Monday, February 6, 2012

ANG AKING UNANG PAG-IBIG Part 6

Tulad pa rin ng inaasahan, ganoon pa rin ang ginawa ni Adonis pagkagising ko kinabukasan. Naghanda pa rin siya ng agahan para sa aming dalawa. Ngunit sa mga nangyari kagabi, alam ko nang may magbabago sa aming set-up.

Pinagmasdan ko ang mga inihain niyang pagkain habang pababa ako ng hagdan hanggang sa makaupo ako. Maya-maya lang ay dumating na si Adonis dala ang isang platong may pritong hotdog galing kusina.
"Mabuti naman at gising ka na. Pupuntahan na sana kita sa kwarto mo upang gisingin ka" ang masigla niyang pagbati sa akin.

Imbes na sagutin ko siya ay napako ang aking pansin sa kanyang katawan. Wala siyang pang-itaas na damit at suot ang binili kong boxer shorts. Ewan ko ba, madalas naman ganito pero hindi ko pa rin maiwasang  makaramdam ng pagnanasa sa kanya.

"Kailangan pa bang maghubad habang nagluluto?" ang tanong ko sa kanya.
Napangiti siya sa aking pahayag. "Kagagaling ko lang kasi sa pag-eehersisyo. At bakit masama bang maghubad? Palagi naman akong naghuhubad. Parang hindi ka na nasanay."
Naguluhan naman ako sa mga narinig ko sa kanya. "Hindi naman. Pero alam mo naman na bakla ako di ba? Siguro naman makakaramdam ka na ng pagkailang lalo nat dalawa lang tayo dito sa bahay."
"Iyon lang ba? Wala naman akong pakialam kung may pagnanasa ka sa akin." ang kanyang sagot.

Pinagmamasdan ko siya habang kumakain habang iniisip ang kanyang mga pahayag. Nakakapagtaka kasi na tila wala lang sa kanya ang mga rebelasyong sinabi ko sa kanya kagabi.

"Uy! Natulala ka na naman sa akin. Kumain ka na" ang pagputol niya sa aking pagmumuni-muni. Base sa tono ng kanyang boses ay hindi naman siya naiinis sa aking ginawa.
"Baka matunaw na ako niyan sa pagtitig mo, mawawalan ka na ng pagpapantasyahan." ang kanyang pagpapatuloy.
"Siraulo ka" ang nasabi ko na lang. At nagkatawanan kaming dalawa.
"Ikaw ha nakuha mo pang magbiro, sige ka baka pag hindi ako makapagpigil baka halayin kita dyan." ang dagdag kong biro sa kanya.

At nabigla ako sa hindi inaasahang sinagot niya sa akin. "Sige game ako. Kung iyon ang magpapasaya sa iyo."

Naging palaisipan ulit sa akin ang kanyang sagot na iyon. Parang gusto ko nang gawin ang bagay na iyon sa kanya ngunit naisip ko rin na baka sinusubukan lang niya ako. Pinigilan ko na lang ang aking sarili upang hindi maging kumplikado ang sitwasyon.
"Joke ko lang iyon ha. Alam ko namang sinasakyan mo lang ako." ang aking sumunod na sinabi sabay subo ng kanin.

Napansin ko ang bigla niyang pananahimik. Napatingin ako sa kanya at nakita ko ang pagseryoso ng kanyang mukha.
"Adonis, may nasabi ba akong hindi maganda?" ang agad kong tanong sa kanya.
"Wala. Ok lang ako. Sige bilisan mo na baka ma late ka sa work mo." ang sagot niya sa akin.
______
"Ikaw na muna ang bahala dito ha. Kung naiinip ka pwede ka namang lumabas at mamasyal o kaya naman ay maglaro ng basketball. Im sure inaabangan ka na naman ng mga fans mo dun sa court." ang sabi ko sa kanya bago ako pumasok sa aking kotse.
"Dito na lang ako sa bahay."
"Sigurado ka, huwag kang mag-alala hindi naman ako magagalit. Malaya ka namang gawin ang gusto mo."
"Ok lang ako dito. Sige na baka mahuli ka na niyan." ang sgot niya sabay ngiti. Hindi ko napigilan ang sarili kong mapangiti rin.
______
"Hindi daw papasok si Rhoda ngayon." ang agad na sabi ni Marie sa akin pagdating ko sa boutique. Isa si Rhoda sa aking mga empleyado. Pareho kami ng sekswalidad ang kaibahan nga lang ay lantad siya at cross-dresser.
"Bakit na naman?" ang aking tanong sa kanya habang inaayos ang aking mesa. 
"Ayun nag-away na naman sila ng kanyang jowa." ang kanyang sagot sabay lapit sa aking tainga at bumulong. "Nakita daw niya ang kanyang boylet na may kasamang girl."
"Ganoon ba." ang nasabi ko na lang. 

 Para sa akin, expected na ang ganitong mga senaryo sa relasyon ng dalawang lalaki. At isa rin ito sa mga dahilan kung bakit iniiwasan ko ang pakikipagrelasyon. 
"Kamusta naman kayo ng Adonis mo?" ang sunod na tanong ni Marie sa akin.

Isinalaysay ko sa kanya ang lahat ng mga nangyari simula kagabi.
"Really, hindi man lang siya naapektuhan sa pag-amin mo sa kanya?" ang tanong niyang hindi makapaniwala matapos kong maglahad.
"Ewan ko ba. Parang bumaliktad pa nga ang sitwasyon. Parang gusto ko na ngang patulan ang mga panunukso niya sa akin kanina. Pero siyempre nagpigil ako, mahirap na."
"Ayieeeee!!!!" ang kinikilig niyang reaksyon. "Naku baka siya na ang iyong magiging unang pag-ibig."
"Tunigil ka nga. Hindi maaaring mangyari iyon. Unang-una misteryo pa nga sa akin ang pagkatao niya. May amnesia siya. Anytime maaaring bumalik ang alaala niya. Siyempre babalewalain na niya ang lahat ng ginagawa niya ngayon."
"May point ka diyan."
"Sa ngayon kasi  lumalabas na ako lang ang kilala niya kaya siguro ganoon na lang siya kabait sa akin."
"May point ka na naman diyan."
"So habang hinihintay ko yung detective ay titiisin ko muna ang lahat. Pakikisamahan ko na lang siya."
______
Sa paglipas ng mga araw ay lalong tumitindi ang aking pagkalito sa mga nangyayari. Kasabay nito ay ang pagyabong ng aking nararamdaman sa kanya. Siguro nga ito na ang sinasabi ni Marie na aking unang pag-ibig. Paano ba naman, napakabait niya sa akin. Halos lahat na yata ng katangian ay nasa kanya na.

Tuwing uuwi ako ng bahay ay palagi nang may nakahandang hapunan. Ganoon din sa paggising ko sa umaga na may nakahandang almusal. Di lang yan, siya na rin ang naglalaba ng aming mga damit at naglilinis ng bahay. Parang houseboy na nga ang papel niya. Hindi ko rin maiwasang isipin na para na kaming mag-asawa sa aming set-up. Siya ang nasa bahay at ako ang naghahanap-buhay.

Isang gabi, habang abala ako sa pag-edit ng mga files sa aking laptop,
"Victor, pinagtimpla kita ng kape. Alam kong aabutin ka na naman ng madaling araw sa ginagawa mo." si Adonis na pumasok sa aking kwarto dala ang isang tasa.
"Salamat ipatong mo na lang diyan sa tabi." ang sagot ko sa kanya na ang mga mata ay nakapokus sa aking ginawa. "Ikaw matulog ka na" ang pahabol ko.
"Hindi pa ako inaantok e." ang sagot niya sabay lapit sa aking likuran. Tinignan niya sa screen ang aking ginagawa. Maya-maya lang ay naramdaman ko na lang ang mga kamay niyang nagmamasahe sa aking balikat.
"Oh ito pamparelax." ang sabi niya sa akin.

Madalas na niyang gawin ang bagay na iyon sa akin. At obvious naman na pabor sa akin iyon. Ang sarap sa pakiramdam na hinahaplos ang iyong katawan ng taong mahal mo.

At hindi ko inaasahan ang sumunod na nangyari.
Habang nagmamasahe siya sa akin ay naramdaman ko na lang ang isang laman na dumikit sa aking likuran. Wala sa sariling napapikit ako, pakiramdam ko ay nagising ang aking katawang lupa kahit pa gabi iyon.

Hinayaan ko lang siya sa kanyang ginagawa. Nagkunwari kong deadma lang pero ang totoo, nawala na ang focus ko sa aking ginagawa. At halos mawala na ako sa aking sarili dulot ng pagnanasa nang mapansin ko na mas lumalaki at humahaba ang laman na iyon.

Ilang oras din tumagal ang pagmamasahe niya sa akin. Siya na rin mismo ang tumapos nito.
"Ayos na ba ang pakiramdam mo?" ang tanong niya sa akin.

Hindi sinasadyang mapatingin ako sa kanyang harapan. Palibhasang nakatayo siya at ako nakaupo, natapat ang mukha ko dito. Halatang-halata ang pagkabakat na mas lumaki kaysa sa normal.
"Victor?"
"Ah ano, oo. Sige pwede ka nang umalis. Matulog ka na." Dahil sa kaba, halos mautal ako sa pagsagot sa kanya.

"Hindi ako aalis. Sa katunayan nga, hihingi sana ako ng permiso sa iyo na dito ako matulog."
Nabigla ako sa kanyang sinabi. "Dito? Ba...bakit naman?"
"Wala lang. Bored na kasi ako nang walang katabi. Ano payag ka na sige salamat." ang sagot niya sabay higa sa kama.

Tinignan ko siya habang nakahiga. Muli ay naguluhan na naman ang aking isip. Sa puso ko sinasabi na gusto ko ito at pabor sa akin dahil makakatabi ko sa unang pagkakataon ang taong aking lihim na minamahal at pinagpapantasyahan. Ngunit iba naman ang dinidikta ng aking utak na mali ito.

"Hay ang sarap naman sa kama mo." ang sabi niya. Nakatingin siya sa akin habang nakangiti.
"Ano ka ba? Parehas lang naman tayo ng kama." ang sagot ko sa kanya.
"Hindi, mas masarap dito kasi may kasama na ako na mayayakap ko."
"Yakap ka diyan. Naku Adonis alam mo naman di ba? Baka mamaya niyan hindi ko mapigilan ang sarili ko na tsansingan kita." ang sagot kong hinaluan ng biro.
"Hmmm... Pwede. Malaya ka namang gawin ang gusto mo."

"Ito na naman tayo Adonis." ang nasabi ko sa aking sarili sa kakaiba niyang pagsagot sa akin. "Ano ba talaga ang nasa isip mo?"
"Ano nagdadalawang-isip ka pa diyan?" ang sunod niyang tanong sa akin. "Ikaw talaga.Kung ako sa iyo susunggaban ko na ang pagkakataon."

"Ha...ah...eh... ano?" Halos mautal-utal na ako dahil sa wala akong maisagot. Parang nag malfunction na ang aking utak sa mga narinig ko sa kanya.
"Sige na tapusin mo na yang ginagawa mo. Matutulog na ako." ang sabi pa niya sabay hagikgik.
 ______
Dahil sa nangyari ay tuluyan nang nawala ako sa konsentrasyon sa aking ginagawa. Ni hindi ko na nga nagawa pang inumin ang kanyang tinimplang kape sa akin kaya lumamig na ito. Pasimple kong nililingon si Adonis na nakadapang natutulog. Parang may magnet na naghihila sa akin na lapitan siya at haplusin ang kanyang matipunong pangangatawan.

Ngunit pinilit ko pa ring tapusin iyon. At makalipas ang halos tatlong oras ay natapos na ako. Nakakaramdam na ako ng antok kaya agad na akong humiga sa aking kama. Tumagilid ako saglit paharap kay Adonis at sinulyapan.

"Ikaw talaga Adonis, talagang nahulog na ang damdamin ko sa iyo. Kasalanan mo naman kasi eh. Pinakitaan mo ako ng mga katangian ng isang gentleman. Noon, pinagnanasaan ko lang ang itsura mo. Ngayon, minamahal na kita. Napakaswerte naman ng girlfriend o asawa mo sa iyo. Kahit wala pa akong alam tungkol sa tunay na pagkatao, sigurado ako na hinahanap ka na nila" ang sabi ko sa aking sarili habang nakatitig sa maamo niyang mukha.

Makalipas ang ilang minuto ay unti-unti na akong napapapikit dala ng antok at tumagilid na ako patalikod sa kanya.

Maya-maya lang ay naramdaman ko na lang ang hangin na dumadampi sa balat ng aking batok. At nabigla pa ako sa pagdantay niya sa akin.

Itutuloy...

Wednesday, February 1, 2012

CAMPUS TRIO Part 20

Kahit papaano ay nabawasan ang bigat na nararamdaman ni Andrew sa pagyakap na iyon sa kanya. Ilang saglit lang nagtagal ito ng biglang kumalas si Bryan.

"Nasaan na ang kwintas?" ang agad na tanong nito nang makitang hindi ito suot ni Andrew.
"Ha! tinago ko lang. Hindi ako sanay matulog nang may suot ng kung anu-ano."
"Sigurado ka?" ang sunod na tanong nito.
"Oo."

Kinuha ni Andrew ang kwintas sa kanyang drawer. Bago bumalik sa kama ay binuksan na niya ang ilaw upang makapag-usap sila ng maayos.
"Oh eto ang kwintas mo. Kukunin mo na ba?" ang tanong niya sabay bigay ng kwintas. Naisip niya na baka babawiin na nito ang kwintas dahil sa mga nangyari.

Ngunit nagkamali siya ng akala. Nang kunin ito ni Bryan ay isinuot ito sa kanyang leeg.
"Sanayin mong palaging suot ito ha." ang kanyang sabi. "Lalo na ngayon na pansamantala tayong hindi magsasama. Ito ang magsisilbing alaala mo sa akin."

Napatingin si Andrew sa pahayag na iyon ni Bryan.
"Kahit hindi mo sabihin sa akin, alam ko na ang mga pinag-usapan niyo ni Mama. Ako na ang humihingi sa iyo ng tawad sa mga ginawa niya sa iyo."
"Wala kang dapat ihingi ng tawad sa akin. Naiintindihan ko naman e. Kasalanan ko rin naman ito. Sana noon pa hindi na ako nagpadala pa sa nararamdaman ko"
"Parang sinabi mo naman na nagsisisi ka." ang may himig pagtatampong sambit ni Bryan sa mga narinig sa kausap.

Hinaplos ni Bryan ang magkabilang pisngi ni Andrew.
"Alam mo ba na sobrang naging masaya ang buhay ko nang makilala kita. Ikaw ang dahilan ng aking pagbabago Andrew. Kung ang nasa isip mo ngayon ay ang pagsuko, ibahin mo ako. Tulad nga ng sabi ko kanina, pansamantala tayong maghihiwalay. Susundin ko si Mama. At kapag nakatapos na ako at makatayo sa sariling paa, pangako ko na babalikan kita. "

Napayuko si Andrew habang iniisip ang mga sinabi ng kausap.
"Kaya sana Andrew ganoon ka rin. Huwag mo naman ako isuko. Ipangako mo sa akin na hindi ka bibitaw kahit anong mangyari."
"Kahit kailan talaga matigas ang ulo mo Bryan." ang nasabi ni Andrew.
"Yah right." ang nakangisi nitong tugon. "So promise me Andrew."

Nagkatinginan ang dalawa.
"Sige." ang pagpayag ni Andrew.

Niyakap muli ni Bryan si Andrew.
"You're mine Andrew. Lahat ng magtatangka sa iyo ay makakatikim sa akin." ang pagbulong nito sa kanyang tainga.

Hindi naman naiwasang mapangiti ni Andrew sa narinig. "Ows. Baka nga ikaw eh. Kapag hindi ka na makatiis ay maghanap ka na ng iba jan o di kaya ay mambabae ka na."

Kumalas muli si Bryan at tinignan ang mukha ni Andrew.
"Ang ibig bang sabihin nito na magseselos ka kapag ginawa ko iyon?" ang nakangisi nitong sambit.
"Hindi ah! Tatanggapin ko naman kung sakaling manliligaw ka ng babae. Sa itsura mo ba naman, alam kong maraming nagkakagusto sayo."
"Are you sure?" 
"Oo naman."
"Sige masubukan nga yang sinasabi mo." sinabi lang niya ito para malaman ang magiging reaksyon ni Andrew. At nakita lang niya ang pagtahimik nito.

"Biro lang yun." ang pagbawi niya ng kanyang sinabi. "Hinding-hindi ko magagawa yun sa taong laman ng aking puso."

Tinignan naman siya ni Andrew at nakita nito ang sinseridad sa mapupungay nitong mga mata.
"Wala ka man lang sasabihin jan?" ang tanong nito sa kanya.
"Anong gusto mong sabihin ko?"
"Yung sinabi mo sa akin sa mall."

Naalala naman niya ang naging eksena nila doon kung saan ay inamin ni Bryan sa kanya ang tunay nitong nararamdaman.
"Look at my eyes Andrew, and say to me the words I LOVE YOU."
"Nasabi ko na yan."
"Gusto ko ulit marinig ang mga salitang iyon sa iyo."
"Hindi na siguro kailangan pa iyon."
"I need that Andrew. Dahil iyon ang magiging inspirasyon ko upang maghintay."

Sa pagkakataong iyon ay nakita ni Andrew ang pagiging seryoso ni Bryan. Muling nagbalik sa isipan ni Andrew ang ilang mga alaala na magkasama sila.
"Hanggang ngayon Bryan, hindi ko pa rin lubos maisip kung bakit nagkagusto ka sa isang tulad ko."
"Hays, ilang beses mo na yata tinanong yan sa akin. Sige ganito na lang. Look at yourself sa salamin para malaman mo ang dahilan."

Hindi naman sa pagyayabang ngunit masasabi ni Andrew sa kanyang sarili na may itsura siya tulad ng pagpuri sa kanya ni Dina. Ngunit iniisip niya na wala siyang binatbat kung ikukumpara siya kay Bryan. At ngayon, ang isang tulad niya ang nagustuhan nito na siyang habulin at tinitilian sa campus ng mga babae at binabae.

Sa nagdaang mga buwan na magkasama sila nang madalas ang naging daan upang mahulog ang loob niya rito. At ang sobrang kalungkutan niya sa naging hakbang ng ina ni Bryan ang siyang magpapatunay na mahal na niya ito.

Dahil dito ay binigkas na niya ang mga katagang nais marinig muli ni Bryan sa kanya sa mga oras na iyon.

Nakita ni Andrew sa mukha nito ang isang napakatamis na ngiti matapos niyang sambitin ang mga katagang iyon. Ngiting na hanggang ngayon ay nagpapahumaling sa kanya.

"Ang sarap sa pandinig ng mga sinabi mo Andrew. Kahit papaano ay may pinanghahawakan na ako upang magtiyaga sa paghihintay." ang nakangiti pa ring pahayag ni Bryan.
"Ayan sinabi ko na sa iyo ha." si Andrew.
"Pwede mo bang ulitin isa pa."
"Tama na. Napilitan nga lang ako kanina e."
"Napilitan? So you mean sinabi mo lang iyon dahil sa inutos ko."
"Hindi. Ang totoo niyan pinipigilan ko pa rin ang sarili ko ngayon. Natatakot kasi ako at nag-aalala na baka ang pagmamahal kong ito sa iyo ang siyang ikasira ng buhay namin ni nanay. Yung Mama mo pa lang tutol na siya sa atin di ba?"
"Hayaan mo malalagpasan din natin ang pagsubok na ito." ang huling pahayag ni Bryan habang hinahaplos ang ulo ni Andrew.
_______
Sa paglipas ng isang buwan...

"Kamusta na si Andrew?" ang tanong ni Bryan na kakapasok lang kay Michael na nabala sa pagbabasa sa kanilang tambayan.
"He's Ok." ang matipid nitong tugon.
"Hays. Ang tagal naman!" ang medyo iritang pahayag ni Bryan sabay takip ng mga palad sa mukha.

Natawa naman si Michael. "Hindi ka na ba makatiis?"
"Alam mo ba tol yung pakiramdam na hindi kayo nagpapansinan. Naisip ko nga na baka may iba na siya."
"Bakit mo naman nasabi yan?"
"Madalas kaming nagsasalubong dalawa. Nakatingin ako sa kanya, pero siya todo effort talaga sa pag-iwas. Minsan nga nagtatago pa talaga."
"Hindi ba iyon ang usapan niyo."
"Oo. Pero ewan ko ba. Iba ang nagiging pakiramdam ko."
"Huwag kang mag-alala tol. Si Andrew ay hindi tipo ng tao na madaling magbago ang nararamdaman. Kaya pwede ba tol itigil mo na yan. OA ka na masyado."
"Sira. Baka gusto mo upakan kita dyan. Kita mo na ngang seryoso ako. Siya nga pala, nasaan na naman si Troy?"
"As usual. Kasama na naman niya si Andrew."
"Ayus ah. Halos araw-araw na silang magkasama."

Tinignan ni Michael ang kausap matapos niyang marinig ang pahayag niyang iyon. May napansin kasi siyang iba sa tono nito ng pagsasalita. "Oo naman. Di ba yun ang pinakiusap mo ang bantayan si Andrew."
"Oo na!"ang medyo pabulyaw niyang sagot.
"Cool ka lang tol. Teka nga bakit ka ba naiinis?"
"Hay ewan ko sa iyo." ang huli niyang sagot bago lumabas ng tambayan.

Napailing na lang si Michael sa inasal ng kaibigan.
______
"Wala ka bang ibang gagawin Troy?" ang tanong ni Andrew habang naglalakad sila palabas ng campus.
"Bakit ayaw mo na ba akong kasama?" ang nakangiti nitong sagot.
"Hindi naman. Kasi naisip ko na baka marami ka nang bagay na hindi nagagawa dahil sa akin. Ayaw ko naman na ibuhos mo ang lahat ng atensyon mo sa akin na halos hindi mo na bigyan ng oras ang sarili mo."
"Ano ba yang mga sinasabi mo? Masaya ako sa ginagawa ko." ang walang pag-aalinlangan na pahayag ni Troy.

Hindi sumagot si Andrew.
"By the way, nasabi sa akin ni Tita na bumalik ka na daw sa dati mong trabaho." ang pag-iiba ng usapan ni Troy. Ang tinutukoy niya ay ang pagbabalik sa pangangalakal ng basura ni Andrew.
"No choice ako eh. Nauubos na kasi ang perang naipon namin mula sa pagtututor ko.  Tapos si nanay, medyo hirap na siya sa pagtatrabaho. Madalas na siyang sumpungin ng sakit niya. At ito nga pinoproblema pa namin kung saan kami maninirahan."
"Bakit?" ang medyo nabiglang tanong ni Troy sa huling sinabi ni Andrew.
"May nakabili na ng lupang tinitirikan ng bahay namin. Nagpadala na nga ng notice sa amin tungkol sa demolisyon."
"Ganoon ba? So kailan ba yun?"
"Binigyan kami ng isang buwan para makapaghanda."

Isang bagay ang agad pumasok sa isipan ni Troy matapos  marinig ang mga pahayag ni Andrew.
_______
"Kuya, hindi pa po ba darating si Kuya Andrew?" ang agad na salubong na tanong ni Billy sa kararating lang na si Bryan kinagabihan.

Halos araw-araw at walang patid kung magtanong ang kanyang kapatid ukol sa bagay na iyon. Umupo siya sa sofa at inaya ang kapatid na kumalong sa kanya.
"Pupunta rin siya dito." ang malambing nitong sagot.
"Kailan pa po Kuya. Ayoko na po kasi ng tutor ko e."
"Bakit naman?"
"Masungit po siya."

Hindi naman lingid sa kaalaman ni Bryan ang hindi pag-eenjoy ng kanyang kapatid sa bagong tutor na kinuha ng kanilang ina. Kapansin-pansing hindi na ito ganung kasigla tulad ng mga panahong si Andrew ang nagtuturo dito.
 
"Ganoon ba? Gusto mo kausapin ko si Mama at sasabihin ko na palitan na si Teacher Rose?" ang tanong niya sa kapatid.
"Opo. Si kuya Andrew na lang po ulit."
Bahagyang natawa si Bryan sa sagot ng kapatid. "Ikaw talagang bata ka."

Naputol ang pag-uusap ng magkapatid sa pagdating ng kanilang ina sa pamamagitan ng busina ng kanyang sasakyan sa labas. Agad na tumayo si Bryan at pumunta sa kwarto nito. Hanggang ngayon kasi ay may sama ng loob pa rin siya sa kanyang ina.
_______
Nakahiga si Bryan sa kanyang kama na nakaunan ang kanyang isang braso sa ulo habang nakatingin sa kisame. Iniisip pa rin niya ang kanyang pangamba kay Andrew.
"Siguro nga nagseselos ako!" ang sabi niya sa kanyang sarili patungkol sa palaging pagsasama nina Troy at Andrew. "Pero wala naman akong magagawa. Inihabilin ko siya sa kanya kaya natural lang na maglapit silang dalawa."

Maya-maya lang ay nag-ring ang kanyang phone. Nang makita ang pangalan ni Troy sa screen, ay agad niyang sinagot ang tawag.
"Oh tol napatawag ka"
"Oo, mahalaga kasi itong sasabihin ko tungkol kay Andrew."
"Bakit anong nangyari sa kanya?"
"Oh calm down, walang nangyari sa kanyang masama."
"Pasensya na. Sige ano ba iyon?"
"May malaking problema kasi ang pamilya niya ngayon. Pinapaalis na sila sa kanilang tirahan dahil may nakabili na ng lupa tinitirikan ng kanilang bahay."
"Ganoon ba?" ang nanlalambot nitong tugon sa sinabi ni Troy. Sa mga oras na iyon ay nais niyang matulungan agad si Andrew ngunit sa kanilang sitwasyon ay malabo itong mangyari.
"Ano may naisip ka na bang paraan para matulungan siya?"
"Actually kanina ko lang naisip ito. Kaya tinawagan kita para ipaalam sa iyo ang mungkahi ko na doon ko sila sa bahay patitirahin. Kinausap ko naman na si Lola at sinabing ayos lang sa kanya. Kumbaga, kukunin namin ang kanyang ina bilang kasambahay."


Bigla namang naguluhan si Bryan sa narinig niyang suggestion ni Troy.

Itutuloy...

CAMPUS TRIO Part 19

"Ano sinabi sayo ni Mom?" ang nakangiting pagtatanong ni Bryan kay Andrew. 

Ngunit hindi na nagawa pang sagutin iyon ni Andrew sa halip ay agad siyang kumaripas ng takbo. Ayaw niyang ipakita dito ang kanyang nararamdaman sa mga oras na iyon. Naririnig niya ang pagtawag ni Bryan sa kanyang pangalan pero hindi niya pinansin ito.

Agad namang nakahanap ng lugar na matataguan si Andrew. At doon niya ibinuhos ang kanyang mga saloobin sa pamamagitan ng pag-iyak.Unang beses pa lang siya magmahal kaya napakasakit para sa kanya ang lumayo sa taong laman ng kanyang puso.

Sa kabilang banda naman ay puno ng pagtataka si Bryan sa inasal na iyon ni Andrew. Naisip niya na baka may kinalaman ang naging usapan nila ng kanyang ina kaya minabuti niyang kausapin ito.

Pagkapasok ng opisina ay agad siyang nagtanong.
"Sinabihan ko lang siya na titigil na siya sa pagtutor sa kapatid mo." ang sagot ng kanyang ina na abala sa pagsusulat.
"Bakit niyo ginawa yun Ma?" ang nabiglang tanong nito.
"Im not satisfied sa kanyang pagtuturo sa kapatid mo."
"Really? Nakita niyo naman ang pagtaas ng mga grades ni Billy."
"Gusto ko rin mag advance lessson siya. Mas makakabuti sa kanya kung isang professional tutor ang magtuturo sa kanya."
"Andrew can do that. Matalino siya at alam niyo yun."
"I know but my decision is final."
"Hindi maaari ito Ma. I know na may iba pang dahilan ang pagpahinto mo sa kanya. Alam na ba ni Billy ang tungkol dito?"
"Kahit anong pagtutol mo ay wala ka nang magagawa pa. At tungkol naman kay Billy, hindi ko naman kailangan ipaalam pa sa kanya dahil ako ang masusunod."
"Paano naman po si Andrew, Mawawalan ang pamilya niya ng additional income."
"Sinabihan ko siya na pag-iisipan ko pa ang ipapalit kong trabaho sa kanya."
"Kailan pa?"
"Maghintay siya."

Hindi kumbinsido si Bryan sa sagot ng ina.
"Ano pa ang iba niyong pinag-usapan Ma?" ang sunod niyang tanong. Gusto na niyang malaman ang tunay na dahilan ng ginawang aksyon ng kanyang ina kay Andrew.
"Yun lang. Bakit may iniisip ka pa bang iba?"
"Meron. Kanina pagkalabas ni Andrew dito, bigla na lang siya umiwas at nagtatakbo nang makita ako. Hinala ko na may sinabi ka sa kanya na naging dahilan para magkaganon siya."
"Talaga palang ganyan ka kung makapag-alala sa kanya." ang pahayag nito na sinabayan ng pang-insultong ngiti.

Sa narinig na sagot ay may nakuha na siyang clue sa kanyang gustong malaman.
"Oo Ma. Dahil mahalaga siya sa akin." ang deretsahang niyang sagot.
"Alam mo ba ang sinasabi mo?!" ang medyo napataas na ng boses na tanong ng ina.
"Oo at seryoso ako Ma."

Napatakip ng mukha ang ina ni Bryan dahil sa mga narinig sa anak. "Yan, yan ang dahilan kung bakit ko siya pinatigil. Gusto kong lumayo siya sa iyo."
"Hindi ako papayag Ma."
"Nahihibang ka lang. Hindi mo ba iniisip ang maaring mangyari ng kahibangan mong yan. Ngayon pa lang pinag-uusapan ka na ng lahat ng tao at estudyante sa buong university. Wala ka bang kahihiyan? Kung hindi sa sarili mo sa pamilya na lang sana natin."
"Yan pala ang inaalala mo Ma. Ang reputasyon natin dito sa school tsk. I dont care sa iisipin at sasabihin ng iba tungkol sa akin o sa pamilya natin. Ang importante lang sa akin ay ang kasiyahan ko at ito ay si Andrew."
"Masyado nang nilason ng Andrew na yan ang isip mo. Sabi ko na nga ba noon pa lang may hinala na ako sa inyong dalawa. Sige pairalin mo ang tigas ng ulo mo. Tignan lang natin ang pwede mangyari sa kanya."

Natigilan si Bryan sa narinig sa ina. Alam niya ang mga kayang gawin nito makuha lang ang gusto. Una niyang naisip ang scholarship ni Andrew. Maaaring siyang tanggalin at hindi na makapagpatuloy ng pag-aaral. Kung mangyayari iyon ay masisira ang kanyang kinabukasan pati ang magiging buhay nilang mag-ina.
"Ok. Kung anuman ang gusto niyo susundin ko." ang tila sumusuko nitong pahayag.
"Mabuti naman at nagkakaintindihan tayo."

Pagkalabas ng opisina ay agad niyang pinuntahan si Andrew sa room nito upang kausapin ngunit siyay nabigo. Napagdesisyunan na lang niya na puntahan ito sa kanilang bahay.
______
Malungkot na inilahad ni Bryan sa kanyang mga kaibigan ang naging usapan nila ng kanyang ina.
"As expected. Noon pa lang naisip ko na ang possibility na mangyayari ito" ang komento ni Michael.

"So ano na ang balak mo ngayon. Isusuko mo na ba si Andrew?"
"Never kong gagawin ang bagay na yan." ang pagdeny ni Bryan sa narinig.
"Pero pumayag ka sa gusto ni Tita."
"Nasabi ko lang yun para hindi na maging kumplikado pa ang sitwasyon. Baka kung magpumilit ako ay pahirapan niya si Andrew."
"Ano naman ang gagawin mo?" si Troy.
"Naisip ko na sundin si Mama sa ngayon. Hihintayin ko lang na makapagtapos ako at makahanap ng magandang trabaho nang sa gayon ay hindi na ako aasa pa sa kanya. Hindi na niya ako makokontrol at magagawa ko na ang gusto ko."
"I agree with your plan tol. Talagang ang laki na ng pinagbago mo." ang masayang papuri sa kanya ni Troy. Simula nang makilala niya si Andrew ay napansin niya ang paglabas ng mga mabubuting katangian ng kaibigan.
"So the question is, makakaya mo bang dumistansiya sa kanya. Almost a year pa ang hihintayin mo?" ang tanong ni Michael.
"Pipilitin ko kung yun lang ang tamang paraan." ang tugon ni Bryan. "Kaya mga tol may papakiusap lang sana ako sa inyo."
"Kung tungkol kay Andrew, sige tutulungan ka namin." ang agad na sagot ni Troy.
"Balak ko siyang kausapin mamaya para sabihin sa kanya ang lahat ng magiging plano ko para sa kanya. At pagkatapos nun, ay hindi ko muna siya malalapitan. Kaya mga tol pabor lang. Kayo na lang ang maaaring makausap niya, sana pakibantayan niyo at kung anuman ang maging problema niya ay matulungan niyo siya. Pwede ba yun mga tol."

Inakbayan siya ni Troy sabay tapik sa balikat nito. "Basta ikaw tol. Dont worry. Kami na ang bahala sa kanya." ang nakangiti nitong sagot.
"Salamat sa inyo." si Bryan sabay ngiti sa kanila.
_______
"Bakit ang aga mo anak. Wala ka bang tutorial ngayon?" ang nangtatakang tanong ng ina kay Andrew nang umuwi siya nang hapong iyon.
"Wala na po nay." ang walang emosyong tugon nito.
Napansin ng ina ang kakaibang itsura ng mukha ng anak.
"Pinahinto na po ako ni Mam Sebastian." ang pagpapatuloy ni Andrew sabay upo sa silya at naghubad ng sapatos.
Nilapitan siya ng ina. "Bakit naman biglaan yata?"
"Gusto po niyang layuan ko si Bryan."

Nakuha na ng kanyang ina ang ibig ipakahulugan ng anak. Bilang ina ay nalulungkot din siya sa pinagdadaanan ni Andrew.
"Wala tayong magagawa kung iyon ang desisyon ni Mam Sebastian. Hayaan mo na anak, tutal kahit papaano ay nakapag-ipon ka naman di ba."
"Opo nay. At napagdesisyunan kong tanggihan na rin ang iaalok niya sa akin na bagong trabaho para hindi na lumala pa ang sitwasyon. Sige po nay pahinga na muna ako." ang malungkot pa rin nitong sambit. Nagtungo na siya sa kanyang kwarto.
Hinayaan na lang munang mapag-isa ng ina ni Andrew ang kanyang anak. 
_______
Kinagabihan habang naghahapunan ang mag-ina ay malungkot na inilahad ni Andrew ang lahat ng mga nangyari sa ina.  Patapos na sila ng pagkain ng biglang may kumatok sa pinto ng kanilang bahay.

"Kayo na po magbukas nay baka si Bryan yan." si Andrew. Ayaw na niya kasing kausapin pa ito.
"Wala ka bang balak na harapin siya anak?" ang tanong ng kanyang ina.
"Sabi nga po ni Mam Sebastian na lumayo na ako sa anak niya di ba? Kayawala na akong dahilan para makipag-usap sa kanya."
"O siya sige ako lang na magbubukas." ang tugon ng ina sabay tayo papunta sa pinto.

"Magandang gabi po nay." ang pagbati ni Bryan sa ina ni Andrew pagkabukas ng pinto. "Si Andrew po?"
"Ah nagpapahinga na. Medyo masakit ang pakiramdam niya." ang pag-aalibi ng ina nito.
"Ganoon po ba?" ang malungkot niyang tugon. "Patawad po pala nay sa mga nangyari, sa ginawa ng Mama ko kay Andrew."
"Wala kang dapat ihingi ng tawad iho. Bilang ina rin ay nauunawaan ko ang naging pasya ng Mama mo."
"Pero di po ako sang-ayon sa gusto niya. Pinagkakaitan niya ako ng kaligayahan. Kaya po narito ako ngayon para kausapin siya at sasabihin ko po sa kanya ang mga plano ko."
"Plano?" ang nagtatakang tanong sa kanya ng ina ni Andrew. "Kung tungkol yan sa pagsuway mo sa utos ng iyong magulang at ipagpilitan ang iyong kagustuhan ay huwag mo na sana ituloy."
"Pero sana po maintindihan niyo na hindi ko kayang mawalay kay Andrew."
"Alam ko iho ang nararamdaman mo. Ngunit hindi mo ba naisip ang posibilidad na baka lumala pa ang sitwasyon. Sana maintindihan mo rin na iniisip ko ang kapakanan ng aking anak."
"Opo nay. Kaya nga po pinagplanuhan ko pong mabuti ito."

Akmang sasagot pa ang ina ni Andrew nang biglang itong ubuhin.
"Ayos lang po ba kayo nay." ang nag-aalalang tanong ni Bryan. Sa tingin niya kasi ay parang hindi normal ang pag-ubo nito.
"Oo iho medyo malamig kasi eh. Sige na umuwi ka na, masyado nang gabi."
_______
Nanatiling nakatayo si Bryan sa kanto. Hindi siya uuwi hanggat hindi niya nakakausap si Andrew. Nagtiyaga siyang maghintay hanggang sa makahanap siya ng tiyempo. Madaling araw na at halos tahimik na ang lugar na iyon nang magdesisyon siyang bumalik sa bahay nito. Tinungo niya ang bintana ng mismong silid ni Andrew. Inangat niya ang kahoy na nagsisilbing pangsara nito.

Naaninag siya ni Bryan sa pamamagitan ng ilaw na nagmumula sa poste. Nakahigang nakatagilid siya patalikod sa bintana. Pumasok siya at umupo sa matigas niyang kama.

Ang haplos ng kanyang kamay sa ulo ang siyang nagpagising kay Andrew.
"Bryan anong ginagawa mo dito?" ang tanong niyang may pagkabigla. Bumangon siya mula sa pagkakahiga at umupo.
"Gusto lang kitang makausap at huwag kang maingay baka magising si nanay." ang sagot ni Bryan. Ikaw kamusta ka na?" ang sunod niyang tanong. Nais niyang malaman ang kanyang kondisyon matapos ang mga nangyari.
"Ayos lang." ang matipid na tugon ni Andew.

Sa kabila ng madilim na silid ay napansin ni Bryan ang mga mata ni Andrew, iba ito sa dating maganda at mapungay na isa sa mga nagustuhan niya rito.
"Thats a lie. Kaya pala tinakbuhan mo ako kanina."
"Nagmamadali lang ako kanina."
"Talaga, e bakit ka naiiyak? Huwag kang magkaila, napansin kita kanina. Hanggang ngayon, kita ko sa mga maga mong mata."

Napayuko na lang si Andrew at nagsimula nang maiyak ulit.

Maya-maya ay naramdaman na lang niya ang mga malalaking braso na bumalot sa kanyang katawan.

Itutuloy...