni Andrew nang kunin nito ang mga binili nila sa Baguio.
"Natutuwa ako at nakakita agad si Andrew ng mababait na kaibigan sa school."
"Naku nay hindi..." ang pagkontra sana ni Andrew nang magsalita ulit si Bryan.
"Salamat po nay. Ako rin po ay natutuwa at nakilala ko ang isang mabait na tao tulad ni Andrew. Sa totoo lang po ay madali siyang kaibiganin." si Bryan sabay tingin kay Andrew at kinindatan ito.

"Walang hiya to, nagmamalinis pa." ang nasabi ni Andrew sa kanyang sarili.
"Ngayon makakahinga na ako ng maluwag. Hindi na ako mag-aalala sa kaligtasan ng anak ko dahil may mga kaibigan na siya."
"Hayaan niyo po nay, Makakaasa po kayo na bilang kaibigan niya ay babantayan ko siya." ang nakangiting si Bryan sa kanyang ina.
"Maraming salamat iho, alam ko naman na mabuti kang tao dahil kahit mayaman ka ay kinaibigan mo ang anak ko na salat sa buhay."
"Wala po sa akin kung mahirap siya o mayaman, ang importante sa akin ay ang kabutihan ng anak niyo."

Hindi na nagawa pang magsalita ni Andrew, napapailing na lang siya sa mga pambobola ni Bryan sa kanyang ina.

Itutuloy...

5 comments:

  1. Ako ay nabitin..hehehe..abangan ko next update mo!

    ReplyDelete
  2. ano ang ibig sabihin nito? ....
    next chapter na po!!!!....

    ReplyDelete
  3. ang ganda naman ahh, sana mau update agad

    ReplyDelete
  4. natawa sa laging pagfflex ni bryan :) nice! excited for the next one:)

    ReplyDelete
  5. woohh..!!!

    thanks for the update..

    really great story.. kiligness..!!

    God bless.. -- Roan ^^,

    ReplyDelete