Tuesday, December 14, 2010

TUKSO Part 15

Sa halip na kunin ko ang inaalok niya ay niyakap ko siya habang humahagulgol. Sa oras na iyon, hindi ko na inisip ang biglaan niyang pagsulpot dito at kung paano niya nalaman ang lugar na ito. Ang mahalaga ay nandito siya, bilang kaibigan. Nagpapasalamat ako kahit papaano ay may karamay ako sa aking pagdurusa.

"Sige ilabas mo lang yan" sabi niya sa akin habang hinahagodang aking likuran.
"Bakit lagi na lang ganito ang nangyayari sa akin, Allan? Sa lahat ng relasyong pinasukan ko, ito ang pinakamasakit. Ang tanga-tanga ko talaga, masyado akong naging mahina, madaling matukso" ang umiiyak ko pa ring pahayag.
"Huwag mong sisihin ang sarili mo, tao ka lang na nagkakamali rin at nagmamahal."
"Tama ka, isang malaking kahibangan ang pagpili ko kay Mike, ang ipaglaban ang pagmamahal ko sa kanya. Isinuko ko ang lahat ng aking pinaghirapan, tapos ito ang kapalit" Nakatingin lang siya sa akin.

Kumalas na ako sa pagkakayakap sa kanya at nagpatuloy. "Alam mo sobrang nadala na ako. Hindi ko siguro na kakayanin pa sa susunod na mangyari ulit ang ganito."
Pinunasan niya ng dala niyang panyo ang mga luha sa aking mukha."Tama na yan, ayokong nakikita kitang ganyan. Nasaan na ang nakilala kong Ricardo na malakas, masayahin, may paninindigan at determinasyon."

Naisip ko na may punto siya. Hindi dapat ako nagkaganito dahil sa pag-ibig, kahit pang ilang beses na akong nabigo. Nasaan na ang pangako ko sa sarili noon na hindi na ako magpapatalo sa tukso.

"Salamat Allan, kahit papaano, gumaan ang pakiramdam ko." ang nakangiti ko nang sabi sa kanya. Sinalaysay ko sa kanya ang buong pangyayari na naging dahilan ng paghihinagpis ko.

Matapos ng mahabang usapan, nagpasiya na akong umuwi. Sinamahan ako ni Allan. Habang naglalakad kami pabalik, hindi ko maiwasang kabahan, para bang may hindi magandang magyayari. Napansin niya ang pagkabahala ko.
"Ayos ka lang ba?" ang tanong ni Allan sa akin.
"Huwag kang mag-alala OK lang ako."

Nang makarating, "Halika Allan, pasok ka muna. Pagtitimpla kita ng kape" ang pagyaya ko sa kanya.
Napansin ko namang wala si Mike. Hindi ko rin nakita ang kanyang kotse sa labas. Naisip ko na magkasama sila ni Cynthia. Kahit nasasaktan, pinakita ko naman ang maayos na pag-entertain ko kay Allan bilang bisita.

Ilang minuto pa lang kaming nag-uusap nang may marinig akong taong pumasok. Alam ko na agad na si Mike iyon. Kita ko ang pag-iba ng timpla ng kanyang mukha nang makita si Allan.

"Bakit ka nandito?" ang pagalit niyang tanong.
Sasagot na si Allan nang bigla akong nagsalita. "Bisita ko siya Mike."
"Bisita, hindi ako naniniwala, talagang sinusundan ka niyan. Ikaw naman Allan, di ba nag-usap na tayo na lalayuan mo na si Ricardo. Pero ngayon, sinusundan mo siya. Paano mo nalaman ang lugar na ito?" ang sunud-sunod niyang tanong.
"Hindi ko pa nakakalimutan ang kasunduan natin at nangako sayo na hindi na ako magpapakita sa kanya. Pero sa tingin ko tama lang na puntahan ko siya dito. Kailangan ni Ricardo ng karamay ngayon." ang sagot ni Allan.
"Karamay, a..a...ano ang ibig mong sabihin?" si Mike na medyo naguguluhan na.
Muli pumatak na naman ang aking mga luha ngunit nakaya ko pa ring makapagsalita sa kanya ng deretso. "Mike, tama si Allan. Nagpapasalamat ako at dumating siya. Kahit papaano, gumaan ang pakiramdam ko"

Biglang naglaho ang galit ni Mike nang makita niya ang aking pag-iyak. Lumapit siya sa akin at lumuhod sa aking harap, palibhasa nakaupo ako. "May problema ka ba babes? Hindi mo na kailangang ipaalam mo pa ito sa ibang tao. Narito naman ako"

Akmang hahaplusin niya ang aking pisngi nang pigilan ko ito. Tinabig ko ang mga kamay niya. "Tama na Mike. Hindi ka makakatulong dahil ikaw! Ikaw ang problema ko." ang napalakas kong pahayag. Hindi ko na napigilan pa ang aking emosyon.
Tumayo ako at nagpatuloy. "Alam mo Mike, nagsisisi ako. Nagpakatanga ako. Hindi ko napanindigan ang pangako ko sa sariling hindi magpatalo sa tukso."
"Teka, hindi ko maintindihan" si Mike na tumayo na rin na nakaharap pa rin sa akin.
"Isang malaking pagkakamali ang ginawa kong desisyon, ang piliin ka, ang ipaglaban ang pamamahal ko sa iyo kapalit ng lahat ng mga pinaghirapan ko. Hindi naman lingid sa kaalaman mo ang mga masasakit kong karanasan sa mga nauna kong karelasyon. Isa ka rin pala sa kanila."
"Babes, kung tungkol ito kay Cynthia, magpapaliwanag ako. Please, pakinggan mo naman ako" si Mike na nagmamakaawa na.
"Ayoko na, masyado na akong nasaktan. Siguro, kailangan ko munang lumayo."
"Hindi!. Hindi! ako papayag. Pakiusap, pag-usapan natin ito. Alam kong maaayos natin itong dalawa." si Mike.
"Tama siya Mike, kailangan niyang lumayo para makapag-isip at para makapag move-on. Masyadong masakit sa kanya ang mga nangyari." ang pagsabat ni Allan.
"Huwag kang magsalita, hindi kita kinakausap!" ang galit na sabi ni Mike kay Allan.
"Pwede ba Mike, tumigil ka na. Allan, hintayin mo na lang ako sa labas. Mag-iimpake lang ako ng aking mga damit. Ilayo mo ako dito" sabi ko sa kanilang dalawa.

Agad akong pumunta ng kwarto. Habang nilalagay ko ang aking mga damit sa isang bag, hindi naman tumitigil si Mike na suyuin ako.
"Babes, please wag kang umalis. Hindi ko kaya na mawala ka. I love you" 
"I love you mo mukha mo! Hindi mo na ako mapipigilan pa. Ayaw mo ba nun, malaya na kayong magsasama ni Cynthia. Madalas na kayong makakapaglampungan sa gabi." ang pangbabara ko sa kanya.
"Hindi babes, sayo ako masaya. Mali lang ang naging interpretasyon mo sa mga nakita mo sa amin ni Cynthia kanina." ang pangangatwiran niya.
"Aba ako pa yata ngayon ang mali. Kung ikaw ang nasa katayuan ko ngayon, ano ang mararamdaman mo kapag nakita mo ang mahal mong may kasamang iba at sweet sa isat-isa, na masayang nagyayakapan."
Hindi siya agad nakasagot sa sinabi ko. Parang tinablan siya.
"Ano di ka makasagot? Tama ako di ba. Kaya pwede ba, wag mo akong pigilan"

Nang matapos sa pag-iimpake. Binuhat ko na ang aking bag. Bubuksan ko na sana ang pintuan ng kwarto nang bigla niya akong niyakap at hinalikan. Pilit nilalayo ko naman ang mukha niya sa akin sa pamamagitan nag pagtulak ko sa kanyang ulo. Ngunit sadya siyang malakas, di hamak na mas malaki ang pangangatawan niya sa akin kaya nagawa niya ang kanyang gusto. Wala na akong nagawa kundi tumugon.

Napaupo na lang kami sa kama. "Babes, please inuulit ko, wag kang umalis." sabi ni Mike matapos ang aming halikan.
"Mike saka pagbigyan mo muna ako sa aking kahilingan. Kung magpapatuloy pa ako dito, lagi kong maalala ang sakit, ang kalungkutan."
"Babes natatandaan mo ba ang nangako tayo sa isat-isa na hindi bibitaw na ipaglalaban ang ating pagmamahalan. Nasaan na ang pangako na iyon?" tanong ni Mike.
"Itanong mo yan sa sarili mo. Sige Mike, kailangan ko nang umalis." sabi ko sa kanya sabay takbo palabas ng pinto. Sakto namang nasalubong ko si Allan sa sala.
"Halika na, pupuntahan na sana kita e" si Allan.
"Sige tara na. Bilisan natin." sabi ko sabay  bigay ng bag. Nagmadali kaming lumabas at pumasok sa kanyang kotse.

Habang papalayo ang kotse, nakikita ko si Mike, na tumatakbong tinatawag ang aking pangalan. Nang tuluyang hindi makahabol, napaupo na lang siya sa kalye. Naluha muli ako marahil sa awa sa nakikita ko sa kanya. Pero kailangan kong panindigan ang aking desisyon.

Itutuloy......

No comments:

Post a Comment