Saturday, January 22, 2011

PANTASYA Special Part

Sa nakikita ko sa reaksyon ni Rico na nakukulangan pa siya sa aking mga pinaliwanag, na may nais pa siyang malaman ngunit natatakot lang na itanong sa kadahilanang masaktan lang siya sa aking magiging sagot. Sumagi na rin sa aking isip ang maaaring maging tanong niya sa akin.

Sa totoo lang, mas natatakot pa ako sa maaaring mangyari kapag tinanong niya ito. Ito na siguro ang maging simula ng pakikipaglayo niya sa akin. Hindi ko kasi kakayanin iyon lalo na't mahal ko siya.

Oo, mahal ko si Rico, hindi ba kapanipaniwala? Kahit ako rin ay naguguluhan sa aking pagkatao. Alam ko sa sarili ko na lalaki ako at maraming naghahabol sa aking mga babae ngunit nakaramdam ako ng ganito sa kapwa ko.

Bata pa lang si Rico ay sobrang gaan na ng loob ko sa kanya. Kaya nang malaman ko sa kanyang kuya Arthur ang totoo niyang pagkatao at ako ang kanyang  pinagpapantasyahan, hindi ko siya nakagawang pandirihan, o layuan. Sobrang natutuwa ako sa kanya noon at pinaggigigilan ko pa dahil sa pagkachubby niya.
Madalas nga namin siya pag-usapan ng kanyang kuya.

Lingid sa kaalaman ni Rico na madalas kaming mag-usap ng kanyang kuya habang nasa ibang bansa ako, palagi ko siyang kinukumusta sa kanyang kapatid. Sobrang lungkot ko kasi ng mga panahon na iyon. Umalis ako ng Pilipinas na hindi man lang nakapagpaliwanag sa kanya, na may galit siya sa akin. At nang malaman ko na nagkakamabutihan sila noon ni Jason ay sobrang nasaktan ako. Nakadagdag ito sa pasanin ko. Sumabay pa ito sa kamatayan ng aking ama.

Noon mga panahong din iyon pinagtapat ko kay Arthur ang pagmamahal ko para sa kanyang kapatid. At pinangako ko sa kanya na ako ang mag-aalaga sa kanyang ina lalo na kay Rico kapag nagpunta na siya ng Maynila.

Lihim sa kaalaman ng mag-ina ang pagbabalik ko ng Pilipinas dala ang napakabigat na responsibilidad. Kahit anak sa labas lang ako ng aking ama ay pinamana niya sa akin ang  pamamahala sa naiwan niyang negosyo dito. Iniisip ko ng mga oras na iyon  kung papaano ako haharap at magpapaliwanag kay Rico. Alam ko na mas nadagdagan pa ang galit niya sa akin sa biglaan kong pagkawala.

Sakto namang tinawagan ako ng kanyang kapatid at nanghingi ng tulong sa pagpapagamot ng kanyang ina na may sakit. At iyon ang nagbigay sa akin ng pagkakataon para makalapit ako sa mag-ina. Bumuo ako noon ng isang plano at para maisakatuparan ko ito ay kinausap ko si Mama. At ito ay ang akuin na siya ang nagbayad ng pang-ospital ng nanay ni Rico at bigyan siya ng trabaho sa aking kompanya. Kung ako kasi, siguradong tatanggihan lang ako ni Rico. Natuwa ako dahil naisakatuparan ko ito.

At nangyari na ang muli naming pagtatagpo ni Rico. Nang makita ko siya nung araw na nag-apply siya sa aking kompanya, mas tumindi ang aking nararamdaman para sa kanya. Ibang Rico na ang lumitaw sa aking harapan. Nawala na ang taba sa katawan, at ang hubog ng kanyang mga muscles ay katulad nang sa akin. Nang tinanong ko ito sa kanyang kapatid ay nalaman kong ako ang dahilan ng kanyang pagbabagong anyo. Tinanggap ko siya agad bilang aking personal assistant.

Kaya sinimulan ko na ang panunuyo muli sa kanya, na magkaayos kaming dalawa. Pero mukhang hindi ito naging effective nang makilala niya si Jerome, isa sa aking mga tauhan sa kompanya. Deretsahan kong sasabihin na nagseselos ako sa kanilang pagkakamabutihan. Kaya nang malaman ko na may kaugnayan sila ni Jason at di malayong mangyari ay maging sila ni Rico ay agaran akong gumawa ng desisyon na tanggalin siya.
Ngunit nagkamali ako dahil mas lalong nagalit sa akin si Rico. Sa pag-uusap namin ni Rico ay nalaman ko ang aking pagkakamali. Kinabukasan ay agad kong pinabalik si Jerome. Doon nakaisip ako ng paraan para kay Rico, ang mga kondisyong hindi na siya makikipag-usap kay Jerome kunh hindi naman tungkol sa trabaho, at sa akin na siya lagi sasama. Natuwa naman ako dahil wala siyang naging pagtutol.

Nang magsimula ito ay sobrang masaya ako. Iba pala ang feeling na kasama mo ang iyong mahal. Saglit mong malilimutan ang stress sa trabaho. Doon ko naisipang bigyan siya ng iphone na ayon sa kanyang kapatid ay gusto ni Rico.

Ang masaya naming sandali bigla na lang nagbagodahil sa isang tawag sa telepono. Alam ko nasaktang muli  si Rico. Naalala ko kasi na baka  isa sa mga dahilan nito ay nung gabing nasa kanila ako at may tumawag sa aking cellphone na tinawag kong baby. Siyempre malulungkot siya dahil naulit na naman iyon.

Ito ang hinihintay kong maging tanong niya sa akin. Natatakot man sa kanyang magiging reaksyon ay pinaghandaan ko na ito. Lakas-loob na akong aamin sa kanya.

4 comments:

  1. sana po everyday 2 days nag uupdate kao ng next part para tuluy tuloy ..
    ng eenjoy po ako :)

    ReplyDelete
  2. na miss ko talaga ang pantasya, lagi kong tinitingnan kung may update na...... salamat sa special ang ganda sana may chapter 18 na

    ReplyDelete
  3. waiting galore din ako kagaya nyo. How i wish na mapost na agad yung next chapter. Ty in advance sa author!

    ReplyDelete
  4. Next chapter na po plzs tnx gan datalaga nang patasya.

    ReplyDelete