Monday, December 20, 2010

PANTASYA Part 14

Mistulang naging estatwa ako ng mga oras na iyon. Hindi makagalaw dahil sa mga ginagawa niya sa akin, napapatulala sa kanyang kaakit-akit na mukha. Parang nasasarapan ako sa pagdikit ng kanyang mga kamay sa aking balat. Sa pagkakataong iyon ay hinayaan ko na lang siyang magpatuloy.

"Patawarin mo ako kung naging ganito ang inasal ko. Hindi kasi ako mapalagay kapag magkasama kayong dalawa" ang pahayag niya habang nakatingin pa rin sa akin.
Napaisip ako sa huli niyang sinabi na di daw siya mapalagay kapag magkasama kami. Tatanungin ko na sana siya kung ano ang ibig niyang sabihin nang magsalita siya ulit.
Hinawakan niya ang aking mga kamay. Huminga muna siya ng malalim bago nagpatuloy. " Alam ko nagtataka ka, kita ko sa mga mata mo kaya tatapatin na kita. Tinanggal ko siya dahil gusto kong ipaglayo kayong dalawa. Hindi ko kasi kaya na nakikita ko kayong nagkakamabutihan. Sana maintindihan mo"

Hindi pa rin naging malinaw sa akin ang mga sinabi niya. Parang nakukulangan ako sa kanyang mga paliwanag. Ayaw ko namang mag-assume na nagseselos siya dahil wala naman siyang binabanggit na gusto niya ako, kung meron man, napakaimposible nun dahil sa pagkakaalam ko ay may pamilya na siya.

Kinalas ko na ang mga kamay ko mula sa pagkakahawak niya. Tumayo na ako na sinundan niya.

"Sir, kung iniisip niyo na may relasyon kaming dalawa, nagkakamali po kayo. At saka kung meron man, hindi pa rin iyon dahilan para sesantihin niyo siya." ang deretsahan kong pahayag.
"Masyado na po yata kayong namemersonal. Kaya po gaya ng sinabi ko kanina ay magreresign nalang ako."
"Alam mo ba ang pinagsasasabi mo Rico. Sa pananalita mo pa lang, hindi mo na iniisip ang mangyayari sa hinaharap. Hindi mo ba alam kung gaano kahirap maghanap ng trabaho lalo na't hindi ka pa nakakapagtapos."

Sobrang nasapul ako sa mga sinabi niya. Tama siya. Kung tutuusin napakaswerte ko, nakakapagtrabaho kasi ako sa isang kompanya na mas mataas ang sahod sa minimum. Naisip ko si nanay, ang kanyang kondisyon. Dahil wala si kuya ay ako lang ang kanyang inaasahan. Wala kaagad akong naisagot sa kanya.

Napansin niya ang bigla kong pananahimik. " Am I right Rico? Nagmamalasakit lang ako sayo, sa pamilya mo. Pero naiintindihan kita kung bakit mo nasabi ang ganyang bagay.  Tama ka rin, dapat hindi ko hinahaluan ng mga personal na bagay ang trabaho. Hayaan mo bukas na bukas din ay pababalikin ko na si Jerome dito."

"Maraming salamat po Sir." ang bigla kong sambit ng marinig ang kanyang huling pahayag. Masaya ako para kay Jerome. Kahit papaano ay nasuklian ko ang lahat ng kabaitang pinakita niya sa akin sa pamamagitan nito.

"Walang anuman Rico. Dahil pinagbigyan kita e baka pwede naman sigurong ako naman ang humingi ng pabor sayo" ang sagot niya sa akin.
"Sige po kahit ano basta kaya ko"
"Ok. Rico, simula bukas ayoko nang makikipag-ugnayan ka pa sa kanya. Kung mag-uusap kayo ay tungkol lang ito sa trabaho. Ako lang ang dapat mong kasama. Kung iisipin mong pinipigilan ko ang pagkakaibigan niyo ay nagkakamali ka. Ayoko lang mauwi ulit ito sa mas mataas na level."

Isang palaisipan sa akin ang naging kondisyon niya lalo na yung huling pahayag niya. Kinutuban akong may nalalaman siya sa mga nangyari sa akin noon. Ibig  sabihin, naisip niya na baka magkadebelopan kaming dalawa. Wala na akong nagawa kundi ang pumayag sa gusto niya.

Pagkalabas ko pa lang ng kanyang opisina matapos ang aming pag-uusap ay agad kong tinawagan si Jerome para sabihin ang magandang balita.

"Talaga Rico, hindi ko alam kung bakit concern ka sa akin pero maraming salamat ha" agad niyang sagot sa akin matapos kong ipahayag ang balita.
"Ano ka ba, siyempre magkaibigan tayo, sinuklian ko lang ang kabaitang pinakita mo as akin. Isa pa pinaglaban ko lang ang tama" sagot ko sa kanya.
"Paano yan e di magkita na lang tayo bukas. Dating gawi na naman tayo niyan"
"Teka Jerome, parang malabo na yata mangyari yan, kondisyon kasi ni Sir Carlo na hindi na ako pwede pang sumama sa iyo."
"Ha!, pumayag ka naman?" ang tanong niya sa akin na halatang gulat sa sinabi ko.
"No choice kaya ako"
"Ganoon ba, E ano ba ang nararamdaman mo ngayon?"
"Medyo malungkot, ikaw na nga lang ang kaibigan ko tapos paghihiwalayin pa tayo"
"Ako rin, pero pwede pa naman tayong  magkita nang patago."

Kahit papaano natuwa ako sa sinabi niya. Oo nga naman, maaari pa naman kaming mag-usap nang hindi malalaman ni Kuya Carlo. Isa pa, sa trabaho lang naman iyon, pwede naman siyang pumunta sa bahay. Bakit hindi ko naisip yun?" ang tanong ko sa aking sarili.

At napag-usapan naming dalawa ang magiging set-up namin. Hindi na kami mag-uusap muna sa office, sa halip ay pupunta na lang siya sa bahay pagkatapos ng trabaho at kapag walang pasok ay lalabas kaming dalawa.

Sa sarili ko, iniisip at tinatanong ang aking sarili kung bakit naging ganito na lang ang pagpupursige ko para kay Jerome. Siguro ayoko lang mawalan ng kaibigan marahil sa pangungulila ko pa rin kay Kuya Carlo.

Kinabukasan, tulad ng napag-usapan ay nakabalik na si Jerome sa kompanya. Pagkapasok ko pa lang sa lobby ay nakita ko siya agad na kausap ang iba naming mga kasamahan. Nagpasiya akong hindi muna siya batiin, tutal ay mag-uusap naman kami mamaya. Agad na akong sumakay ng elevator paakyat sa taas.

Halos kararating ko lang sa aking mesa nang lumapit sa akin si Suzie.
"Good Morning po Sir Rico, inaantay po kayo ni Sir Carlo. Bilin niya sa akin na papuntahin kita sa office niya pagdating mo"
"Ah oo sige salamat" ang sagot ko sa kanya.

Agad akong pumunta sa opisina ni kuya Carlo, na clueless sa anumang sasabihin niya sa akin. Kakatok pa lang sana ako nang magbukas ang pinto at iniluwa ang kanyang katauhan, halatang hinihintay ang aking pagdating. Nabigla man ay casual ko pa rin siyang binati.

"Good morning po Sir Carlo"
"Good morning din Rico, halika pumasok ka at may importante tayong pag-uusapan." ang sagot niya sa akin.

Siya ang unang nagsalita pagkaupo naming dalawa. "Tulad ng napag-usapan natin, nakita mo na ulit si Jerome dito. Tinuwid ko na ang aking mga pagkakamali. Siguro naman ay masaya ka na"
"Opo sir, salamat sa inyo." sagot ko sa kanya.
"Kaya its time para tuparin mo ang pangakong pagbibigyan mo ang aking pabor. Natatandaan mo naman siguro kung ano iyon di ba?"
"Yes Sir" ang sagot ko ulit.
"Mabuti naman. Kaya kita pinatawag ngayon ay para pag-usapan natin ang tungkol doon. May sasabihin lang ako sa iyong ilang mga paalala. bukod pa doon sa napagkasunduan natin kahapon.
 Tinango ko lang ang aking ulo tanda ng pagpayag ko na makinig ko sa mga sasabihin niya.
"Una, simula sa araw na ito, ay dito mo na gagawin ang iyong mga trabaho dito sa aking opisina. Pinaayos ko na kanina ang magiging mesa mo. Pangalawa, ikaw na ang lagi kong kasama sa lahat ng mga lakad ko. Pangatlo, kailangan mo nang palitan ang contact number mo."

Maya-maya may kinuha siyang isang itim na box sa loob ng kanyang bag. Sobrang nabigla ako sa laman ng buksan ko ito. Isang latest na brand new Apple I-phone!

"Yan ang magiging cellphone mo. May simcard na rin yan sa loob. Naka save na dyan ang cellphone number ko."

Todo ang naging kasiyahan ko sa natanggap ko sa kanya. Hindi ako makapaniwala na nasa akin na ang isang bagay na minsan kong hiniling na bilhin sa sarili ko kapag nagkaroon na ako ng extra na pera. Panay nga ang tingin ko sa mga shops sa mall kapag namamasyal kami ni Jerome.

"Simula ngayon ay yan na ang gagamitin mo. Kaya i surrender mo na sa akin ang luma mong cellphone." ang sunod nioyang sinabi sa akin.
"Salamat po Sir. Pero kukunin ko pa po ang mga contacts ko dito"
"Hindi na kailangan, nakalagay na rin diyan ang number ng kuya mo pati ni Tita."

Ewan ko ba kung bakit hindi ako makaalma sa lahat ng mga ginawa niya pati na rin sa mga nauna niyang sinabing paalaala. Marahil sa kasiyahan ko sa binigay niya sa aking regalo kaya napasang-ayon na ako sa gusto niya. Inisip ko na lang na kailangan kong sanayin ang aking sarili sa bagong set-up na kasama si Kuya Carlo na magsisimula ngayong araw na ito.

Itutuloy..................

No comments:

Post a Comment