Saturday, April 23, 2011

MAHAL KITA Part 6

Sumampa na kami sa maliit niyang kama at simulan ang paggawa ng assignment. Pinaliwanag niyang muli sa akin ang mga tinuro ng aming guro kanina. Nabilib naman ako sa kanya. Talaga ngang matalino siya. Hindi ko na naman tuloy maiwasang maikumpara siya kay Trisha.
"Bagay talaga silang dalawa." ang nasabi kong muli sa aking sarili.

Kahit papaano naman ay pinilit ng utak kong iabsorb ang mga paliwanag niya sa akin kaya nasagutan ko naman ang aming assignment. Makalipas ang isang oras ay natapos na ito. Dahil nga sa hindi na maganda ang aking mood ay nagpaalam na agad ako para umuwi. 

"Sige uwi na ako salamat" ang sabi ko sa kanya.
Tumayo na ako sa kanyang kama, kinuha ang aking notebook at naglakad palabas ng kanyang kwarto. Aktong papalabas na ako ng pintuan nang bigla niyang tawagin ang pangalan ko na naging dahilan para huminto ako saglit. "Josh"

Hindi na ako humarap pa sa kanya. "Uuwi na ako maaga pa tayo bukas." At tuluy-tuloy ko ng binuksan ang pinto at deretsong bumaba.

Mabilis akong naglakad pabalik ng aming bahay. Nang makarating sa aking kwarto ay agad akong humiga, iniisip ang mga nangyari sa buong maghapon.
"Kanina lang ang gaan na ng loob ko sa kanya pero biglaan na lang ako nainis muli sa kanya. Hindi ko maintindihan itong nararamdaman ko." sabi ko sa aking sarili.

Halos hindi ako nakatulog nang gabing iyon dahil sa gulo ng aking pag-iisip. Dahil dito ay naisipan kong tawagan si Lalaine. Nakalimang ring ang kanyang phone bago sinagot.

"Hello Josh, napatawag ka gabi na ah!"
"Ah eh pasensya ka na, hindi kasi ako makatulog, kung pwede sana kita puntahan diyan sa inyo kung ok lang"
"Sa ganitong oras! bakit ano na naman ang problema mo?"
"Basta, kaya nga pupunta ako diyanpara pag-usapan natin. Please wala lang kasi akong ibang masasabihan eh"
"Sige na hihintayin kita. Bilisan mo ha" ang kanyang pagpayag. Ganyan kabait si Lalaine sa akin kaya isa siya sa naging bestfriend ko sa school.
______

Nang makarating sa kanilang bahay ay agad kaming dumeretso sa kanyang kwarto. 

"Oh umpisahan mo nang ikwento yang ineemote mo"
"Bago yan eh may nais muna akong itanong sa iyo."
"Ano iyon?
"Kung nagkausap kayo ni Trisha kanina. Kung mayroon siyang nabanggit sa iyo"
"Bakit mo naman biglang naitanong ang mga bagay na yan?" ang nagtatakang tanong ni Lalaine.
"Ano kasi ahm paano ko ba to sasabihin?" ang nalilito kong sagot kaya napapakamot na lang ako ng ulo.
"Oh ano na sagot!" ang tila naiirita niyang pahayag sa hindi ko pagsasalita.
Kaya wala na akong nagawa kundi ang deretsuhin siya. "Yung tungkol sa sulat na inabot niya kay Tonton kanina"

Tiningnan ko ang reaksyon ni Lalaine sa pahayg kong iyon. Nahalata ko sa kanya na nakuha niya ang ibig kong ipahiwatig.
"Ah yun pala. Alam ko na curious ka sa nilalaman ng sulat na iyon."
Tinignan niya ng malapitan ang aking mukha." Siguro nagseselos ka ano"
"Hindi ah! Grabe ka naman makapag-isip diyan" ang may pagdepensa sa sarili kong sagot.
"Nagsisinungaling ka! Ni hindi ka nga makatingin sa akin ng deretso oh."

Nanatili ako sa pagkakayuko ng mga oras na iyon dala ng hiya sa mga sinabi niya.
"Naku ikaw talaga. Pilit ng pilit magtago ayan gulung-gulo na sa sarili. Alam mo, ikaw lang ang nagbibigay ng problema sa sarili mo"
"Tama ka friend kaya hindi ako makatulog dahil sa dami ng aking iniisip."
"Oh siya ikwento mo muna sa akin ang dahilan kung bakit mo naitanong ang tungkol sa sulat na iyon."

At ikinuwento ko sa kanya ang mga nangyari kanina sa bahay ni Antonio.
"Yun pala, eh bakit di mo siya tinanong"
"Ano ka ba nakakahiya yun at baka kung ano pa isipin nun sa akin"
"Ok. wala namang nasabi sa akin si Trisha at hindi ko alam kung ano ang nilalaman ng sulat na iyon. Basta ang narinig ko lang kanina sa pag-uusap nina Trisha kanina na may ibibigay siyang sulat sa kay Tonton. Base sa kanilang usapan, gusto nitong si Trisha na makipagkaibigan kay Tonton kaso nahihiya siya dahil may pagkasuplado daw ito. Mukhang may crush na yata siya sa kanya."

Sa sagot na iyon ni Lalaine ay nagkaroon agad ako ng hinuha na tungkol nga doon ang nilalaman ng sulat. Muli ko na namang naalala ang binanggit sa akin ng kanyang ina. Siguradong tatanggapin ni Tonton ang inaalok na pakikipagkaibigan ni Trisha at di malayong magkagustuhan silang dalawa.

"Friend kung makapag-isip ka naman eh parang apektado ka" si Lalaine na inoobserbahan pala ako.
"Hindi naman may naalala lang ako" ang sagot ko sa kanya. 
"Ano na naman ba iyon ha?"
"Naisip ko bigla na baka iyon nga ang laman nun. Sigurado akong tatanggapin niya iyon at di malayong magkadebelopan silang dalawa. Ayon kasi sa nanay niya na may pagkababaero siya" ang tila nanlalambot kong pahayag.
"Eh ano naman, walang masama kung maging sila. Lalaki siya kaya natural lang na magkagusto siya sa babae lalo na kay Trisha na pang pageant ang ganda at matalino pa."

Tila may tumamang sibat sa aking puso sa sinabi niyang iyon dahil tama siya. Wala naman akong magagawa kung mangyari iyon.
"Kaya huwag ka nang malungkot diyan. Sige ganito na lang bibigyan kita ng payo makinig kang mabuti" sabi niya sa akin. Tumingin ako sa kanya bilang pagpapakita ng interes sa kanyang ipapayo.

"Una sa lahat sasabihin ko na masaya ako dahil sa nakikita ko sa iyo ay tanggap mo na ang iyong pagkatao at alam mo na ang gusto mo sa iyong sarili. At base sa aking observation ay may lihim kang pagtingin kay Tonton."
"Hindi ah!" ang bigla kong pagsingit bilang pagdeny sa kanyang sinabi.
"Kung yan ang gusto mong sabihin fine. Pero alam kong hindi yang ang gustong sabihin ng iyong puso."
Napayuko na lang ako ng mga oras na iyon.
"Natatakot ka kasi. Huwag mong kasing isipin ang sasabihin o panghuhusga ng iba. Sa halip ipakita mo na hindi ka apektado. Lumaban ka. Tandaan mo na kapag natuto kang tanggapin ang sarili mo, maniwala ka naku walang hanggang kasiyahan ang mararamdaman mo. Isa pa Josh yung tungkol naman kay Tonton, para sa akin lang ha, kung maging kayo man in the future ay mabuti iyon pero sa ngayon ay malabo itong mangyari. Kaya dapat maging matatag ka. Wala ka nang magagawa kundi ang tanggapin na lang ang set-up ninyong dalawa bilang magkaibigan. Pasalamat ka na lang na nandiyan siya para samahan, gabayan at bantayan ka." ang mahabang payo niya na nakatulong kahit papaano sa akin.
_____

Habang nasa taxi pabalik sa bahay ay lubos kong pinag-isipan ang lahat ng sinabi sa akin ni Lalaine. Wala akong naging pagtutol sa mga payo niya sa akin bagkus nakatulong pa ito sa aking sarili. Kaya napagdesisyuan ko ang ilang mga bagay. Dapat ko nang baguhin ang aking saril. Pipilitin kong burahin sa isipan ng mga tao sa aking paligid ang imahe ng Josh na nakita nila noon.

Kinabukasan ganoon pa rin ang naging set-up namin ni Antonio, sabay pa rin kaming pumasok sa school. Pero sa pagkakataong ito ay medyo dumidistansya na ako sa kanya. Ayaw kong mapalapit ng husto sa kanya mahirap na baka ako lang ang masaktan sa huli. Kapag nagtatanong siya ay sinasagot ko naman ng maayos ngunit pormal lang. Kahit papaano, pinapakita ko sa kanya na hindi ako nagagalit o naiinis.

Pagkarating namin sa room agad na naman sumalubong sa akin ang pangangantsaw ng mga kaklase naming lalaki.
"Nandito na si Josh pati ng syota niya." sigaw ni Tom sa mga kaklase na dahilan upang tumingin sila sa amin.
"Mang-aasar ka na naman ba? Sige  ipagpatuloy mo lang kung yan ang magpapasaya sa iyo. Pero ito lang ang masasabi ko, ano ngayon kung bakla ako wala kayong pakialam ganito ako. Dito ako masaya." ang lakas ng loob kong pahayag sa kanila. Halos wala silang nasabi sa akin marahil ay sa pagkabigla sa pinakita ko.Si Lalaine naman ay nag thumbs-up sign sa akin.

Ngunit iba ang naging reaksyon ni Tonton. Nakita kong nakangiti siya sa akin. Pagkatapos ay inakbayan niya ako na para bang masaya. Hindi ko na ito pinansin pa.

Nakakailang segundo pa lang kami sa pagkakaup habang naghihintay ng aming guro nang tumayo si Tonton at pumunta sa unahang row at nilapitan si Trisha. Nakita kong binalik sa kanya ang sulat na ibinigay sa kanya kahapon. Pero gaya nga ng aking desisyon ay hindi ako nagpaapekto sa simpleng bagay na iyon.
______

Oras na ng recess, naglalakad ako kasama sina Tonton at Lalaine papuntang canteen nang salubungin kami ng mga grupo ng kababaihan kasama si Trisha.
"Hi Antonio, kakain ka na rin ba, tara sabay ka na sa amin" sabi ni Trisha sa kanya na para bang wala siyang nakikitang kasama niya.
"Thanks for the offer. Sama na rin natin sina Josh." ang nakangiting sagot ni Tonton. "Ano Josh, Lalaine sabay-sabay na tayong lahat?" ang dugtong niyang taong.

Tumingin ako kay Lalaine pagkatapos kay Trisha. Napansin ko ang kakaiba niyang pagtitig sa akin. Nakangiti siya pero mahahalata mong hindi totoo iyon. Parang ang taray pa rin tingnan. Marahil ay tutol siya sa mungkahi ni Tonton.
"Ah eh salamat na lang. Sige sabay ka na sa kanila. Kami na lang ni Lalaine ang magsasama. Tamang-tama lalabas kasi kami ng school para doon kumain at para narin bumili ng desert." ang sagot ko na lang sa kanya. Pasimple kong kinurot sa tagiliran si Lalaine para sumang-ayon.
"Oo. Madalas kasi naming ginagawa yan ni Josh. Tamang-tama kasi mainit ang panahon." si Lalaine.
"Ah eh ganun ba sige Josh kita na lang tayo mamaya sa room" ang sagot ni Antonio. Sa loob ko medyo nadismaya ako sa sagot niya. Inaasahan ko kasing tatanggihan na lang niya si Trisha at magpupumilit na sa amin sumama ngunit kabaliktaran ang nangyari.
"Ok good so lets go" ang nakangiting sabi ni Trisha. Alam ko na naging masaya siya sa sinabi ko.
______

Pinanindigan namin ni Lalaine ang sinabi namin kanina sa kanila. Kumain kami sa isang karinderya doon at pagkatapos ay bumili  ng tig-isang cornetto sa isang convenience store malapit sa school.

"Bilisan natin Lalaine puntahan natin sila sa canteen." ang sabi ko sa kanya.
"Oo alam ko hindi ka makatiis at gusto mo silang tignan doon" ang sagot niya sa akin.
"Hindi sa ganun may bibilhin rin kasi ako doon"
"Ewan ko sa iyo palusot ka pa. Pero naiintindihan kita"
"Huwag ka nang magsalita dyan tara dalian mo"

Binilisan na namin ang paglalakad hanggang sa makarating doon. Minungkahi niyang silipin muna sila mula sa labas. Kata tinignan namin sila mula sa bintana. Maswerte namang nakita agad namin sila. Lima silang lahat doon at masayang nagkukuwentuhan habang kumakain. Magkatabi silang dalawa ni Trisha. Inaamin kong hindi ko nagugustuhan ang nakikita at medyo nasasaktan ako.

"Hayaan mo na sila" ang sabi ni Lalaine.
"Oo, tignan mo bagay sila palibhasa may mga itsura at matalino" seryoso at may lungkot kong sagot.
"Nag-eemote ka na naman diyan. Tara na nga balik na tayo sa room." Hinatak niya ang kamay ko na dahilan upang mapilitan akong sumunod sa kanya.

Itutuloy...

7 comments:

  1. ayun ... update agad .. hehe ...
    HAPPY EASTER !! ...
    next chapter :))))

    ReplyDelete
  2. nice developments. thank you for updating this story. :) looking forward to see how the bida will handle the impasse he finds himself in :)

    good work here!!

    R3b3L^+ion

    ReplyDelete
  3. hi pwd malamn kung saan pa pwd manood ng indie films?? alam ko naka post na sa ANNOUNCEMENT:
    Apr 22, 2011 kso ayw ma open ng post po nyo d ko makita yung link salamat po!!:))

    ReplyDelete
  4. april 22 announcement kso nka post doon kso page not found na..pwd po paki ayos para maraming films at kwento ma panood at mabasa salamat po!

    ReplyDelete
  5. nice ganda nang chapter na to next chap na po.

    ReplyDelete
  6. nice namn..haha..ang sweet nila..

    ReplyDelete
  7. this chapter is very inspiring, josh stood up and face the reality of his life, a TRUE MAN, ganda ng chapter na to! nice one mr author, kudos!

    -josh

    ReplyDelete